Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 18

Awit ng Tagumpay ni David(A)

18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
    Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
    dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.

4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
    na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
    at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.

Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
Umusok din ang inyong ilong,
    at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
    at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
    at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
    at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
    at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
    at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
    pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
    at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
    Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
    Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
    at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
    Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
    at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
    dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
    at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
    ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
    ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.

28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
    Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
    at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
    Ang inyong mga salita ay maaasahan.
    Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
    At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
    at nagbabantay sa aking daraanan.
33 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
    upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
34 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
35 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.
    Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
    at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.
36 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
    kaya hindi ako natitisod.
37 Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
    at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
38 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
    at hindi na makabangon sa aking paanan.
39 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
    kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
40 Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
    at silaʼy pinatay ko.
41 Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
    Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
42 Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang na inililipad ng hangin,
    at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
    at ginawa nʼyo akong pinuno ng maraming bansa.
    Kahit akoʼy hindi nila kilala, pinaglingkuran nila ako.
44 Yumuyukod sila sa aking harapan.
    Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin, sumusunod agad sila sa utos ko.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
46 Buhay kayo, Panginoon!
    Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
    O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
47 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
    at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
    at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
    O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.
50 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
    Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.

Jonas 3-4

Pumunta si Jonas sa Nineve

Muling nagsalita ang Panginoon kay Jonas. Sinabi niya, “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at sabihin mo sa mga taga-roon ang ipinapasabi ko sa iyo.” Pumunta agad si Jonas sa Nineve ayon sa sinabi ng Panginoon. Malaking lungsod ang Nineve; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin.

Pumasok si Jonas sa Nineve. Pagkatapos ng maghapong paglalakad, sinabi niya sa mga taga-roon, “May 40 araw na lamang ang natitira at wawasakin na ang Nineve.”

Naniwala ang mga taga-roon sa pahayag na ito mula sa Dios. Kaya lahat sila, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba ay nagsuot ng damit na panluksa[a] at nag-ayuno upang ipakita ang kanilang pagsisisi. Sapagkat nang mapakinggan ng hari ang mensahe ni Jonas, tumayo siya mula sa kanyang trono, inalis ang kanyang balabal, nagsuot ng damit na panluksa at naupo sa lupa upang ipakita ang kanyang pagsisisi. At nagpalabas siya ng isang proklamasyon sa Nineve na nagsasabi, “Ayon sa utos ng hari at ng kanyang mga pinuno, walang sinumang kakain at iinom, kahit ang inyong mga baka, tupa o kambing. Magsuot kayong lahat ng damit na panluksa pati na ang inyong mga hayop, at taimtim na manalangin sa Dios. Talikdan ninyo ang masamang pamumuhay at pagmamalupit. Baka sakaling magbago ang isip ng Dios at mawala ang kanyang galit sa atin at hindi na niya tayo lipulin.”

10 Nakita ng Dios ang kanilang ginawa, kung paano nila tinalikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Kaya nagbago ang kanyang isip, at hindi na niya nilipol ang mga taga-Nineve gaya ng kanyang sinabi noon.

Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Panginoon

Sumama ang loob ni Jonas dahil sa pagpapatawad ng Panginoon sa Nineve, at galit na galit siya. Sinabi niya sa Panginoon nang siya ay manalangin, “O Panginoon, talagang hindi ako nagkamali nang sabihin ko noong naroon pa ako sa aming lugar na kaaawaan mo ang mga taga-Nineve kung magsisisi sila, dahil alam ko na mahabagin kang Dios at mapagmalasakit. Mapagmahal ka at hindi madaling magalit. At handa kang magbago ng isip na hindi na magpadala ng parusa. Iyan ang dahilan kung bakit tumakas ako papuntang Tarshish. Kaya Panginoon, kunin mo na lang ako, dahil mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” Sumagot ang Panginoon, “May karapatan ka bang magalit sa ginawa ko sa Nineve?”

Lumabas si Jonas sa lungsod at umupo sa gawing silangan nito. Gumawa siya ng masisilungan at sumilong doon habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. Pero naiinitan pa rin si Jonas, kaya pinatubo ng Panginoong Dios ang isang malagong halaman na lampas tao upang maliliman siya. At labis namang ikinagalak iyon ni Jonas. Pero kinabukasan nang maaga pa, ipinakain ng Dios sa uod ang halamang iyon at nalanta ito.

