Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 140

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

140 Sa mga masama ako ay iligtas,
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
sila'y nagpaplano at kanilang hangad
    palaging mag-away, magkagulo lahat.
Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
    tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]

Sa mga masama ako ay iligtas;
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
    na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
    ako ay masilo, sa bitag hulihin,
    sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]

Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
    Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
    nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
Taong masasama, sa kanilang hangad
    ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]

Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
    pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
    itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
    ang marahas nama'y bayaang mapuksa.

12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
    at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
    ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!

Mga Awit 142

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.

142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
    ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
    at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
    ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
    may handang patibong ang aking kaaway.
Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
    wala ni isa man akong makatulong;
    wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.

Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
    sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
    tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
    pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
    na mas malalakas ang mga katawan.
Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
    at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
    sa kabutihan mong ginawa sa akin!

Mga Awit 141

Panalangin sa Gabi

Awit ni David.

141 Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin
    sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin.
Ang(A) aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso;
    itong pagtaas ng mga kamay ko.

O Yahweh, bibig ko ay iyong bantayan,
    ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay.
Huwag mong babayaang ako ay matukso,
    sa gawang masama ay magumon ako;
ako ay ilayo, iiwas sa gulo,
    sa handaan nila'y nang di makasalo.

Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao puwedeng magparusa't pagwikaan ako,
    ngunit ang masama ay hindi ko ibig na ang aking ulo'y buhusan niya ng langis;
    pagkat ang dalangin at lagi kong hibik, ay laban sa gawa niyang malulupit.
Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan,
    maniniwala na ang mga nilalang na ang salita ko ay katotohanan.
Tulad ng panggatong na pira-piraso,
    sa pinaglibinga'y kakalat ang buto.

Di ako hihinto sa aking pananalig,
    ang pag-iingat mo'y aking ninanais,
    huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid.
Sa mga patibong ng masamang tao,
    ilayo mong lubos, ingatan mo ako.
10 Iyong pabayaang sila ang mahulog,
    samantalang ako'y ligtas mong kinupkop.

Mga Awit 143

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Awit ni David.

143 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    tapat ka't matuwid, kaya ako'y dinggin.
Itong(A) iyong lingkod, huwag mo nang subukin,
    batid mo nang lahat, kami ay salarin.

Ako ay tinugis ng aking kaaway,
    lubos na nilupig ng aking kalaban;
sa dilim na dako, ako ay nakulong,
    tulad ko'y patay nang mahabang panahon.
Ang kaluluwa ko'y halos sumuko na,
    sapagkat ang buhay ko'y wala nang pag-asa.

Araw na lumipas, aking nagunita,
    at naalala ang iyong ginawa,
    sa iyong kabutihan, ako ay namangha!
Ako'y dumalangin na taas ang kamay,
    parang tuyong lupa ang diwa kong uhaw. (Selah)[a]

Nawala nang lahat ang aking pag-asa,
    kaya naman, Yahweh, ako'y dinggin mo na!
Kung ika'y magkubli, baka ang hantungan
    ako ay ituring na malamig na bangkay,
    at ang tunguhin ko'y madilim na hukay.
Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita
    yaong pag-ibig mo na lubhang dakila.
Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik,
    patnubayan ako sa daang matuwid.

Iligtas mo ako sa mga kalaban,
    ikaw lang, O Yahweh, ang aking kanlungan.
10 Ikaw ang aking Diyos, ako ay turuan
    na aking masunod ang iyong kalooban;
ang Espiritu[b] mo'y maging aking tanglaw sa aking paglakad sa ligtas na daan.
11 Ikaw ay nangakong ako'y ililigtas, pagkat dakila ka, iligtas mo agad;
    iligtas mo ako sa mga bagabag.
12 Dahilan sa iyong pagtingin sa akin, ang mga kaaway ko'y iyong lipulin;
    ang nagpapahirap sa aki'y wasakin,
    yamang ang lingkod mo ay iyong alipin.

1 Samuel 13:19-14:15

19 Noon ay wala ni isa mang panday sa buong Israel sapagkat ayaw ng mga Filisteo na makagawa ng mga tabak o sibat ang mga Israelita. 20 Kaya ang mga Israelita'y sa mga Filisteo pa nagpapahasa ng kanilang araro, asarol, palakol at karit. 21 Mahal ang bayad nila sa pagpapahasa ng palakol o karit, at mas mahal pa para sa araro o asarol. 22 Kaya, sina Saul at Jonatan lamang ang may tabak; isa man sa mga kasamahan nila'y walang dalang patalim. 23 Samantala, binantayang mabuti ng mga Filisteo ang daanan papuntang Micmas.

