Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 75-76

Ang Dios ang Hukom

75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
    Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
    Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
    ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
    at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
    kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
    Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
    aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
    ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.

Sa Dios ang Tagumpay

76 Kilalang-kilala ang Dios sa Juda,
    at sa Israel ay dakila siya.
Nakatira siya sa bundok ng Zion sa Jerusalem[d]
Doon, sinira niya ang mga nagniningas na palaso ng kaaway,
    ang kanilang mga pananggalang, espada at iba pang kagamitang pandigma.
O Dios, makapangyarihan kayo at higit na dakila habang bumababa kayo sa bundok na kung saan pinatay nʼyo ang inyong mga kaaway.[e]
Binawi nʼyo sa matatapang na sundalo ang kanilang mga sinamsam.
Silang lahat ay namatay na;
    wala nang makakapagbuhat pa ng kamay sa amin.
O Dios ni Jacob, sa inyong sigaw,[f] ang mga kawal[g] at ang kanilang mga kabayo ay namatay.
Kaya dapat kayong katakutan.
    Sinong makakatagal sa inyong harapan kapag kayoʼy nagalit?
Mula sa langit ay humatol kayo.
    Ang mga tao sa mundo ay natakot at tumahimik
nang humatol kayo, O Dios,
    upang iligtas ang lahat ng inaapi sa daigdig.
10 Tiyak na ang galit nʼyo sa mga tao[h] ay magbibigay ng karangalan sa inyo,
    ngunit hindi nʼyo pa lubusang ibinubuhos ang inyong galit.
11 Mangako kayo sa Panginoon na inyong Dios at tuparin ito.
    Lahat kayong mga bansang nasa paligid, magdala kayo ng mga regalo sa Dios na siyang karapat-dapat katakutan.
12 Ibinababa niya ang mapagmataas na mga pinuno;
    kinatatakutan siya ng mga hari rito sa mundo.

Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

Salmo 27

Panalangin ng Pagtitiwala

27 Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas.
    Sino ang aking katatakutan?
    Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin,
    sila ang nabubuwal at natatalo!
Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,
    hindi ako matatakot.
    Kahit salakayin nila ako,
    magtitiwala ako sa Dios.
Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon, ito ang tanging ninanais ko:
    na akoʼy manirahan sa kanyang templo habang akoʼy nabubuhay,
    upang mamasdan ang kanyang kadakilaan,
    at hilingin sa kanya ang kanyang patnubay.
Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo,
    at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko na nakapaligid sa akin.
    Maghahandog ako sa templo ng Panginoon habang sumisigaw sa kagalakan,
    umaawit at nagpupuri.

Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.
    Kahabagan nʼyo ako at sagutin ang aking dalangin.
Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso na lumapit sa inyo,
    kaya narito ako, lumalapit sa inyo.
Huwag nʼyo po akong pagtaguan!
    Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil dahil sa inyong galit.
    Kayo na laging tumutulong sa akin,
    huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,
    O Dios na aking Tagapagligtas.
10 Iwanan man ako ng aking mga magulang,
    kayo naman, Panginoon, ang mag-aalaga sa akin.
11 Ituro nʼyo sa akin ang daang gusto nʼyong lakaran ko.
    Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,
    dahil sa mga kaaway ko na gusto akong gawan ng masama.
12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,
    dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan ng kasinungalingan,
    at nais nilang akoʼy saktan.
13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,
    habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.

14 Magtiwala kayo sa Panginoon!
    Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa.
    Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!

2 Samuel 5:22-6:11

22 Bumalik ang mga Filisteo at muling nagkampo sa Lambak ng Refaim. 23 Kaya muling nagtanong si David sa Panginoon, at sumagot ang Panginoon, “Huwag nʼyo agad silang salakayin kundi palibutan muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo. 24 Kapag narinig nʼyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa taas na bahagi ng puno ng balsamo, dali-dali kayong sumalakay dahil iyon ang tanda na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.” 25 Ginawa nga ni David ang iniutos ng Panginoon sa kanya, at pinagpapatay nila ang mga Filisteo mula sa Geba[a] hanggang sa Gezer.

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(A)

Muling tinipon ni David ang pinakamagagaling na sundalo ng Israel at umabot ito sa 30,000. Lumakad sila papuntang Baala na sakop ng Juda para kunin doon ang Kahon ng Dios,[b] kung saan naroon ang presensya[c] ng Panginoong Makapangyarihan. Nakaluklok ang Panginoon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. 3-4 Kinuha nina David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios na nandoon sa bahay ni Abinadab sa burol at isinakay ito sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio na anak ni Abinadab ang umaalalay sa kariton; si Ahio ang nasa unahan. Buong kagalakang nagdiwang si David at ang buong Israel sa presensya ng Panginoon nang buong kalakasan. Umaawit sila[d] at tumutugtog ng mga alpa, lira, tamburin, kastaneta at pompyang.

Nang dumating sila sa may giikan ni Nacon, natisod ang mga baka at hinawakan ni Uza ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil sa ginawa niya. Kaya pinatay siya ng Dios doon sa tabi ng Kahon. Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[e] Nang araw na iyon, natakot si David sa Panginoon at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon?” 10 Kaya nagdesisyon siyang huwag na lang dalhin sa lungsod niya[f] ang Kahon ng Panginoon. Iniwan na lang niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 11 Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala siya ng Panginoon, maging ang buo niyang sambahayan.

