Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri sa Panginoon
40 Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon,
at dininig niya ang aking mga daing.
2 Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon,
ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi
mapahamak.
3 Tinuruan niya ako ng bagong awit,
ang awit ng pagpupuri sa ating Dios.
Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios,
at silaʼy magtitiwala sa kanya.
4 Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,
at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,
o sumasamba sa mga dios-diosan.
5 Panginoon kong Dios, wala kayong katulad.
Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin,
at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin.
Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
6 Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
7 Kaya sinabi ko,
“Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
8 O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”
9 Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin.
At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
10 Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.
Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan.
Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan.
Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.
11 Panginoon, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin.
Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin.
12 Hindi ko na kayang bilangin ang napakarami kong suliranin.
Para na akong natabunan ng marami kong kasalanan,
kaya hindi na ako makakita.
Ang bilang ng aking mga kasalanan ay mas marami pa kaysa sa aking buhok.
Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa.
13 Panginoon, pakiusap!
Iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan.
14 Mapahiya sana at malito ang lahat ng nagnanais na mamatay ako.
Magsitakas sana sa kahihiyan ang lahat ng mga nagnanais na akoʼy mapahamak.
15 Pahiyain nʼyo nang lubos ang mga nagsasabi sa akin, “Aha! Napasaamin ka rin!”
16 Ngunit ang mga lumalapit sa inyo ay magalak sana at magsaya.
Ang mga nagpapahalaga sa inyong pagliligtas ay lagi sanang magsabi,
“Dakilain ang Panginoon!”
17 Ako naman na dukha at nangangailangan,
alalahanin nʼyo ako, Panginoon.
Kayo ang tumutulong sa akin.
Kayo ang aking Tagapagligtas.
Aking Dios, agad nʼyo akong tulungan.
Ang Dios ang Sumasaklolo
54 O Dios, iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at patunayan nʼyong wala akong kasalanan.
2 Dinggin nʼyo ang aking mga panalangin,
3 dahil sinasalakay ako ng mga dayuhan upang patayin. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
4 Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin.
Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.
5 Ibalik nʼyo sana sa aking mga kaaway ang ginagawa nilang masama.
O Dios, sa inyong pagkamatapat, lipulin nʼyo sila.
6 Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon.
Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
7 Iniligtas nʼyo ako sa lahat ng kahirapan,
at nakita kong natalo ang aking mga kaaway.
Paghingi ng Kapatawaran sa Dios
51 O Dios, kaawaan nʼyo po ako
ayon sa inyong tapat na pagmamahal.
At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin,
ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin.
2 Hugasan nʼyo ako, at linisin nʼyo nang lubos sa aking kasamaan,
3 dahil inaamin ko ang aking mga pagsuway,
at lagi kong iniisip ang aking mga kasalanan.
4 Tanging sa inyo lamang ako nagkasala.
Gumawa ako ng masama sa inyong paningin.
Kaya makatarungan kayo sa inyong pagbibintang sa akin.
Karapat-dapat lang na hatulan nʼyo ako.
5 Akoʼy makasalanan at masama mula pa noong akoʼy isinilang,
kahit noong ipinaglilihi pa lang ako.
6 Ang nais nʼyo ay isang pusong tapat,
kung kayaʼt ipagkaloob nʼyo sa aking kaloob-looban ang karunungan.
7 Linisin at hugasan nʼyo ako sa aking mga kasalanan
upang lubusang luminis ang pusoʼt kaluluwa ko.[a]
8 Ipadama nʼyo sa akin ang kasiyahan at kaligayahan
upang sa aba kong kalagayan, muling mapasaakin ang kagalakan.
9 Kalimutan nʼyo ang aking mga kasalanan,
at pawiin ang lahat kong kasamaan.
10 Ilikha nʼyo ako ng busilak na puso, O Dios,
at bigyan ako ng bagong espiritu na matapat.
11 Huwag po akong itaboy palayo sa inyong piling,
at ang inyong Banal na Espiritu sa akin ay huwag nʼyo po sanang bawiin.
12 Sanaʼy ibalik sa akin ang kagalakang naramdaman ko noong iniligtas nʼyo ako,
at bigyan nawa ako ng masunuring espiritu.
13 At tuturuan ko ang mga makasalanan ng inyong mga pamamaraan upang manumbalik sila sa inyo.
14 Patawarin nʼyo ako sa kasalanan kong pagpatay,
O Dios na aking Tagapagligtas.
At sisigaw ako sa kagalakan dahil sa inyong pagliligtas.
15 Panginoon, buksan nʼyo po ang aking labi,
nang ang mga itoʼy magpuri sa inyo.
16 Hindi naman mga handog ang nais nʼyo;
mag-alay man ako ng mga handog na sinusunog, hindi rin kayo malulugod.
17 Ang handog na nakalulugod sa inyo ay pusong nagpapakumbaba at nagsisisi sa kanyang kasalanan.
Ito ang handog na hindi nʼyo tatanggihan.
18 Dahil sa kagustuhan nʼyo,
pagpalain nʼyo ang Jerusalem.[b]
Muli nʼyong itayo ang mga pader nito.
19 Nang sa gayon malugod kayo sa mga nararapat na handog,
pati sa mga handog na sinusunog ng buo.
At maghahandog din sila ng mga baka sa inyong altar.