Ang Tagumpay ni Jonatan sa Micmas

14 Isang araw, lingid sa kaalaman ng kanyang ama, sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, “Sumama ka sa akin at liligid tayo sa kabila ng kampo ng mga Filisteo.” Si Saul noon ay nasa labas ng Gibea, sa ilalim ng isang puno ng granada sa Micron, kasama ang may animnaraang tauhan. Naroon din ang paring si Ahias na anak ni Ahitob, kapatid ni Icabod at apo ni Finehas na anak naman ni Eli, ang pari ni Yahweh sa Shilo. Dala ni Ahias ang efod. Walang nakaalam sa lakad nina Jonatan.

Ang magkabila ng daanang binabantayan ng mga Filisteo ay mataas na bato; Bozez ang tawag sa isang panig, at Sene naman ang kabila. Ang isa ay nasa gawing hilaga, sa tapat ng Micmas at ang isa nama'y nasa timog, sa tapat ng Gibea.

Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, “Pumunta tayo sa kampo ng mga Filisteong ito. Natitiyak kong tutulungan tayo ni Yahweh at walang makakahadlang sa kanya. Pagtatagumpayin niya ang Israel sa pamamagitan ng marami o ng kakaunting tao.”

Sumagot ang tagadala niya ng sandata, “Kayo po ang masusunod; kasama ninyo ako anuman ang mangyari.”

“Mabuti kung gayon,” sabi ni Jonatan. “Tatawid tayo at magpapakita sa kanila. Kapag sinabi nilang hintayin natin sila, hindi tayo tutuloy ng paglapit sa kanila. 10 Pero kapag sinabi nilang lumapit tayo, lalapit tayo sa kanila sapagkat iyon ang palatandaang sila'y ibinigay sa atin ni Yahweh.”

11 At lumakad na silang dalawa. Nang matanaw sila ng mga Filisteo, sinabi ng mga ito, “Hayun, naglalabasan na sa lungga ang mga Hebreo.” 12 At hiniyawan nila sina Jonatan, “Halikayo rito at may sasabihin kami sa inyo.”

Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng sandata, “Sumunod ka sa akin. Niloob ni Yahweh na sila'y mahulog sa kamay ng Israel.” 13 Nagmamadali siyang umakyat sa matarik na bato, at sinalakay ang mga Filisteo. Bumabagsak ang bawat makaharap niya at ang mga ito'y pinapatay naman ng tagadala niya ng sandata. 14 Dalawampu ang napatay nila sa pagsalakay na iyon sa may kalahating ektaryang pinaglabanan nila. 15 Nasindak ang mga Filisteo, maging ang mga nasa lansangan, gayundin ang mga nasa kampo. Nayanig ang lupa at hindi nila malaman ang gagawin.

Mga Gawa 9:1-9

Ang Pagtawag kay Saulo(A)

Samantala, patuloy ang pagbabanta ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Lumapit siya sa Pinakapunong Pari ng mga Judio at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang lalaki o babae na matagpuan niya roong kaanib sa Daan ng Panginoon.[a]

Naglakbay si Saulo papuntang Damasco, at nang siya'y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Natumba siya sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?”

“Sino kayo, Panginoon?” tanong niya.

“Ako si Jesus, ang iyong inuusig,” tugon ng tinig sa kanya. “Tumayo ka't pumasok sa lungsod, at doo'y sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”

Natigilan at hindi makapagsalita ang mga kasama ni Saulo nang marinig nila ang tinig ngunit wala naman silang makitang nagsasalita. Tumayo si Saulo at pagmulat niya ay hindi siya makakita, kaya't siya'y inakay ng mga kasama niya at dinala sa Damasco. Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw at hindi rin siya kumain ni uminom.

Lucas 23:26-31

Si Jesus ay Ipinako sa Krus(A)

26 Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod kay Jesus.

27 Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. 28 Nilingon sila ni Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. 29 Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa(B) mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang mangyayari sa kahoy na tuyo?”