Book of Common Prayer
Dalangin ng Taong Dumaranas ng Hirap
38 Panginoon, sa inyong galit, huwag nʼyo akong patuloy na parusahan.
2 Para bang pinalo nʼyo ako at pinana.
3 Dahil sa galit nʼyo sa akin, nanlulupaypay ang aking katawan.
Sumasakit ang buong katawan ko dahil sa aking mga kasalanan.
4 Parang nalulunod na ako sa nag-uumapaw kong kasalanan.
Itoʼy para bang pasanin na hindi ko na makayanan.
5 Dahil sa aking kamangmangan ang aking mga sugat ay namamaga at nangangamoy.
6 Akoʼy namimilipit sa sobrang sakit at lubos ang kalungkutan ko buong araw.
7 Sumasakit ang buo kong katawan,
at bumagsak na rin ang aking kalusugan.
8 Akoʼy pagod na at nanghihina pa,
at dumadaing din ako dahil sa sobrang bigat ng aking kalooban.
9 Panginoon, alam nʼyo ang lahat kong hinahangad,
at naririnig nʼyo ang lahat kong mga daing.
10 Kumakabog ang aking dibdib at nawawalan ako ng lakas;
pati ang ningning ng aking mga mata ay nawala na.
11 Dahil sa aking karamdaman,
akoʼy iniwasan ng aking mga kaibigan, kasamahan,
at maging ng aking mga kamag-anak.
12 Ang mga tao na gustong pumatay sa akin ay naglalagay ng bitag upang akoʼy hulihin.
Ang mga gustong manakit sa akin ay nag-uusap na akoʼy ipahamak.
Buong araw silang nagpaplano ng kataksilan.
13 Ngunit para akong pipi at bingi na hindi nakaririnig at hindi nakapagsasalita.
14 Nagbibingi-bingihan ako at hindi sumasagot sa kanila.
15 Dahil naghihintay pa rin ako sa inyo, Panginoon.
Kayo, Panginoon na aking Dios, sasagutin nʼyo ako.
16 Kayaʼt hinihiling ko sa inyo:
“Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway
o kayaʼy magmalaki kapag akoʼy natumba.”
17 Akoʼy parang babagsak na
sa walang tigil na paghihirap.
18 Kaya inihahayag ko ang aking kasalanan na nagpapahirap sa akin.
19 Tungkol naman sa aking mga kaaway, napakarami at napakalakas nila.
Kinamumuhian nila ako ng walang dahilan.
20 Sa mabuti kong ginawa,
sinusuklian nila ako ng masama.
At kinakalaban nila ako
dahil nagsisikap akong gumawa ng mabuti.
21 Panginoon kong Dios, huwag nʼyo akong pababayaan;
huwag nʼyo akong lalayuan.
22 Panginoon kong Tagapagligtas, agad nʼyo po akong tulungan.
25 Akoʼy parang mamamatay na, kaya panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
26 Sinabi ko sa inyo ang tungkol sa aking pamumuhay at pinakinggan nʼyo ako.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
27 Ipaunawa nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
upang pagbulay-bulayan ko ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
28 Akoʼy nanlulumo dahil sa kalungkutan, palakasin nʼyo ako ayon sa inyong pangako.
29 Ilayo nʼyo ako mula sa paggawa ng masama,
at tulungan nʼyo ako na sundin ang inyong kautusan.
30 Pinili ko ang tamang daan,
gusto kong sumunod sa inyong mga utos.
31 Panginoon, sinunod ko ang inyong mga turo,
kaya huwag nʼyong papayagang akoʼy mapahiya.
32 Pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga utos,
dahil pinapalawak nʼyo ang aking pang-unawa.
33 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
at habang nabubuhay itoʼy aking susundin.
34 Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan,
at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan.
35 Pangunahan nʼyo ako sa aking pagsunod sa inyong mga utos,
dahil ito ang aking kasiyahan.
36 Bigyan nʼyo ako ng pagnanais na sundin ang inyong mga turo at hindi ang pagnanais na yumaman.
37 Ilayo nʼyo ako sa pagnanais ng mga bagay na walang kabuluhan.
Panatilihin nʼyo ang aking buhay[a] ayon sa inyong pangako.
38 Tuparin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
na siyang mga ipinangako nʼyo sa mga may takot sa inyo.
39 Alisin nʼyo ang mga kahihiyan na aking kinatatakutan,
dahil mabuti ang inyong mga tuntunin.
40 Gusto kong sundin ang inyong mga tuntunin.
Dahil kayoʼy matuwid, panatilihin nʼyo akong buhay.[b]
41 Panginoon, ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin, ayon sa inyong pangako.
42 Pagkatapos sasagutin ko ang mga kumukutya sa akin,
dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong mga salita.
43 Tulungan nʼyo akong masabi ang katotohanan sa lahat ng pagkakataon,
dahil ang pag-asa ko ay nakasalalay sa inyong mga kautusan.
