Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:1-24

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
    Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
    kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
    higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
    at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.

16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
    at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
17 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,
    upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.
18 Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.
19 Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
    kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
20 Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.
21 Sinasaway nʼyo ang mga hambog
    at isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.
22 Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,
    dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.
23 Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,
    akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
24 Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.

Salmo 12-14

Panalangin para Tulungan ng Dios

12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
    dahil wala nang makadios,
    at wala na ring may paninindigan.
Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
    Nambobola sila para makapandaya ng iba.
Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
Sinasabi nila,
    “Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
    Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
    at walang sinumang makakapigil sa amin.”

Sinabi ng Panginoon,
    “Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
    at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
    Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
    gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.

Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
    at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
Pinalibutan nila kami,
    at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.

Panalangin para Tulungan

13 Panginoon, hanggang kailan nʼyo ako kalilimutan?
    Kalilimutan nʼyo ba ako habang buhay?
    Hanggang kailan ba kayo magtatago sa akin?
Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?
    Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan.
    Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?

Panginoon kong Dios, bigyan nʼyo ako ng pansin;
    sagutin nʼyo ang aking dalangin.
    Ibalik nʼyo ang ningning sa aking mga mata,
    upang hindi ako mamatay
at upang hindi masabi ng aking mga kaaway na natalo nila ako, dahil tiyak na magagalak sila kung mapahamak ako.
Panginoon, naniniwala po ako na mahal nʼyo ako.
    At ako ay nagagalak dahil iniligtas nʼyo ako.
Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti nʼyo sa akin mula pa noon.

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 53)

14 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa sa kanila ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Panginoon.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    dahil kakampihan ng Dios ang mga matuwid.
Sinisira ng masasamang tao ang mga plano ng mga dukha,
    ngunit ang Panginoon ang magiging kanlungan nila.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

Jeremias 37:3-21

Ngayon, inutusan ni Haring Zedekia si Jehucal na anak ni Shelemia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya na puntahan si Jeremias at hilingin na ipanalangin sila sa Panginoon na kanilang Dios. Nang panahong iyon, hindi pa nabibilanggo si Jeremias, kaya malaya pa siyang pumunta kahit saan. Nang araw ding iyon, sumasalakay ang mga taga-Babilonia sa Jerusalem, pero nang marinig nilang dumarating ang mga sundalo ng Faraon,[a] tumigil sila sa pagsalakay sa Jerusalem.

6-7 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Sabihin mo kay Haring Zedekia ng Juda na nag-utos para magtanong sa iyo kung ano ang sinabi kong mangyayari, ‘Dumating ang mga sundalo ng Faraon para tulungan ka, pero babalik sila sa Egipto. Pagkatapos, muling babalik ang mga taga-Babilonia sa lungsod na ito. Sasakupin nila ito at pagkatapos ay susunugin.’ ” Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pag-aakalang hindi na babalik ang mga taga-Babilonia. Sapagkat tiyak na babalik sila. 10 Kahit na matalo nʼyo pa ang buong hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa inyo, at ang matitira sa kanila ay ang mga sugatan sa kanilang kampo, sasalakay pa rin sila sa inyo at susunugin nila ang lungsod na ito.”

Ikinulong si Jeremias

11 Nang tumakas ang mga sundalo ng Babilonia mula sa Jerusalem dahil sa hukbo ng Faraon, 12 umalis si Jeremias sa Jerusalem at pumunta sa lupain ni Benjamin para kunin ang bahagi ng lupain niya na ipinamahagi sa kanyang pamilya. 13 Pero nang dumating siya sa Pintuang bayan ng Benjamin, hinuli siya ng kapitan ng mga guwardya na si Iria na anak ni Shelemia at apo ni Hanania. Sinabi sa kanya ng kapitan, “Kakampi ka ng mga taga-Babilonia.” 14 Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo iyan! Hindi ako kakampi ng mga taga-Babilonia.” Pero ayaw maniwala ni Iria, kaya hinuli niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. 15 Nagalit sila kay Jeremias, ipinapalo nila siya at ipinakulong doon sa bahay ni Jonatan na kalihim. Ang bahay na itoʼy ginawa nilang bilangguan. 16 Ipinasok nila si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at nanatili siya roon ng matagal.

17 Kinalaunan, ipinakuha ni Haring Zedekia si Jeremias at dinala sa palasyo. Palihim niya itong tinanong, “May mensahe ka ba mula sa Panginoon?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon! Ibibigay ka sa hari ng Babilonia.”

