Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 66-67

Papuri at Pasasalamat

66 Kayong mga tao sa buong mundo,
    isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
    Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
Sabihin ninyo sa kanya,
    “O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
    Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
    luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
    na may awit ng papuri.”
Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
Pinatuyo niya ang dagat;
    tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
    Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
Maghahari ang Dios ng walang hanggan
    sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
    kaya ang mga sumusuway sa kanya
    ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
    Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
Iningatan niya ang ating buhay
    at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.

10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
    na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
    at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
    parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
    Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.
13 Mag-aalay ako sa inyong templo ng mga handog na sinusunog[a]
    upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,
14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.
15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,
    katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.
16 Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios.
    Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin.
17 Humingi ako sa kanya ng tulong habang nagpupuri.
18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon ang aking mga kasalanan,
    hindi niya sana ako pakikinggan.
19 Ngunit tunay na pinakinggan ako ng Dios at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.
20 Purihin ang Dios, na hindi tumanggi sa aking panalangin,
    at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.

Awit ng Pasasalamat

67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
    Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
    dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
    Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
    At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.

Salmo 19

Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios

19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
    ang gawa ng kanyang kamay.
Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.

    Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
    na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
    O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
    At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.

Ang Kautusan ng Panginoon

Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
    Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
    Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
    at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
    Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
    Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
    at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
    May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.

12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
    Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
    at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
    Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
    at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
    Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!

Salmo 46

Kasama Natin ang Dios

46 Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
    Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
    at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
    at mayanig ang kabundukan.

May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Dios,
    sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Dios.
Ang Dios ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba.
    Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian.
    Sa sigaw ng Dios, ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot.
Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan.
    Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.

Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo.
    Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10 Sinasabi niya,
    “Tumigil kayo[a] at kilalanin ninyo na ako ang Dios.
    Akoʼy pararangalan sa mga bansa.
    Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”

11 Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan.
    Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.

Hosea 2:2-14

Sumama sa Ibang Lalaki si Gomer

Mga anak, sawayin ninyo ang inyong ina dahil iniwan na niya ako na kanyang asawa. Sabihin ninyo na dapat tigilan na niya ang pangangalunya. Kung hindi siya titigil ay huhubaran ko siya, at ang kahubaran niya ay gaya noong siya ay isinilang. Gagawin ko siyang parang disyerto o ilang, at pababayaang mamatay sa uhaw. 4-5 At kayong mga anak niya ay hindi ko kaaawaan, dahil mga anak kayo ng babaeng nangangalunya. Nakakahiya ang ginagawa ng inyong inang nagsilang sa inyo. Sinabi pa niya, ‘Hahabulin ko ang aking mga lalaki na nagbibigay sa akin ng pagkain, tubig, telang lana at linen, langis, at inumin.’

“Kaya babakuran ko siya ng matitinik na mga halaman para hindi siya makalabas. Habulin man niya ang kanyang mga lalaki, hindi niya maaabutan. Hahanapin niya sila pero hindi rin niya makikita. Pagkatapos, sasabihin niya, ‘Babalik na lang ako sa asawa ko dahil higit na mabuti ang kalagayan ko noon sa piling niya kaysa sa ngayon.’

“Hindi niya naisip na ako ang nagbigay sa kanya ng mga butil, ng bagong katas ng ubas, langis, at maraming pilak at ginto na ginawang rebulto ni Baal na kanilang dios-diosan. Kaya pagdating ng tag-ani ay babawiin ko ang mga butil at ang bagong katas ng ubas na aking ibinigay. Babawiin ko rin ang mga telang lana at linen na ibinigay ko na sanaʼy pantakip sa kanyang kahubaran. 10 At ngayon, ilalantad ko ang kanyang kahalayan sa harap ng kanyang mga lalaki, at walang makapagliligtas sa kanya mula sa aking mga kamay. 11 Wawakasan ko na ang lahat ng espesyal na araw ng pagsamba na ginagawa niya taun-taon, buwan-buwan, at linggu-linggo.[a] 12 Sisirain ko ang mga ubasan niya at mga puno ng igos na ibinayad daw sa kanya ng kanyang mga lalaki. Gagawin ko itong parang gubat at kakainin ng mga mababangis na hayop sa gubat ang mga bunga nito. 13 Parurusahan ko siya dahil may mga panahong nagsusunog siya ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. Nagsuot siya ng mga alahas at humabol sa kanyang mga lalaki, at kinalimutan niya ako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

14 “Pero masdan mo, dadalhin ko siya sa ilang at muling liligawan hanggang sa mapaibig ko siyang muli.

