Book of Common Prayer
Ang Dios ang Dakilang Hari
24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
2 Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
3 Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
4 Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
6 Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.
7 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
8 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
9 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!
Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon
29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
2 Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.
3 Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
5 Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
6 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
7 Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
8 Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
9 Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
“Ang Dios ay makapangyarihan!”
10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.
Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan
8 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
2 Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.
3 Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
4 akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
5 Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
6 Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
7 mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
8 ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
9 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
8 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
9 Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
8 Kaya bumangon si Elias, kumain, at uminom. Pinalakas siya ng kanyang kinain, at naglakbay siya sa loob ng 40 araw at 40 gabi, hanggang makarating siya sa Horeb,[a] ang bundok ng Dios. 9 Pumasok siya sa isang kweba at doon natulog kinagabihan.
Nakipag-usap ang Panginoon kay Elias
Ngayon, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano ang ginagawa mo rito Elias?” 10 Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo. Pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 11 Nagsalita ang Panginoon, “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa aking presensya, dahil dadaan ako.” Pagkatapos, may dumaan na napakalakas na hangin, na bumitak sa mga bundok at dumurog sa mga bato, pero wala ang Panginoon sa hangin. Pagkatapos ng hangin, lumindol, pero wala rin ang Panginoon sa lindol. 12 Pagkatapos ng lindol, may apoy na dumating, pero wala pa rin ang Panginoon sa apoy. Pagkatapos ng apoy, may narinig siyang tinig na parang bulong. 13 Nang marinig ito ni Elias, nagtakip siya ng kanyang mukha gamit ang kanyang balabal, lumabas siya at tumayo sa bungad ng kweba. Biglang may tinig na nagsabi sa kanya, “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” 14 Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo, pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natitira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 15 Nagsalita ang Panginoon sa kanya, “Bumalik ka sa iyong dinaanan, at pumunta sa ilang ng Damascus. Pagdating mo roon, pahiran mo ng langis si Hazael bilang pagkilala na siya na ang hari ng Aram.[b] 16 Pahiran mo rin si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari ng Israel, at si Eliseo na anak ni Shafat, na taga-Abel Mehola, para pumalit sa iyo bilang propeta. 17 Papatayin ni Hazael ang mga sumasamba kay Baal. Ang makakatakas sa kanyaʼy papatayin ni Jehu, at ang makakatakas kay Jehu ay papatayin ni Eliseo. 18 Pero ililigtas ko ang 7,000 Israelita na hindi lumuhod at humalik sa imahen ni Baal.”
Ang Pagtawag kay Eliseo
19 Umalis doon si Elias at nakita niya si Eliseo na anak ni Shafat, na nag-aararo. May labing-isang pares na baka sa unahan niya na gamit ng kanyang mga kasama sa pag-aararo, at gamit naman niya ang ikalabindalawang pares ng baka. Lumapit si Elias sa kanya, hinubad ang kanyang balabal at pinasa ito kay Eliseo. 20 Iniwan ni Eliseo ang mga baka at hinabol si Elias. Sinabi ni Eliseo, “Hahalik po muna ako sa aking amaʼt ina bilang pamamaalam at saka po ako sasama sa inyo.” Sumagot si Elias, “Sige, pero huwag mong kalimutan ang ginawa ko sa iyo.”
21 Bumalik si Eliseo, kinuha ang kanyang mga baka, at kinatay. Ginawa niyang panggatong sa pagluluto ng karne ng mga baka ang mga kagamitan sa pag-aararo. Pagkaluto, binigyan niya ang kanyang mga kasamang nag-aararo, at kumain silang lahat. At agad siyang sumunod kay Elias para maging lingkod nito.
34 Pero tumayo ang kanilang kasamang si Gamaliel. Isa siyang Pariseo at tagapagturo ng Kautusan, at iginagalang ng lahat. Nag-utos siya na palabasin muna ang mga apostol. 35 Nang makalabas na ang mga apostol, sinabi ni Gamaliel sa kanyang mga kasama, “Mga kababayan kong Israelita, isipin ninyong mabuti kung ano ang gagawin ninyo sa mga taong iyan, at baka magkamali kayo. 36 Sapagkat noong araw ay may taong ang pangalan ay Teudas na nagmalaki na parang kung sino, at may mga 400 siyang tagasunod. Pero nang bandang huli, pinatay siya at ang kanyang mga tagasunod ay nagkawatak-watak, at naglaho na lang ang grupong iyon. 37 Pagkatapos, noong panahon ng sensus, si Judas naman na taga-Galilea ang nakapagtipon ng mga tagasunod. Pero pinatay din siya at nagkawatak-watak ang kanyang mga tagasunod. 38 Kaya ito ang masasabi ko sa inyo: pabayaan na lang natin ang mga taong ito, at huwag silang pansinin. Sapagkat kung ang mga ginagawa at itinuturo nila ay galing lang sa tao, mawawala rin iyan. 39 Pero kung galing iyan sa Dios, hindi natin sila mapipigilan. Hindi lang iyan, baka lumabas pa na ang Dios na mismo ang ating kinakalaban.” Kaya sinunod ng Korte ang payo ni Gamaliel. 40 Ipinatawag nilang muli ang mga apostol at ipinahagupit. Pagkatapos, binalaan sila na huwag nang magturo pa tungkol kay Jesus, at pinalaya sila. 41 Umalis doon ang mga apostol na masayang-masaya, dahil binigyan sila ng Dios ng pagkakataon na magtiis alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 Araw-araw ay pumupunta sila sa templo at sa mga bahay-bahay, patuloy ang kanilang pagtuturo at pangangaral ng Magandang Balita na si Jesus ang Cristo.
Ang Plano ng mga Pinuno Laban kay Jesus(A)
45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang sumampalataya nang makita nila ang ginawa ni Jesus. 46 Pero ang iba sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya ipinatawag ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. At nang nagkatipon na sila, sinabi nila, “Ano ang gagawin natin? Maraming himala ang ginagawa ng taong ito.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®