44 Lagi kong susundin ang inyong kautusan habang akoʼy nabubuhay.
45 Mamumuhay akong may kalayaan,
dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
46 Hindi ko ikakahiyang sabihin ang inyong mga turo sa harapan ng mga hari.
47 Nagagalak akong sundin ang inyong mga utos na aking minamahal.
48 Iginagalang ko ang inyong mga utos na aking minamahal,
at pinagbubulay-bulayan ko ang inyong mga tuntunin.
8 Nagpasya ang Panginoon na ipagiba ang mga pader na nakapalibot sa lungsod ng Jerusalem. Plinanong mabuti ang paggiba at hindi pinigilan ang sarili na gawin iyon. Kaya nagiba nga ang mga pader na bumabakod doon. 9 Bumagsak sa lupa ang mga pintuang bayan ng Jerusalem. Sinira at binali ng Panginoon ang mga saraduhan nito. Binihag ang hari at mga pinuno at dinala sa malayong mga bansa. Hindi na rin itinuturo ang kautusan at wala na ring mensahe o pangitain ang Panginoon sa kanyang mga propeta. 10 Ang mga tagapamahala ng Jerusalem ay tahimik na nakaupo sa lupa, naglagay ng abo sa ulo at nagdamit ng sako para ipakita ang kanilang pagdadalamhati. At ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakayuko sa lupa dahil sa hiya. 11 Namugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Labis na nababagabag at parang sasabog na ang dibdib ko sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi. Nawalan ng malay sa mga lansangan ang mga bata at mga sanggol. 12 Umiiyak silaʼt humihingi ng pagkain at maiinom sa kanilang mga ina. Nawalan sila ng malay tulad ng mga sugatang sundalo sa mga lansangan ng lungsod hanggang sa unti-unting mamatay sa kanlungan ng kanilang ina. 13 O Jerusalem,[a] ano pa bang masasabi ko sa iyo? Saan pa ba kita maihahambing? Kasinlalim ng dagat ang sugat mo. Paano kita maaaliw? Sino ang makapagpapagaling sa iyo? 14 Ang pangitaing nakita ng iyong mga propeta ay hindi totoo, walang kabuluhan at mapanlinlang. Ang mga kasalanan moʼy hindi nila inihayag sa iyo upang hindi kayo mabihag.
15 Ang lahat ng dumadaaʼy pumapalakpak, sumusutsot at nangungutya. Sinasabi nila, “Ito ba ang lungsod na sinasabing ‘Pinakamaganda at kagalakan ng buong mundo?’ ”
51 Ngunit makinig kayo dahil may sasabihin ako sa inyo na isang lihim: Hindi lahat sa atin ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay bibigyan ng bagong katawan 52 sa isang iglap, sa isang kisap-mata, kasabay ng pagtunog ng huling trumpeta. At sa pagtunog ng trumpetaʼy muling bubuhayin ang mga patay at bibigyan ng katawang hindi nabubulok. At tayong mga buhay pa ay bibigyan din ng bagong katawan. 53 Sapagkat itong katawan nating nabubulok at namamatay ay dapat mapalitan ng katawang hindi nabubulok at hindi namamatay. 54 At kapag ang katawang ito na nabubulok at namamatay ay napalitan na ng katawang hindi nabubulok at hindi namamatay, matutupad na ang sinasabi sa Kasulatan na,
“Nalupig na ang kamatayan; ganap na ang tagumpay!”
55 “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan na ang iyong kapangyarihan?”
56 May kapangyarihan lamang ang kamatayan sa atin dahil sa kasalanan, at may kapangyarihan ang kasalanan sa atin dahil mayroong Kautusan. 57 Ngunit salamat sa Dios dahil binigyan niya tayo ng tagumpay sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 58 Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo at huwag manghina sa inyong pananampalataya. Magpakasipag kayo sa gawaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, dahil alam ninyo na hindi masasayang ang mga paghihirap ninyo para sa kanya.
Ang Tanong Tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
12 Isang Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom noon ang kanyang mga tagasunod kaya nanguha ang mga ito ng uhay ng trigo at kinain ang mga butil. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Ginagawa nila ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga.” 3 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? 4 Pumasok siya sa bahay ng Dios at kinain nila ng mga kasama niya ang tinapay na inihandog sa Dios, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito. 5 At hindi rin ba ninyo nabasa sa Kautusan na ang mga pari ay nagtatrabaho sa templo kahit sa Araw ng Pamamahinga? Isa itong paglabag sa tuntunin ng Araw ng Pamamahinga, pero hindi sila nagkasala. 6 Tandaan ninyo: may naririto ngayon na mas dakila pa kaysa sa templo. 7-8 Sapagkat ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang dapat gawin sa Araw ng Pamamahinga. Kung alam lang sana ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ng Dios sa Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo,’[a] hindi sana ninyo hinatulan ang mga taong walang kasalanan.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(B)
9 Mula sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 10 May lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroroon din ang mga Pariseo na naghahanap ng maipaparatang kay Jesus, kaya tinanong nila si Jesus, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung mahulog ang tupa ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan na lang ba ninyo? Siyempre, iaahon ninyo, hindi ba? 12 Ngunit mas mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya ipinapahintulot ng Kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” 13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 14 Lumabas naman ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila ipapapatay si Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®