Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 45

Ang Kasal ng Hari

45 Ang aking puso ay punong-puno ng magagandang paksa
    habang akoʼy nagsasalita ng mga tula para sa hari.
    Ang aking kakayahan sa pagsasalita ay katulad ng kakayahan ng isang magaling na makata.

Mahal na Hari, kayo ang pinakamagandang lalaki sa lahat.
    At ang mga salita nʼyo ay nakabubuti sa iba.
    Kaya lagi kayong pinagpapala ng Dios.
Marangal na hari na dakilang mandirigma!
    Isukbit nʼyo sa inyong tagiliran ang inyong espada.
Ipahayag na ang inyong kadakilaan!
    Maging matagumpay kayo na may katotohanan, kapakumbabaan at katuwiran.
    Gumawa kayo ng mga kahanga-hangang bagay sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Patamaan nʼyo ng matatalim nʼyong palaso ang puso ng inyong mga kaaway.
    Babagsak ang mga bansa sa inyong paanan.

O Dios, ang kaharian mo ay magpakailanman
    at ang paghahari moʼy makatuwiran.
Kinalulugdan mo ang gumagawa ng matuwid at kinamumuhian mo ang gumagawa ng masama.
    Kaya pinili ka ng Dios, na iyong Dios, at binigyan ng kagalakang higit sa ibinigay niya sa mga kasama mo.
Ang mga damit nʼyo ay pinabanguhan ng mira, aloe at kasia.
    Sa inyong palasyo na nakakasilaw sa ganda,[a]
    nililibang kayo ng mga tugtugin ng alpa.
Ang ilan sa inyong mga kagalang-galang na babae ay mga prinsesa.
    At sa inyong kanan ay nakatayo ang reyna
    na nakasuot ng mga alahas na purong ginto mula sa Ofir.

10 O kasintahan ng hari, pakinggan mo ang sasabihin ko:
    Kalimutan mo ang iyong mga kamag-anak at mga kababayan.
11 Nabihag mo ang hari ng iyong kagandahan.
    Siyaʼy iyong amo na dapat igalang.
12 Ang mga taga-Tyre ay magdadala sa iyo ng kaloob;
    pati ang mga mayayaman ay hihingi ng pabor sa iyo.

13 Nagniningning ang kagandahan ng prinsesa sa loob ng kanyang silid.
    Ang kanyang suot na trahe de boda ay may mga burdang ginto.
14 Sa ganitong kasuotan ay dadalhin siya sa hari,
    kasama ng mga dalagang abay.
15 Masayang-masaya silang papasok sa palasyo ng hari.

16 Mahal na Hari, ang inyong mga anak na lalaki
    ay magiging hari rin, katulad ng kanilang mga ninuno.
    Gagawin nʼyo silang mga pinuno sa buong daigdig.
17 Ipapaalala kita sa lahat ng salinlahi.
    Kaya pupurihin ka ng mga tao magpakailanman.

Salmo 47-48

Ang Dios ang Hari sa Buong Sanlibutan

47 Kayong mga tao sa bawat bansa, magpalakpakan kayo!
    Sumigaw sa Dios nang may kagalakan.
Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios at kagalang-galang.
    Siya ang dakilang Hari sa buong sanlibutan.
Ipinasakop niya sa aming mga Israelita ang lahat ng bansa.
Pinili niya para sa amin ang lupang ipinangako bilang aming mana.
    Itoʼy ipinagmamalaki ni Jacob na kanyang minamahal.
Ang Dios ay umaakyat sa kanyang trono
    habang nagsisigawan ang mga tao at tumutunog ang mga trumpeta.

Umawit kayo ng mga papuri sa Dios.
    Umawit kayo ng mga papuri sa ating hari.
Dahil ang Dios ang siyang Hari sa buong mundo.
    Umawit kayo sa kanya ng mga awit ng pagpupuri.
Ang Dios ay nakaupo sa kanyang trono at naghahari sa mga bansa.
Nagtitipon ang mga hari ng mga bansa,
    kasama ang mga mamamayan ng Dios ni Abraham.
    Ang mga pinuno sa mundo ay sa Dios,
    at mataas ang paggalang nila sa kanya.

Ang Zion ang Bayan ng Dios

48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
    at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
    ang kanyang banal na bundok.
Itoʼy mataas at maganda,
    at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
    Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
    at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.

Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
    nagulat, natakot at nagsitakas sila.
Dahil sa takot, nanginig sila
    gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
    na sinisira ng hanging amihan.

Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
    pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
    Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
    at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.

Sa loob ng inyong templo, O Dios,
    iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
    at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
    Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
    at ng mga bayan ng Juda,
    dahil sa inyong makatarungang paghatol.

12 Mga mamamayan ng Dios,
    libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
    upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
    Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”

Ezra 5

Ipinagpatuloy ang Pagpapatayo ng Templo

Ngayon, inutusan ng Dios ng Israel, ang mga propeta na sina Hageo at Zacarias na apo ni Iddo para sabihin ang mensahe niya sa mga Judio sa Juda pati na sa Jerusalem. Nakinig sa kanila sina Zerubabel na anak ni Shealtiel at Jeshua na anak ni Jozadak. Kaya ipinagpatuloy nila ang pagpapatayo ng templo ng Dios sa Jerusalem. Tinulungan sila ng dalawang propeta ng Dios.