Ang mga Pagpapalang Tinanggap Noon ni Job
29 Nagpatuloy sa pagsasalita si Job,
24 “Hindi ako nagtiwala sa aking kayamanan o nag-isip man na magbibigay ito sa akin ng katiyakan. 25 Hindi ko ipinagyabang ang kayamanan ko at lahat ng aking ari-arian. 26 Hindi ako sumamba sa araw na nagbibigay ng liwanag o sa buwan na kumikinang. 27 Ang puso koʼy hindi nahikayat na sumamba sa mga ito. 28 Kung nagkasala ako sa paggawa ng mga ito, dapat akong parusahan dahil nagtaksil ako sa Dios na nasa langit.
29 “Hindi ko ikinatuwa ang kapahamakan ng aking kaaway o ang pagsapit sa kanila ng kahirapan. 30 Hindi ako nagkasala sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila. 31 Alam ng aking mga kasambahay na pinapakain ko ang lahat kahit na ang mga dayuhan. 32 Hindi ko pinabayaang matulog kahit saan ang mga dayuhan, dahil palaging bukas ang pintuan ng aking tahanan para sa kanila. 33 Hindi ko itinatago ang aking kasalanan katulad ng ginagawa ng iba. 34 Hindi ako tumahimik o nagtago dahil takot ako sa anumang sasabihin ng mga tao.
35 “Kung mayroon lang sanang makikinig ng panig ko, nakahanda akong lumagda para patunayan na wala akong kasalanan. Kung may reklamo ang Dios na Makapangyarihan laban sa akin, ipapakiusap ko sa kanyang sabihin niya ito sa akin o kayaʼy isulat na lang. 36 At ikakabit ko ito sa aking balikat o sa ulo ko na parang korona para ipakita sa lahat na nakahanda akong humarap sa mga usapin. 37 Sasabihin ko sa Dios ang lahat ng aking ginawa. Haharap ako sa kanya katulad ng pinuno na hindi nahihiya.
38 “Kung inaabuso ko ang aking lupain, o kinamkam ko ito sa iba,[a] 39 o kung pinasama ko ang loob ng mga manggagawa sa aking lupain dahil kinuha ko ang kanilang ani ng walang bayad, 40 tumubo nawa sa lupain ko ang mga matitinik na halaman at mga damo sa halip na trigo at sebada.”
Dito natapos ang mga sinabi ni Job.
12 Nang marinig nila iyon, tumahimik silang lahat. At pinakinggan nila ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan nila. 13 Pagkatapos nilang magsalita, sinabi ni Santiago, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. 14 Ikinuwento sa atin ni Simon Pedro ang unang pagtawag ng Dios sa mga hindi Judio para may mga tao ring mula sa kanila na maging kanya. 15 Itoʼy ayon din sa mga isinulat ng mga propeta noon, dahil sinasabi sa Kasulatan,
16 ‘Pagkatapos nito, babalik ako,
at itatayo kong muli ang kaharian ni David na bumagsak.
Ibabangon ko itong muli mula sa pagkaguho,
17 para hanapin ako ng ibang tao – ang lahat ng hindi Judio na aking tinawag na maging akin.
Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito,
18 at matagal ko na itong ipinahayag.’ ”
19 Sinabi pa ni Santiago, “Kaya kung sa akin lang, huwag na nating pahirapan ang mga hindi Judio na lumalapit sa Dios. 20 Sa halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan, dahil itoʼy itinuturing nating marumi. Iwasan nila ang sekswal na imoralidad. At huwag kakain ng dugo o karne ng hayop na namatay nang hindi tumulo ang dugo. 21 Ito ang mga utos ni Moises na dapat nilang sundin para hindi mandiri ang mga Judio sa kanila, dahil mula pa noon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na ng mga Judio sa kanilang sambahan tuwing Araw ng Pamamahinga. At itinuturo nila ito sa bawat bayan.”
30 (Hindi pa nakakarating si Jesus sa Betania. Naroon pa lang siya sa lugar kung saan sinalubong siya ni Marta.) 31 Nang makita ng mga nakikiramay na Judio na tumayo si Maria at dali-daling lumabas, sinundan nila siya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doon manangis.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa harap nito at sinabi, “Panginoon, kung narito lang kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko.” 33 Nabagbag ang puso ni Jesus[a] at naawa siya nang makita niyang umiiyak si Maria, pati na ang mga kasama nitong mga Judio. 34 Tinanong niya sila, “Saan ninyo siya inilibing?” Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” 35 Umiyak si Jesus. 36 Kaya sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazarus.” 37 Pero sinabi naman ng iba, “Hindi baʼt pinagaling niya ang lalaking bulag? Bakit hindi niya nailigtas sa kamatayan si Lazarus?”
Muling Binuhay si Lazarus
38 Muling nabagbag ang puso ni Jesus. Kaya pumunta siya sa pinaglibingan kay Lazarus. Isa itong kweba na tinakpan ng isang malaking bato. 39 Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sumagot si Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, tiyak na nangangamoy na ngayon ang bangkay. Apat na araw na siyang nakalibing.” 40 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi baʼt sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kapangyarihan[b] ng Dios?” 41 Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong dinidinig, at sinasabi ko ito para sa kapakanan ng mga nasa paligid ko upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya, “Lazarus, lumabas ka!” 44 At lumabas nga ang namatay na si Lazarus na nababalot pa ng tela ang mga kamay at paa, at may takip na tela ang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan nʼyo siya at palakarin.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®