18 Pagkatapos, nagtanong si Jeremias sa hari, “Ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo, o sa mga pinuno nʼyo o sa taong-bayan at ipinakulong nʼyo ako? 19 Nasaan na ang mga propeta nʼyo na nanghulang hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang lungsod na ito? 20 Pero ngayon, Mahal na Hari, kung maaari po ay pakinggan naman ninyo ako. Nakikiusap ako na huwag nʼyo na po akong ibalik doon sa bahay ni Jonatan na kalihim dahil mamamatay ako roon.”

21 Kaya nag-utos si Haring Zedekia na dalhin si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo. Nag-utos din siyang bigyan ng tinapay si Jeremias bawat araw habang may natitira pang tinapay sa lungsod. Kaya nanatiling nakakulong si Jeremias sa himpilan ng mga guwardya.

1 Corinto 14:13-25

13 Kaya nga, ang taong nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay manalangin na bigyan din siya ng kakayahang maipaliwanag ito. 14 Kung nananalangin ako sa ibang wika na hindi ko natutunan, nananalangin nga ang aking espiritu, ngunit hindi naman naiintindihan ng aking isipan. 15 Kung ganoon, ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako at aawit sa pamamagitan ng aking espiritu kahit hindi ko ito naiintindihan, at mananalangin din ako at aawit sa paraang naiintindihan ng aking isipan. 16 Kung magpapasalamat ka sa Dios sa pamamagitan ng iyong espiritu lamang, at hindi ito maintindihan, paanong makakasagot ng “Amen” ang iba kung hindi naman nila naiintindihan ang iyong sinasabi? 17 Kahit maayos ang pagpapasalamat mo sa Dios, kung hindi naman naiintindihan ng iba, hindi ka rin makakapagpatatag sa kanila.

18 Nagpapasalamat ako sa Dios na nakapagsasalita ako sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ng higit pa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng mga mananampalataya,[a] mas makakabuti pa ang magsalita ako ng limang kataga na naiintindihan upang maturuan ko sila, kaysa sa magsalita ako ng libu-libong kataga sa wikang wala namang nakakaintindi.

20 Mga kapatid, kung tungkol sa mga bagay na ito, huwag kayong mag-isip-bata. Kung sa masasamang bagay, maging tulad kayo ng mga batang walang malay sa kasamaan. Ngunit sa pang-unawa, mag-isip matanda kayo. 21 Sinasabi ng Panginoon sa Kasulatan,

    “Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamamagitan ng ibaʼt ibang wika at sa pamamagitan ng mga dayuhan,
ngunit hindi pa rin sila makikinig sa akin.”[b]

22 Kaya ang pagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ay isang tanda, hindi para sa mga mananampalataya, kundi para sa mga hindi mananampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios ay para sa mga mananampalataya, hindi sa mga di-mananampalataya.

23 Kung nagtitipon kayong mga mananampalataya at lahat kayoʼy nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi ninyo natutunan, at may dumating na mga di-mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, hindi ba nila aakalaing nasisiraan kayo ng bait? 24 Ngunit kung lahat kayoʼy nagpapahayag ng mensahe ng Dios at may dumating na hindi mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, makikilala niyang makasalanan siya, at malalaman niya ang tunay niyang kalagayan. 25 Maging ang mga lihim ng kanyang puso ay maihahayag, at dahil dito, siyaʼy magpapatirapa sa pagsisisi at sasamba sa Dios, at masasabi niyang ang Dios ay talagang nasa piling ninyo.

Mateo 10:24-33

24 “Walang mag-aaral na mas higit sa kanyang guro, at walang aliping mas higit sa kanyang amo. 25 Sapat na sa isang mag-aaral na maging katulad ng kanyang guro, at sa alipin na maging katulad ng kanyang amo. Kung akong pinuno ninyo ay tinatawag nilang Satanas,[a] gaano pa kaya kasama ang itatawag nila sa inyong mga tagasunod ko?”

Ang Dapat Katakutan(A)

26 “Kaya huwag kayong matakot sa mga tao. Sapagkat walang natatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag. 27 Ang mga bagay na sa inyo ko lang sinasabi ay sabihin ninyo sa lahat,[b] at ang mga ibinubulong ko sa inyo ay ipamalita ninyo sa mga tao. 28 Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, pero hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Dios, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impyerno. 29 Hindi baʼt napakamura ng halaga ng dalawang maya? Pero wala ni isa man sa kanila ang nahuhulog sa lupa nang hindi ayon sa kagustuhan ng inyong Ama. 30 Mas lalo na kayo, maging ang bilang ng inyong mga buhok ay alam niya. 31 Kaya huwag kayong matakot, dahil mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”

Ang Pagkilala kay Cristo(B)

32 “Ang sinumang kumikilala sa akin bilang Panginoon sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Amang nasa langit.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®