Ngunit hindi nagtagal, dumating sa Jerusalem si Tatenai na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, si Shetar Bozenai, at ang mga kasama nila. Nagtanong sila[a] sa mga Judio, “Sino ang nag-utos sa inyo na ipagpatuloy ang pagpapatayo ng templong ito?” Nagtanong pa sila, “Ano ang pangalan ng mga taong nagtatrabaho rito?” 5-7 Ngunit iningatan ng Dios ang mga tagapamahala ng Judio, kaya nagpasya sina Tatenai, Shetar Bozenai, at ang kanilang kasamang mga opisyal ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na hindi muna nila ipapatigil ang pagpapatayo ng templo hanggang sa maipaalam nila ang tungkol dito kay Haring Darius at makatanggap ng kanyang sagot.

Ito ang nilalaman ng sulat na ipinadala nila kay Haring Darius:

“Mahal na Haring Darius,

“Nawaʼy nasa mabuti po kayong kalagayan.

“Ipinapaalam po namin, Mahal na Hari, na pumunta kami sa lalawigan ng Juda, doon sa pinagtatayuan ng templo ng makapangyarihang Dios. Malalaking bato ang ginagamit sa pagpapatayo ng templo, at ang mga pader nito ay nilagyan ng mga troso upang tumibay. Ginagawa po nila ito nang may kasipagan, kaya mabilis ang pagpapatayo nito. Tinanong po namin ang mga tagapamahala nila kung sino ang nag-utos sa kanila sa muling pagpapatayo ng templo. 10 At tinanong din namin ang mga pangalan nila para maipaalam namin sa inyo kung sino ang mga namumuno sa pagpapatayo nito.

11 “Ito po ang sagot nila sa amin: ‘Mga lingkod kami ng Dios ng langit at lupa, at muli naming ipinapatayo ang templo na itinayo noon ng isang makapangyarihang hari ng Israel. 12 Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Dios sa langit, pinabayaan niya sila na sakupin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Giniba ni Nebucadnezar ang templong ito at binihag niya sa Babilonia ang aming mga ninuno. 13 Ngunit sa unang taon ng paghahari ni Haring Cyrus sa Babilonia, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios. 14 Ibinalik din niya ang mga kagamitang ginto at pilak ng templo ng Dios. Ang mga ito ay kinuha noon ni Nebucadnezar sa templo ng Jerusalem at inilagay sa templo sa Babilonia. Ipinagkatiwala ni Haring Cyrus ang mga kagamitang ito kay Sheshbazar na pinili niyang gobernador ng Juda. 15 Sinabi ng hari kay Sheshbazar na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem sa dati nitong pinagtayuan, at ilagay doon ang mga kagamitan nito. 16 Kaya pumunta si Sheshbazar sa Jerusalem at itinayo niya ang mga pundasyon ng templo ng Dios. Hanggang ngayon ay ginagawa pa ang templo; hindi pa ito tapos.’

17 “Ngayon, kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, ipasaliksik po ninyo ang mga kasulatan na ipinatago ng mga hari ng Babilonia kung totoo nga bang nag-utos si Haring Cyrus na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem. At agad nʼyo pong ipaalam sa amin kung ano ang inyong pasya tungkol dito.”

Pahayag 4

Ang Pagsamba sa Langit

Pagkatapos nito, nakita kong nabuksan ang pinto sa langit. At narinig kong muli ang tinig na parang trumpeta. Sinabi niya, “Umakyat ka rito at ipapakita ko sa iyo ang mga mangyayari sa hinaharap.” Bigla na lang akong napuspos ng Banal na Espiritu. At nakita ko roon sa langit ang isang trono na may nakaupo na nagniningning tulad ng mamahaling mga batong jasper at kornalina. At nakapaikot sa trono ang bahagharing kakulay ng batong esmeralda. Nakapaligid sa trono ang 24 pang trono kung saan nakaupo ang 24 na namumuno na nakaputi at may mga koronang ginto. Mula sa tronoʼy kumikidlat, kumukulog at may umuugong. Sa harap ng tronoʼy may pitong nakasinding ilawan. Ito ang pitong Espiritu ng Dios.[a] Sa harap ng trono ay mayroon ding parang dagat na salamin na kasinglinaw ng kristal.

Nakapaligid sa trono ang apat na buhay na nilalang na punong-puno ng mga mata sa harap at likod. Ang unang nilalang ay parang leon, ang pangalawa ay parang guya,[b] ang pangatlo ay may mukha na parang tao, at ang pang-apat ay parang agilang lumilipad. Tig-aanim ang mga pakpak nila at punong-puno ng mata ang buong katawan. Araw-gabi ay wala silang tigil sa pagsasabi ng:

    “Banal! Banal! Banal ang Panginoong Dios nating makapangyarihan sa lahat.
    Siya ang Dios noon, ngayon, at sa hinaharap.”

Habang nagbibigay sila ng parangal, papuri at pasasalamat sa nakaupo sa trono na nabubuhay magpakailanman, 10 lumuluhod at sumasamba sa kanya ang 24 na namumuno. Iniaalay nila ang mga korona nila sa harap ng trono, at sinasabi,

11 “Karapat-dapat po kayo Panginoon naming Dios na tumanggap ng parangal, papuri at kapangyarihan,
    dahil kayo ang lumikha sa lahat ng bagay.
    At ginawa ninyo ang mga ito ayon sa inyong kagustuhan.”

Mateo 13:1-9

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

13 Nang araw ding iyon, lumabas ng bahay si Jesus at naupo sa tabi ng lawa. Napakaraming tao ang nagtipon sa paligid niya, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon umupo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan. Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga o paghahalintulad. Sinabi niya,

“May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga binhing iyon. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at dahil hindi malalim ang ugat, namatay ito. May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi. Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa, lumago at namunga. Ang ibaʼy napakarami ng bunga, ang ibaʼy marami-rami, at ang iba namaʼy katamtaman lang.[a] Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!”[b]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®