Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Roma 7:13-25

13 Ang mabuti ba ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Ngunit upang malaman kong ang kasalanan ay kasalanan, nagbunga ito ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti. Ito ay upang sa pamamagitan ng utos ang kasalanan.

14 Alam nating ang kautusan ay espirituwal. Ako ay likas na makalaman dahil sa naipagbili ako bilang alipin sa ilalim ng kasalanan. 15 Ito ay sapagkat ang ginagawa ko ay hindi ko nauunawaan sapagkat ang hindi ko nais gawin ay siya kong ginagawa. Ang kinapopootan ko ang siya kong ginagawa. 16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, sumasangayon ako na ang kautusan ay mabuti. 17 Sa ngayon hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nananahan sa akin. 18 Ito ay sapagkat alam kong walang nananahang mabuti sa aking makalamang kalikasan sapagkat ang magnais ng mabuti ay nasa akin ngunit hindi ko masumpungan kung papaano ko ito gagawin. 19 Ito ay sapagkat ang mabuti na ninanais kong gawin ay hindi ko nagagawa. Ang kasamaan na hindi ko hinahangad gawin ay siya kong nagagawa. 20 Ngunit kung patuloy kong ginagawa ang hindi ko nais, hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nabubuhay sa akin.

21 Nasumpungan ko nga ang isang kautusan sa akin, na kapag nais kong patuloy na gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay nasa akin. 22 Ito ay sapagkat sa aking kalooban, ako ay lubos na nalulugod sa kautusan ng Diyos. 23 Ngunit nakakakita ako ng ibang kautusan sa mga bahagi ng katawan ko na nakikipaglaban sa kautusan ng aking isipan. Ginagawa nito akong bilanggo ng kautusan ng kasalanan na nasa mga bahagi ng katawan ko. 24 O, ako ay taong abang-aba. Sino ang magliligtas sa akin sa katawang ito na gumagawa patungong kamatayan? 25 Nagpapasalamat ako saDiyos sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon.

Kaya nga, ako sa aking sarili ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan, ngunit sa aking makalamang kalikasan naglilingkod ako sa kautusan ng kasalanan.

Juan 6:16-27

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig

16 Nang magtakipsilim na, lumusong ang kaniyang mga alagad sa lawa.

17 Sumakay sila sa bangka. Sila ay papatawid ng lawa patungong Capernaum. Dumilim na at hindi pa nila kasama si Jesus. 18 Sa pag-ihip ng malakas na hangin, ang lawa ay naging maalon. 19 Nang sila ay nakagaod na ng may lima o anim na kilometro nakita nila si Jesus. Siya ay lumalakad sa ibabaw ng lawa papalapit sa bangka at sila ay natakot. 20 Ngunit sinabi niya sa kanila: Ako ito, huwag kayong matakot. 21 Malugod nga nilang pinasakay si Jesus sa bangka. Kapagdaka, ang bangka ay nasa lupa na ng kanilang pupuntahan.

22 Kinabukasan, nakita ng mga taong nanatili sa kabilang ibayo ng lawa na walang ibang bangka roon. Ang naroroon lang ay ang sinakyan ng mga alagad ni Jesus. Alam nilang hindi sumama si Jesus sa kaniyang mga alagad sa bangka at sila lang ang umalis. 23 May ibang mga bangkang dumating na mula sa Tiberias. Ito ay malapit sa pook na kung saan sila ay kumain ng tinapay pagkatapos pasalamatan ng Panginoon. 24 Nakita nga ng mga tao na wala si Jesus maging ang mga alagad niya. Pagkatapos sumakay rin sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum at hinahanap nila si Jesus.

Si Jesus ang Tinapay ng Buhay

25 Natagpuan nila siya sa kabilang dako ng lawa. Pagkakita nila, tinanong nila siya: Guro, kailan ka pumunta rito?

26 Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hinanap ninyo ako hindi sa dahilang nakita ninyo ang mga tanda. Ang dahilan ay nakakain kayo ng mga tinapay na sebada at nasiyahan. 27 Huwag kayong gumawa para sa pagkaing nasisira kundi gumawa kayo para sa pagkaing mananatili sa walang hanggang buhay. Ito ay ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International