Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 93

Ang Dios ang ating Hari

93 Kayo ay hari, Panginoon;
    nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
    Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
    naroon na kayo noon pa man.
Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
    at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.

Salmo 96

Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)

96 Kayong mga tao sa buong mundo,
    umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
    Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
    Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
    Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
    at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
Purihin ninyo ang Panginoon,
    kayong lahat ng tao sa mundo.
    Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
    Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
    Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
    Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
    Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
    pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
    Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
    Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.

Salmo 34

Ang Kabutihan ng Dios

34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
    Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
    maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
    at itaas natin ang kanyang pangalan.
Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
    Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
    at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
    Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
    at ipinagtatanggol niya sila.

Subukan ninyo at inyong makikita,
    kung gaano kabuti ang Panginoon.
    Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
Kayong mga hinirang ng Panginoon,
    matakot kayo sa kanya,
    dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
    ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
    Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
    Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
    at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
    Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
    at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
    at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.

19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
    ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
    at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
    At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
    at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.

2 Samuel 6:12-23

12 Ngayon, nabalitaan ni Haring David na pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed Edom at ang lahat ng pag-aari nito dahil sa Kahon ng Dios. Kaya pumunta siya sa bahay nito at kinuha ang Kahon ng Dios at dinala sa Jerusalem nang may kagalakan. 13 Nang makaanim na hakbang na ang mga nagbubuhat ng Kahon ng Panginoon, pinahinto sila ni David at naghandog siya ng isang toro at isang pinatabang guya. 14 At sumayaw si David nang buong sigla sa presensya ng Panginoon na nakasuot ng espesyal na damit[a] na gawa sa telang linen. 15 Habang dinadala ni David at ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, nagsisigawan sila at umiihip ng trumpeta.

16 Nang papasok na ng lungsod ang Kahon ng Panginoon, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niyang nagtatatalon at nagsasasayaw si Haring David sa presensya ng Panginoon, at ikinahiya niya ang ginawa nito. 17 Inilagay nila ang Kahon ng Panginoon sa loob ng toldang ipinatayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay siya sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[b] 18 Pagkatapos niyang maghandog, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan. 19 Binigyan niya ng tinapay, karne[c] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae. Pagkatapos, umuwi sila sa kani-kanilang mga bahay.

20 Nang umuwi si David para basbasan ang sambahayan niya, sinalubong siya ni Mical na anak ni Saul at kinutya, “Napakadakila ng araw na ito para sa kagalang-galang na hari ng Israel! Sumasayaw kang halos hubad na, sa harap ng mga babaeng alipin ng mga opisyal mo, hindi ka man lang nahiya!” 21 Sinabi ni David kay Mical, “Ginawa ko iyon sa presensya ng Panginoon na pumili sa akin kapalit ng iyong ama o ng kahit sino pa sa angkan niya. Pinili niya akong mamahala sa mga mamamayan niyang Israelita kaya ipagpapatuloy ko ang pagsasaya sa presensya ng Panginoon. 22 At kahit na nakakahiya pa ang gagawin ko para sa pagdiriwang ng Panginoon, gagawin ko pa rin ito. Kahiya-hiya ako sa paningin mo[d] pero marangal ako sa paningin ng mga babaeng alipin na sinasabi mo.”

23 Dahil dito, hindi nagkaanak si Mical hanggang sa mamatay siya.

Roma 14:7-12

Wala ni isa man sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. Kung tayoʼy nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayoʼy mamamatay, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya mabuhay man tayo o mamatay, tayoʼy sa Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit namatay at muling nabuhay si Cristo, para maging Panginoon siya ng mga buhay at mga patay. 10 Kaya huwag ninyong hahatulan o hahamakin ang inyong kapatid kay Cristo. Sapagkat tayong lahat ay haharap sa Dios, at siya ang hahatol kung ang ginawa natin ay mabuti o masama. 11 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ako, ang Panginoon na buhay ay sumusumpa na darating ang araw na luluhod ang lahat ng tao sa akin at kikilalanin akong Dios.”[a] 12 Kaya lahat tayoʼy mananagot sa Dios sa lahat ng ating mga ginawa.

Juan 1:43-51

Ang Pagtawag ni Jesus kina Felipe at Natanael

43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na pumunta sa Galilea. Pagdating niya roon, nakita niya si Felipe at sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 (Si Felipe ay taga-Betsaida, tulad nina Andres at Pedro.) 45 Hinanap ni Felipe si Natanael at sinabi niya rito, “Natagpuan na namin ang taong tinutukoy ni Moises sa Kautusan, at maging sa mga isinulat ng mga propeta. Siya si Jesus na taga-Nazaret na anak ni Jose.” 46 Tinanong siya ni Natanael, “May mabuti bang nanggagaling sa Nazaret?” Sumagot si Felipe, “Halika at tingnan mo.”

47 Nang makita ni Jesus na papalapit sa kanya si Natanael, sinabi niya, “Narito ang isang tunay na Israelita na hindi nandaraya.”[a] 48 Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Jesus, “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, nakita na kita habang nasa ilalim ka ng puno ng igos.” 49 Sinabi ni Natanael, “Guro, kayo nga ang Anak ng Dios! Kayo ang hari ng Israel!” 50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumampalataya ka ba sa akin dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa rito ang masasaksihan mo.” 51 Sinabi pa sa kanya ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, makikita ninyo na bubukas ang langit, at makikita rin ninyo ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa akin na Anak ng Tao.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®