Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 120-127

Awit ng Pag-akyat.

120 Sa aking kahirapan ay sa Panginoon ako dumaing,

    at sinagot niya ako.
“O Panginoon, sa mga sinungaling na labi ay iligtas mo ako,
    mula sa dilang mandaraya.”

Anong ibibigay sa iyo,
    at ano pa ang sa iyo ay magagawa,
    ikaw na mandarayang dila?

Matalas na palaso ng mandirigma,
    na may nag-aapoy na baga ng enebro!

Kahabag-habag ako na sa Mesech ay nakikipamayan,
    na sa mga tolda ng Kedar ay naninirahan.
Matagal nang ang aking kaluluwa ay naninirahang
    kasama ng mga napopoot sa kapayapaan.
Ako'y para sa kapayapaan;
    ngunit kapag ako'y nagsasalita,
    sila'y para sa pakikidigma!

Awit ng Pag-akyat.

121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
    ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
    na siyang gumawa ng langit at lupa.

Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
    siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
Siyang nag-iingat ng Israel
    ay hindi iidlip ni matutulog man.

Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
    ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
    ni ng buwan man kapag gabi.

Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
    kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
    mula sa panahong ito at magpakailanpaman.

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
    “Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
Ang mga paa natin ay nakatayo
    sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;

Jerusalem, na natayo
    na parang lunsod na siksikan;
na inaahon ng mga lipi,
    ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
    upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
    ang mga trono ng sambahayan ni David.

Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
    “Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
    at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
    aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
    hahanapin ko ang iyong ikabubuti.

Awit ng Pag-akyat.

123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
    O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
Gaya ng mga mata ng mga alipin
    na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
    na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
    hanggang sa siya'y maawa sa amin.

Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
    sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
    ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
    ng paghamak ng palalo.

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
    sabihin ngayon ng Israel—
kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
    nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
nilamon na sana nila tayong buháy,
    nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
tinabunan na sana tayo ng baha,
    dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
    ang ating kaluluwa.

Purihin ang Panginoon,
    na hindi tayo ibinigay
    bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
    na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
    at tayo ay nakatakas!
Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
    na siyang lumikha ng langit at lupa.

Awit ng Pag-akyat.

125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
    na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
    gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
    mula sa panahong ito at magpakailanman.
Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
    sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
    ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
    at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
    ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!

Awit ng Pag-akyat.

126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
    tayo ay gaya ng mga nananaginip.
Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
    at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
    “Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
    kami ay natutuwa.
Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
    na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
    ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
Siyang lumalabas na umiiyak,
    na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
    na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.

Awit ng Pag-akyat. Mula kay Solomon.

127 Malibang ang Panginoon ang magtayo ng bahay,
    ang mga nagtatayo nito ay walang kabuluhang nagpapagod.
Malibang ang Panginoon ang magbantay sa lunsod,
    ang bantay ay nagpupuyat nang walang kabuluhan.
Walang kabuluhan na kayo'y bumabangon nang maaga,
    at malalim na ang gabi kung magpahinga,
na kumakain ng tinapay ng mga pagpapagal;
    sapagkat binibigyan niya ng tulog ang kanyang minamahal.
Narito, ang mga anak ay pamanang sa Panginoon nagmula,
    ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala.
Gaya ng mga palaso sa kamay ng mandirigma,
    ay ang mga anak sa panahon ng pagkabata.
Maligaya ang lalaki na ang kanyang lalagyan ng pana
    ay punô ng mga iyon!
Siya'y hindi mapapahiya,
    kapag siya'y nakipag-usap sa kanyang mga kaaway sa pintuang-bayan.

Zacarias 11:4-17

Ang Dalawang Pastol

Ganito ang sabi ng Panginoon kong Diyos: “Ikaw ay maging pastol ng kawan na papatayin.

Pinapatay sila ng mga bumili sa kanila at hindi napaparusahan, at silang nagbibili sa kanila ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon, ako'y yumaman;’ at ang kanilang sariling mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.

Sapagkat hindi na ako maaawa sa naninirahan sa lupaing ito, sabi ng Panginoon. Narito, pababagsakin ko ang bawat isa sa kamay ng kanyang kapwa, at bawat isa sa kamay ng kanyang hari; at kanilang dudurugin ang lupain, at wala akong ililigtas mula sa kanilang kamay.”

At aking pinastol ang kawan na papatayin, pati ang mga kawawa na nasa kawan. Nagdala ako ng dalawang tungkod; ang isa'y tinawag kong Kabutihang Loob, at ang isa'y tinawag kong Pagkakaisa at pinapanginain ko ang kawan.

