Book of Common Prayer
33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38 Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.
Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.
39 Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.
40 Isinusumpa ng Dios ang mga umaapi sa kanila,
at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41 Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.
42 Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak,
ngunit tumahimik ang masasama.
43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.
Panalangin para Tulungan ng Dios(A)
108 O Dios, lubusan akong nagtitiwala sa inyo.
Buong puso kitang aawitan ng mga papuri.
2 Gigising ako ng maaga
at ihahanda ko ang alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Panginoon, pupurihin kita sa gitna ng mga bansa.
Akoʼy aawit para sa inyo sa gitna ng inyong mga mamamayan.
4 Dahil napakadakila at walang kapantay ang pag-ibig nʼyo at katapatan.
5 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
6 Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Pakinggan nʼyo kami,
upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
7 O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang Lambak ng Sucot,
para ipamigay sa aking mga mamamayan.
8 Sa akin ang Gilead at Manase,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
9 Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
10 Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa lungsod nito na napapalibutan ng pader?
11 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
12 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Sa tulong nʼyo, O Dios,
kami ay magtatagumpay
dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.
Awit ng Papuri
33 Kayong mga matuwid,
sumigaw kayo sa galak,
dahil sa ginawa ng Panginoon!
Kayong namumuhay ng tama,
nararapat ninyo siyang purihin!
2 Pasalamatan ninyo ang Panginoon
sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit.
Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
at sumigaw kayo sa tuwa.
4 Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
at maaasahan ang kanyang mga gawa.
5 Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
ang langit ay nalikha;
sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
7 Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
8 Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
9 dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.
12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.
16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.
17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.
20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.
22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
Ang aming pag-asa ay nasa inyo.
21 Ito ang sinabi ko laban sa kanya:
‘Pinagtatawanan at iniinsulto ka ng mga naninirahan sa Zion,[a] ang lungsod ng Jerusalem.
Umiiling-iling sila sa paghamak sa iyo habang nakatalikod ka.
22 Sino ba ang hinahamak at nilalapastangan mo?
Sino ang pinagtataasan mo ng boses at pinagyayabangan mo?
Hindi baʼt ako, ang Banal na Dios ng Israel?
23 Kinutya mo ako sa pamamagitan ng iyong mga sugo.
Sinabi mo pa, “Sa pamamagitan ng aking maraming karwahe naakyat ko ang matataas na bundok pati na ang tuktok ng bundok ng Lebanon.
Pinutol ko ang pinakamataas na mga puno ng sedro at natatanging sipres nito.
Nakarating ako sa tuktok nito na may makapal na kagubatan.
24 Naghukay ako ng balon sa ibang mga lugar at uminom ng tubig mula rito.
Sa pagdaan ko, natuyo ang mga sapa sa Egipto.”
25 “ ‘Totoo ngang winasak mo ang mga napapaderang lungsod.
Pero hindi mo ba alam na matagal ko nang itinakda iyon?
Mula pa noon, naplano ko na ito at ngayon, ginagawa ko na ito.
26 Ang mga mamamayan ng mga lungsod na iyong nilipol ay nawalan ng lakas. Natakot sila at napahiya.
Para silang mga damo sa parang na madaling malanta,
o mga damong tumutubo sa bubungan ng bahay na pagkatapos tumubo ay nalanta rin agad.
27 Pero alam ko ang lahat tungkol sa iyo,
kung saan ka nananatili, kung saan ka galing, kung saan ka pupunta, at kung gaano katindi ang galit mo sa akin.
28 Dahil narinig ko ang galit mo at ang pagmamayabang sa akin,
lalagyan ko ng kawit ang ilong mo, at bubusalan ko ang bibig mo,
at hihilahin ka pabalik sa iyong pinagmulan, sa daan na iyong tinahak.’ ”
29 Sinabi pa ni Isaias kay Hezekia, “Ito ang tanda na iingatan ng Panginoon ang Jerusalem sa mga taga-Asiria: Sa taon na ito, ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumutubo lang ang kakainin ninyo, at sa susunod na taon ang mga bunga naman ng mga tanim na tumubo mula sa dating tanim. Pero sa ikatlong taon, makakapagtanim na kayo ng trigo at makakaani. Makakapagtanim na rin kayo ng mga ubas at makakakain ng mga bunga nito. 30 At ang mga natirang buhay sa Juda ay muling uunlad, katulad ng tanim na nagkakaugat nang malalim at namumunga. 31 Sapagkat may mga matitirang buhay na mangangalat mula sa Jerusalem, sa Bundok ng Zion. Titiyakin ng Panginoong Makapangyarihan na itoʼy magaganap.