Gawa 17:16-34

Nangaral si Pablo sa Athens

16 Habang naghihintay si Pablo kina Silas at Timoteo sa Athens, nakita niyang maraming dios-diosan doon. At lubos niyang ikinabahala ito. 17 Kaya pumasok siya sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila at sa mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios. Araw-araw pumupunta rin siya sa plasa at nakikipagdiskusyon sa sinumang makatagpo niya roon. 18 Dalawang grupo ng mga tagapagturo ang nakipagtalo kay Pablo. Ang isa ay tinatawag na mga Epicureo, at ang isa naman ay mga Estoico. Sinabi ng ilan sa kanila, “Ano kaya ang idinadaldal ng mayabang na iyan?” Ang sabi naman ng iba, “Iba yatang dios ang ipinangangaral niya.” Ganoon ang sinabi nila dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa kanyang muling pagkabuhay. 19 Isinama nila si Pablo sa pinagtitipunan ng mga namumuno sa bayan, na tinatawag na Areopagus. Sinabi nila sa kanya, “Gusto naming malaman ang bagong aral na itinuturo mo. 20 Bago kasi sa aming pandinig ang mga sinasabi mo, kaya gusto naming malaman kung ano iyan.” 21 (Sinabi nila ito dahil ang mga taga-Athens at mga dayuhang naninirahan doon ay mahilig magdiskusyon tungkol sa mga bagong aral.)

22 Kaya tumayo si Pablo sa harapan ng mga tao roon sa Areopagus at sinabi, “Mga taga-Athens! Nakita kong napakarelihiyoso ninyo. 23 Sapagkat sa aking paglilibot dito sa inyong lungsod, nakita ko ang mga sinasamba ninyo. May nakita pa akong altar na may nakasulat na ganito: ‘Para sa hindi nakikilalang Dios.’ Itong Dios na inyong sinasamba na hindi pa ninyo kilala ay ang Dios na aking ipinangangaral sa inyo. 24 Siya ang lumikha ng mundo at ng lahat ng narito. Siya ang Panginoong nagmamay-ari ng langit at lupa, kaya hindi siya nakatira sa mga templo na ginawa ng mga tao. 25 Hindi siya nangangailangan ng tulong mula sa tao dahil siya mismo ang nagbibigay ng buhay sa atin, maging ng lahat ng pangangailangan natin. 26 Mula sa isang tao, nilikha niya ang lahat ng lahi at ipinangalat sa buong mundo. Noon paʼy itinakda na niya ang hangganan ng tirahan ng mga tao at ang panahon na silaʼy mabubuhay dito sa lupa. 27 Ang lahat ng itoʼy ginawa ng Dios upang hanapin natin siya, at baka sakaling matagpuan natin siya. Pero ang totoo, ang Dios ay hindi malayo sa atin, 28 ‘dahil sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan tayoʼy nabubuhay at nakakakilos.’ Katulad din ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo ngaʼy mga anak niya.’ 29 Dahil tayo nga ay mga anak ng Dios, huwag nating isipin na ang Dios ay katulad ng dios-diosang ginto, pilak, o bato na pawang imbento ng isip at kamay ng tao. 30 Noong una, nang hindi pa kilala ng mga tao ang Dios, hindi niya pinansin ang kanilang mga kasalanan. Ngunit ngayon, inuutusan ng Dios ang lahat ng tao sa lahat ng lugar na magsisi at talikuran ang kanilang masamang gawain. 31 Sapagkat nagtakda ang Dios ng araw kung kailan niya ipapataw ang kanyang makatarungang hatol sa lahat ng tao rito sa mundo sa pamamagitan ng taong kanyang pinili. Pinatunayan niya ito sa lahat, nang buhayin niyang muli ang taong iyon.”

32 Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, pinagtawanan siya ng ilan. Pero sinabi naman ng iba, “Bumalik ka uli rito, dahil gusto pa naming makinig tungkol sa mga bagay na ito.” 33 Pagkatapos, umalis si Pablo sa kanilang pinagtitipunan. 34 May ilang lalaking kumampi kay Pablo at sumampalataya kay Jesus. Ang isa sa kanila ay si Dionisius na miyembro ng Areopagus, at ang babaeng si Damaris, at may iba pa.

Marcos 8:1-10

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)

Pagkatapos ng ilang araw, muling nagtipon ang maraming tao sa kinaroroonan ni Jesus. Nang wala na silang makain, tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko naman sila nang gutom, baka himatayin sila sa daan dahil malayo pa ang pinanggalingan ng iba sa kanila.” Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po.”

Pinaupo ni Jesus ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya para ipamigay sa mga tao. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Pinasalamatan din iyon ni Jesus at iniutos na ipamigay din sa mga tao. Kumain sila at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng pitong basket. Ang bilang ng mga taong kumain ay mga 4,000. Pagkatapos ay pinauwi na ni Jesus ang mga tao, 10 at agad siyang sumakay sa bangka kasama ang mga tagasunod niya, at pumunta sila sa Dalmanuta.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®