Book of Common Prayer
Ang Diyos na Hari
93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
2 Ang trono mo'y natatag noong una;
ikaw ay mula sa walang pasimula.
3 Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
4 Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!
5 Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
O Panginoon, magpakailanman.
96 O umawit sa Panginoon ng bagong awit;
umawit sa Panginoon ang buong lupa.
2 Umawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya;
ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
3 Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian,
ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!
4 Sapagkat dakila ang Panginoon, at karapat-dapat na purihin;
siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos.
5 Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan,
ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan.
6 Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan,
nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan.
7 Ibigay(A) ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan;
magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!
9 Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan,
manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan!
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!
Oo, matatag at hindi makikilos ang sanlibutan,
hahatulan niyang may katarungan ang mga bayan.”
11 Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa;
umugong nawa ang dagat, at ang lahat ng naroroon;
12 maging masaya nawa ang bukiran at lahat ng naroon.
Kung gayo'y aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy sa gubat
13 sa harapan ng Panginoon; sapagkat siya'y dumarating,
sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan na may katuwiran ang sanlibutan,
at ng kanyang katotohanan ang mga bayan.
Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
9 O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.
11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(C) tao ang nagnanasa ng buhay,
at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.
19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(D) nitong mga buto ay iniingatan niya,
sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.
Ang Pasiya tungkol sa Magkahalong Pag-aasawa
10 Habang si Ezra ay nananalangin at nagpapahayag ng kasalanan na umiiyak at nagpapatirapa sa harapan ng bahay ng Diyos, isang napakalaking pagtitipon ng mga lalaki, mga babae, at mga bata ang nagtipun-tipon sa kanya mula sa Israel; at ang taong-bayan ay umiyak din na may kapaitan.
2 At si Shecanias na anak ni Jehiel, isa sa mga anak ni Elam ay nagsalita kay Ezra: “Kami ay nagkasala laban sa ating Diyos at nag-asawa ng mga banyagang babae mula sa mga mamamayan ng lupain, subalit kahit ngayon ay may pag-asa sa Israel sa kabila nito.
3 Ngayon ay makipagtipan tayo sa ating Diyos na paalisin ang lahat ng mga asawang ito at ang kanilang mga anak, ayon sa payo ng aking panginoon at ng mga nanginginig sa utos ng ating Diyos; at gawin ito ayon sa kautusan.
4 Bumangon ka, sapagkat ito ay gawain mo, at kami ay kasama mo. Magpakalakas ka at gawin mo.”
5 Nang magkagayo'y tumindig si Ezra at pinasumpa ang mga namumunong pari, ang mga Levita at ang buong Israel, na kanilang gagawin ang ayon sa sinabi. Kaya't sumumpa sila.
6 Pagkatapos ay tumindig si Ezra mula sa harapan ng bahay ng Diyos, at pumasok sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib, na doon ay nagpalipas siya ng magdamag, at hindi kumain ng tinapay ni uminom man ng tubig, kundi siya'y nanangis dahil sa kataksilan ng mga bihag.
7 Ginawa ang isang pahayag sa buong Juda at Jerusalem sa lahat ng mga bumalik na bihag na sila'y magtipun-tipon sa Jerusalem;
8 at kung sinuman ay hindi dumating sa loob ng tatlong araw, ayon sa utos ng mga pinuno at ng matatanda, lahat ng kanyang ari-arian ay sasamsamin, at siya mismo ay ititiwalag sa kapulungan ng mga bihag.
9 Nang magkagayon, ang lahat ng kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipun-tipon sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw; noon ay ikasiyam na buwan nang ikadalawampung araw ng buwan. Ang buong bayan ay naupo sa liwasang-bayan sa harapan ng bahay ng Diyos na nanginginig dahil sa bagay na ito at dahil sa malakas na ulan.
10 Ang paring si Ezra ay tumayo at sinabi sa kanila, “Kayo'y lumabag at nag-asawa ng mga babaing banyaga, kaya't lumaki ang pagkakasala ng Israel.
11 Ngayon nga'y mangumpisal kayo sa Panginoon, sa Diyos ng inyong mga ninuno, at inyong gawin ang kanyang kalooban. Humiwalay kayo sa mga mamamayan ng lupain at sa mga asawang banyaga.”
12 Nang magkagayon ang buong kapisanan ay sumagot nang malakas na tinig, “Gayon nga, dapat naming gawin ang ayon sa sinabi mo.
13 Ngunit ang mamamayan ay marami, at ngayon ay tag-ulan; kami ay hindi makakatagal sa labas. Ito ay isang gawain na hindi magagawa sa isang araw o dalawa, sapagkat kami ay nakagawa ng napakalaking pagkakasala sa bagay na ito.