32 “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakapasok sa lungsod ng Jerusalem, ni hindi makakapana kahit isang palaso rito. Hindi siya makakalapit na may pananggalang o kayaʼy mapapaligiran ang lungsod para lusubin ito. 33 Babalik siya sa pinanggalingan niya, sa daan na kanyang tinahak. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing hindi siya makakapasok sa lungsod na ito. 34 Iingatan at ililigtas ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil sa pangako ko kay David na aking lingkod.”
35 Kinagabihan, pumunta ang anghel ng Panginoon sa kampo ng Asiria at pinatay niya ang 185,000 kawal. Kinaumagahan, paggising ng mga natitirang buhay, nakita nila ang napakaraming bangkay. 36 Dahil dito, umuwi si Senakerib sa Nineve at doon na tumira.
Babala sa Pagsamba sa mga Dios-diosan
10 Mga kapatid, gusto kong malaman ninyo ang nangyari sa aming mga ninuno noon na kasama ni Moises. Ginabayan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang ulap na nanguna sa kanila, at tinulungan sila sa kanilang pagtawid sa Dagat na Pula. 2 Sa pamamagitan ng ulap at ng dagat ay parang binautismuhan sila bilang mga tagasunod ni Moises. 3 Kumain silang lahat ng pagkaing mula sa Dios. 4 At uminom din silang lahat ng inuming ibinigay niya, dahil uminom sila ng tubig na pinaagos ng Dios mula sa Bato. Ang Batong iyon na sumama sa kanila ay walang iba kundi si Cristo. 5 Ngunit sa kabila nito, karamihan sa kanila ay gumawa ng hindi kalugod-lugod sa Dios, at dahil dito, nangalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.
6 Ang mga nangyaring iyon sa kanila ay nagsisilbing aral sa atin para mabigyan tayo ng babala upang hindi tayo hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad ng ginawa nila. 7 Huwag kayong sumamba sa mga dios-diosan, tulad ng ginawa ng iba sa kanila. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Nagpista ang mga tao, nag-inuman at nagsayawan sa pagsamba nila sa mga dios-diosan.”[a] 8 Huwag kayong gumawa ng sekswal na imoralidad, tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya pinarusahan sila ng Dios, at 23,000 ang namatay sa kanila sa loob lang ng isang araw. 9 Huwag ninyong subukin ang Panginoon tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya namatay sila sa tuklaw ng mga ahas. 10 Huwag din kayong mareklamo tulad ng ilan sa kanila, kaya pinatay sila ng Anghel ng kamatayan.
11 Ang mga bagay na itoʼy nangyari bilang halimbawa sa atin, at isinulat upang magsilbing babala sa ating mga nabubuhay sa panahong nalalapit na ang katapusan ng lahat.
12 Kaya kung iniisip ninyo na matatag na kayo sa inyong pananampalataya, mag-ingat kayo at baka mahulog kayo sa kasalanan! 13 Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Dios na hindi niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito.
Ang Pagsunod kay Jesus(A)
18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa kanyang paligid, inutusan niya ang mga tagasunod niya na tumawid sa kabila ng lawa. 19 May tagapagturo ng Kautusan na lumapit sa kanya at sinabi, “Guro, susunod po ako sa inyo kahit saan.” 20 Pero sinagot siya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon. Ngunit ako na Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpahingahan.” 21 Isa pa sa mga tagasunod niya ang nagsabi, “Panginoon, pauwiin po muna ninyo ako para maipalibing ko ang aking ama.”[a] 22 Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay.”
Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(B)
23 Sumakay sa bangka si Jesus, at sumama ang mga tagasunod niya. 24 At habang naglalayag sila, biglang lumakas ang hangin at halos matabunan na ng malalaking alon ang kanilang bangka. Natutulog noon si Jesus. 25 Kaya nilapitan siya ng mga tagasunod niya at ginising, “Panginoon, iligtas nʼyo po kami! Malulunod na tayo!” 26 Sumagot si Jesus, “Bakit kayo natatakot? Kay liit ng inyong pananampalataya.” Bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at ang mga alon, at biglang kumalma ang tubig. 27 Namangha ang mga tagasunod niya at sinabi, “Anong klaseng tao ito? Kahit ang hangin at mga alon ay napapasunod niya!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®