Sa loob ng isang buwan ay pinatay ko ang tatlong pastol. Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagsawa sa kanila at ang kanilang kaluluwa ay nasuklam din sa akin.

Kaya't sinabi ko, “Hindi na ako ang magpapanginain sa inyo. Ang mamamatay ay mamatay; ang mahihiwalay ay mahiwalay; at ang mga naiwan ay lamunin ang laman ng isa't isa.”

10 Hinawakan ko ang aking tungkod na Kabutihang Loob, at binali ko ito upang sirain ang aking tipan na aking ginawa sa lahat ng mga bayan.

11 Kaya't ito ay nawalan ng bisa nang araw na iyon, at ang mga kaawa-awang kawan na nagmamasid sa akin ay nakaalam na iyon ay salita ng Panginoon.

12 At(A) (B) sinabi ko sa kanila, “Kung inaakala ninyong mabuti, ibigay ninyo sa akin ang aking sahod. Ngunit kung hindi, inyo na iyon.” Sa gayo'y kanilang tinimbang bilang aking sahod ang tatlumpung pirasong pilak.

13 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, “Ihagis mo sa magpapalayok”—ang mainam na halaga na inihalaga ko sa kanila. Kaya't aking kinuha ang tatlumpung pirasong pilak at inihagis ito sa magpapalayok sa bahay ng Panginoon.

14 Nang magkagayo'y binali ko ang aking pangalawang tungkod na Pagkakaisa, upang aking sirain ang pagkakapatiran ng Juda at Israel.

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Magdala kang muli ng mga kasangkapan ng isang walang kabuluhang pastol.

16 Sapagkat, narito, ako ngayo'y maglalagay ng isang pastol sa lupain na hindi nagmamalasakit sa mga nawawala, ni hahanapin man ang naliligaw, ni pagagalingin ang mga pilay; ni pakakainin ang mga malusog kundi kanyang lalamunin ang laman ng matataba at lulurayin pati ang kanilang mga kuko.

17 Kahabag-habag ang walang kabuluhang pastol
    na nag-iiwan ng kawan!
Ang tabak ay darating sa kanyang kamay
    at sa kanyang kanang mata!
Matutuyo ang kanyang kamay,
    at ang kanyang kanang mata ay lubos na magdidilim!”

1 Corinto 3:10-23

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang matalinong tagapagtayo, inilagay ko ang pinagsasaligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Dapat ingatan ng bawat tao ang pagtatayo niya sa ibabaw nito.

11 Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.

12 Subalit kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan,

13 ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa.

14 Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.

15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay matupok, siya ay malulugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tanging sa pamamagitan ng apoy.

16 Hindi(A) ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo?

17 Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito'y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo.

18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, ay magpakahangal siya, upang siya ay maging marunong.

19 Ang(B) karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.”

20 At(C) muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pangangatuwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.”

21 Kaya't huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao, sapagkat ang lahat ng mga bagay ay sa inyo.

22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay sa inyo,

23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Lucas 18:31-43

Ikatlong Pagsasalita ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

31 Isinama niya ang labindalawa at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, umaahon tayo tungo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad.

32 Sapagkat siya'y ibibigay sa mga Hentil at siya'y lilibakin, hahamakin, at luluraan,

33 kanilang hahagupitin siya at papatayin at sa ikatlong araw siya ay muling mabubuhay.”

34 Ngunit wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang salitang ito ay naikubli sa kanila, at hindi nila naunawaan ang sinabi.

Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(B)

35 Nang malapit na siya sa Jerico, isang bulag ang nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.

36 At nang marinig niya ang maraming tao na dumaraan, nagtanong siya kung ano ang ibig sabihin nito.

37 Sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.

38 At siya'y sumigaw, “Jesus! Anak ni David, maawa ka sa akin.”

39 Siya'y sinaway ng mga nasa unahan at sinabihan siyang tumahimik. Subalit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”

40 At si Jesus ay tumigil at ipinag-utos na dalhin ang tao[a] sa kanya. Nang lumapit ito ay kanyang tinanong,

41 “Anong ibig mong gawin ko sa iyo?” At sinabi niya, “Panginoon, ako sana'y muling makakita.”

42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tanggapin mo ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

43 At kaagad na tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa kanya, na niluluwalhati ang Diyos. Nang makita ito ng buong bayan ay nagbigay puri sila sa Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001