Pagsikat ng araw, pinaihip ng Dios ang mainit na hangin mula sa silangan. Halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang ulo niya. Nais niyang mamatay na lang, kaya sinabi niya, “Mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” Sinabi ng Dios sa kanya, “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?” Sumagot siya, “Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako.” 10 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nanghinayang ka nga sa halamang iyon na tumubo sa loob lamang ng isang gabi at nalanta rin agad sa loob din ng isang gabi, kahit na hindi ikaw ang nagtanim o nagpatubo. 11 Ako pa kaya ang hindi manghinayang sa malaking lungsod ng Nineve na may mahigit 120,000 tao na walang alam tungkol sa aking mga kautusan[b] at marami ring mga hayop?”

Gawa 27:27-44

27 Ika-14 na ng gabi nang tinangay kami ng bagyo sa Dagat ng Mediteraneo. At nang mga hatinggabi na, tinantiya ng mga tripulante na malapit na kami sa tabi ng dagat. 28 Kaya sinukat nila ang lalim ng dagat at nalaman nilang mga 20 dipa ang lalim. Maya-mayaʼy sinukat nilang muli ang lalim, at mga 15 dipa na lang. 29 At dahil sa takot na bumangga kami sa mga batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan ng barko. At nanalangin sila na mag-umaga na sana. 30 Gusto sana ng mga tripulante na lisanin na ang barko. Kaya ibinaba nila sa dagat ang maliit na bangka at kunwariʼy maghuhulog lang sila ng mga angkla sa unahan ng barko. 31 Pero sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kung aalis ang mga tripulante sa barko hindi kayo makakaligtas.” 32 Kaya pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong maanod.

33 Nang madaling-araw na, pinilit silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Dalawang linggo na kayong naghihintay na lumipas ang bagyo, at hindi pa kayo kumakain. 34 Kaya kumain na kayo upang lumakas kayo, dahil walang mamamatay sa inyo kahit isa.” 35 Pagkatapos magsalita ni Pablo, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat siya sa Dios. Pinira-piraso niya ang tinapay at kumain. 36 Lumakas ang kanilang loob at kumain silang lahat. 37 (276 kaming lahat na sakay ng barko.) 38 Nang makakain na ang lahat at busog na, itinapon nila sa dagat ang kanilang mga dalang trigo para gumaan ang barko.

Ang Pagkasira ng Barko

39 Nang mag-umaga na, hindi alam ng mga tripulante kung saang isla kami napadpad, pero may nakita silang isang look na may dalampasigan, kaya nagkasundo sila na doon nila isadsad ang barko. 40 Kaya pinutol nila ang mga lubid na nakatali sa angkla. Kinalag din nila ang mga tali ng timon. At itinaas nila ang layag sa unahan para tangayin ng hangin ang barko papuntang dalampasigan. 41 Pero sumayad ang barko sa mababaw na parte ng tubig. Bumaon ang unahan nito at hindi na makaalis. Ang hulihan naman ay nawasak dahil sa salpok ng malalakas na alon.

42 Papatayin na sana ng mga sundalo ang lahat ng bilanggo para walang makalangoy papuntang dalampasigan at makatakas. 43 Pero pinigilan sila ng kanilang kapitan dahil gusto niyang maligtas si Pablo. Nag-utos siya na lumukso muna ang lahat ng marunong lumangoy, at mauna na sa dalampasigan. 44 Pagkatapos, pinasunod niya ang iba na nakakapit sa tabla at sa mga parte ng barko na lumulutang. Ganoon ang aming ginawa, at lahat kami ay ligtas na nakarating sa dalampasigan.

Lucas 9:18-27

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)

18 Isang araw, nanalanging mag-isa si Jesus nang di-kalayuan sa mga tagasunod niya. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” 19 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta noong unang panahon, na muling nabuhay.” 20 Tinanong sila ni Jesus, “Pero para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo!”

Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(B)

21 Mahigpit na sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo. 22 Sinabi pa niya, “Ako na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil ako ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila ako, ngunit sa ikatlong araw ay muli akong mabubuhay.”

23 Pagkatapos, sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat ay handa siyang humarap kahit sa kamatayan[a] alang-alang sa pagsunod niya sa akin araw-araw. 24 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 25 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo pero mapapahamak naman ang buhay niya? Wala! 26 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang aking kapangyarihan at ang kapangyarihan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang paghahari ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®