Book of Common Prayer
Ang Dios at ang Tao
90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
2 Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
3 Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
4 Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
5 Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
6 o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
7 Dahil sa inyong galit kami ay natutupok.
Sa tindi ng inyong poot kami ay natatakot.
8 Nakikita nʼyo ang aming mga kasalanan,
kahit na ang mga kasalanang lihim naming ginawa ay alam ninyo.
9 Totoong sa galit nʼyo kami ay mamamatay;
matatapos ang aming buhay sa isang buntong hininga lang.
10 Ang buhay namin ay hanggang 70 taon lang, o kung malakas pa ay aabot ng 80 taon.
Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
Talagang hindi magtatagal ang buhay namin at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa ng inyong matinding galit.
Matindi nga kayong magalit, kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.
15 Ang inyong mga pangalan ay susumpain ng aking mga pinili, at ako, ang Panginoong Dios, ang papatay sa inyo. Pero ang aking mga lingkod ay bibigyan ko ng bagong pangalan. 16 Ang sinumang magsasabi ng pagpapala o manunumpa sa lupain ng Israel, gagawin niya ito sa pangalan ko – ang Dios na tapat.[a] Sapagkat kakalimutan ko na ang mga nagdaang hirap, at itoʼy papawiin ko na sa aking paningin.
17 “Makinig kayo! Gagawa ako ng bagong langit at bagong lupa. Ang dating langit at lupa ay kakalimutan na. 18 Kaya magalak kayo at magdiwang ng walang hanggan sa aking gagawin. Sapagkat ang Jerusalem ay gagawin kong kagalakan ng mga tao, at ang kanyang mga mamamayan ay magbibigay din ng kagalakan. 19 Magagalak ako sa Jerusalem at sa kanyang mga mamamayan. Hindi na maririnig doon ang iyakan at paghingi ng tulong o mga pagdaing. 20 Doon ay walang mamamatay na sanggol o bata pa. Ang sinumang mamamatay sa gulang na 100 taon ay bata pa, at ang mamamatay nang hindi pa umaabot sa 100 taon ay ituturing na pinarusahan ko. 21 Sa mga panahong iyon, magtatayo ang aking mga mamamayan ng mga bahay at titirhan nila ito. Magtatanim sila ng mga ubas at sila rin ang aani ng mga bunga nito. 22 Hindi na ang mga kaaway nila ang makikinabang sa kanilang mga bahay at mga tanim. Sapagkat kung papaanong ang punongkahoy ay nabubuhay nang matagal, ganoon din ang aking mga mamamayan at lubos nilang pakikinabangan ang kanilang pinaghirapan. 23 Hindi sila magtatrabaho nang walang pakinabang at ang kanilang mga anak ay hindi daranas ng kamalasan. Sapagkat silaʼy mga taong pinagpapala ng Panginoon. At ang kanilang mga anak ay kasama nilang pinagpala. 24 Bago pa sila manalangin o habang silaʼy nananalangin pa lang, sasagutin ko na sila. 25 Sa mga araw na iyon magkasamang kakain ang asong lobo at mga tupa, pati mga leon at mga baka ay kakain ng damo. At ang mga ahas ay hindi na manunuklaw. Wala nang mamiminsala o gigiba sa aking banal na bundok ng Zion. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos nito, nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa. Naglaho na ang dating langit at lupa, pati na rin ang dagat. 2 At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios. Ang lungsod na iyon ay tulad ng isang babaeng ikakasal. Handang-handa na, at gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. 3 Narinig ko ang isang malakas na sigaw mula sa trono, “Ngayon, ang tahanan ng Dios ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan na siyang kasama nila. Silaʼy magiging mga mamamayan niya. At siyaʼy makakapiling na nila [at magiging Dios nila.] 4 Papahirin niya ang mga luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, kalungkutan, iyakan o sakit. Sapagkat lumipas na ang dating kalagayan.”
5 At sinabi ng nakaupo sa trono, “Binabago ko na ngayon ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo ang sinasabi ko dahil totoo ito at maaasahan.” 6 At sinabi pa niya, “Naganap na ang lahat! Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang simula at ang katapusan ng lahat. Ang sinumang nauuhaw ay paiinumin ko nang walang bayad sa bukal na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®