14 Hayaang tumayo ang aming mga pinuno para sa buong kapisanan, at pumarito sa takdang panahon ang lahat sa aming mga mamamayan na kumuha ng mga asawang banyaga, at pumaritong kasama nila ang matatanda at mga hukom ng lahat ng lunsod, hanggang sa ang mabangis na poot ng aming Diyos tungkol sa bagay na ito ay maiiwas sa amin.”
15 Si Jonathan lamang na anak ni Asahel, at si Jaazias na anak ni Tikva ang sumalungat dito, si Mesulam at si Sabetai na Levita ang tumulong sa kanila.
16 Gayon ang ginawa ng mga bihag na bumalik. Ang paring si Ezra ay pumili ng mga lalaki, mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, bawat isa sa kanila ay itinalaga ayon sa pangalan. Sa unang araw ng ikasampung buwan sila ay umupo upang suriin ang pangyayari.
17 At sa pagdating ng unang araw ng unang buwan sila ay dumating sa katapusan ng lahat ng mga lalaking nag-asawa ng mga babaing banyaga.
Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Felix
10 Nang siya'y hudyatan ng gobernador upang magsalita, si Pablo ay sumagot:
“Yamang nalalaman ko na ikaw ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masigla kong gagawin ang aking pagtatanggol.
11 Tulad ng nalalaman mo, wala pang labindalawang araw buhat nang ako'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba.
12 Hindi nila ako natagpuang nakikipagtalo sa kanino o kaya'y nanggugulo sa maraming tao sa templo man o sa mga sinagoga, ni sa lunsod,
13 ni hindi rin nila mapapatunayan sa iyo ang mga bagay na ngayo'y kanilang ibinibintang sa akin.
14 Ngunit ito ang inaamin ko sa iyo, na ayon sa Daan, na kanilang tinatawag na sekta, ay sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno, na pinaniniwalaan ang lahat ng bagay na alinsunod sa kautusan o nasusulat sa mga propeta.
15 Ako'y may pag-asa sa Diyos, na siya rin namang inaasahan nila, na magkakaroon ng muling pagkabuhay ng mga matuwid at ng mga hindi matuwid.
16 Dahil dito'y lagi akong nagsisikap na magkaroon ng isang malinis na budhi sa Diyos at sa mga tao.
17 Nang(A) makaraan ang ilang taon ay naparito ako upang magdala sa aking bansa ng mga limos at mag-alay ng mga handog.
18 Samantalang ginagawa ko ito, natagpuan nila ako sa templo na ginagawa ang rituwal ng paglilinis, na walang maraming tao ni kaguluhan.
19 Ngunit may ilang Judio roon na galing sa Asia—na dapat naririto sa harapan mo at magsakdal, kung mayroon silang anumang laban sa akin.
20 O kaya'y hayaan ang mga tao ring ito na magsabi kung anong masamang gawa ang natagpuan nila nang ako'y tumayo sa harapan ng Sanhedrin,
21 maliban(B) sa isang bagay na ito na aking isinigaw habang nakatayo sa gitna nila, ‘Tungkol sa pagkabuhay ng mga patay ako'y nililitis sa harapan mo sa araw na ito.’”
12 Sinabi rin naman niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o mayayamang kapitbahay, baka ikaw naman ay kanilang anyayahan at ikaw ay gantihan.
13 Subalit kung naghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga lumpo, ang mga bulag,
14 at pagpapalain ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo. Gagantihan ka sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Talinghaga ng Malaking Hapunan(A)
15 Nang marinig ito ng isa sa nakaupong kasalo niya sa hapag ay sinabi nito sa kanya, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.”
16 Subalit sinabi ni Jesus[a] sa kanya, “May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan.
17 At sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kanyang alipin upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halikayo, sapagkat ang lahat ay handa na.’
18 Ngunit silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una sa kanya, ‘Bumili ako ng isang bukid, at kailangan kong umalis at tingnan iyon. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’
19 Sinabi ng isa pa, ‘Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila'y subukin. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’
20 Sinabi ng iba, ‘Ako'y nagpakasal kaya't hindi ako makakarating.’
21 At bumalik ang alipin, at iniulat ang mga bagay na ito sa kanyang panginoon. Sa galit ng may-ari ng bahay ay sinabi sa kanyang alipin, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga bulag, at ang mga lumpo.’
22 At sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa na ang ipinag-utos mo, gayunman ay maluwag pa.’
23 At sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang pumasok upang mapuno ang aking bahay.’
24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na alinman sa mga taong iyon na inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking hapunan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001