Santiago 3:1-13

Ang Dila

Mga kapatid, huwag basta-bastang maghangad na maging tagapagturo ang marami sa inyo, dahil alam ninyong mas mabigat ang paghatol sa aming mga nagtuturo. Lahat tayo ay madalas magkamali. Kung mayroon mang hindi nagkakamali sa pananalita niya, isa siyang taong ganap at may kakayahang pigilin ang kanyang sarili. Nirerendahan natin ang mga kabayo para sumunod saan man natin gustong papuntahin. Isipin nʼyo rin ang mga barko na kahit napakalaki at itinutulak ng malakas na hangin ay napapabaling ng maliit na timon at napapapunta ng kapitan saan man niya gustuhin. Ganoon din naman ang dila natin; kahit na maliit na bahagi ng katawan, nakakagawa ng malaking kayabangan. Isipin nʼyo kung gaano kalawak na gubat ang masusunog na galing lang sa maliit na apoy. Ang dila ay tulad ng apoy. Napakaraming kasamaan ang nagmumula sa ating dila at ito ay nagpaparumi sa buong pagkatao natin. Katulad ito ng apoy na nanggagaling sa impyerno, at sumisira sa buong buhay natin. Lahat ng uri ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang o nakatira sa tubig ay napapaamo ng tao. Pero walang taong nakakagawa nito sa dila. Wala itong tigil sa kasamaan at puno ng lasong nakamamatay. Sa pamamagitan ng dila, pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, pero sa pamamagitan din nito ay isinusumpa natin ang ating kapwa na nilikhang kalarawan ng Dios. 10 Mula sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at pagsumpa. Mga kapatid, hindi dapat ganyan. 11 Maaari bang lumabas sa iisang bukal ang matabang na tubig at ang maalat na tubig? Hindi! 12 Mga kapatid, hindi rin maaaring mamunga ng olibo ang puno ng igos o ng igos ang ubas. Hindi rin maaaring makakuha ng tubig-tabang sa tubig-alat.

Ang Karunungang Mula sa Dios

13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya na talagang marunong siya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay na may pagpapakumbaba.

Mateo 13:44-52

Ang Paghahalintulad sa Natatagong Kayamanan

44 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang mahukay ito ng isang tao, itinago[a] niya itong muli. At sa tuwa niyaʼy umuwi siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at binili niya ang bukid na iyon.”

Ang Paghahalintulad sa Perlas

45 “Ang kaharian ng Dios ay katulad din nito: May isang negosyante na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”

Ang Paghahalintulad sa Lambat

47 “Ang kaharian ng Dios ay katulad din ng isang lambat na inihagis ng mga mangingisda sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila nila ito papunta sa dalampasigan. Pagkatapos, naupo sila para pagbukud-bukurin ang mga isda. Ang mabubuting isda ay inilagay nila sa mga basket, at ang mga walang kwenta[b] ay itinapon nila. 49 Ganyan din ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Darating ang mga anghel at ihihiwalay nila ang masasama sa matutuwid. 50 Itatapon ang masasama sa nagliliyab na apoy, at dooʼy iiyak sila at magngangalit ang kanilang ngipin.”

51 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Naunawaan ba ninyong lahat ang sinabi ko?” Sumagot sila, “Opo.” 52 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na naturuan tungkol sa kaharian ng Dios ay maitutulad sa isang may-ari ng bahay na maraming ari-arian sa bodega niya. Hindi lang ang mga lumang bagay ang kanyang inilalabas sa bodega kundi pati ang mga bago.”[c]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®