Book of Common Prayer
Papuri at Pasasalamat
66 Kayong mga tao sa buong mundo,
isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
2 Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
3 Sabihin ninyo sa kanya,
“O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
4 Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
na may awit ng papuri.”
5 Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
6 Pinatuyo niya ang dagat;
tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
7 Maghahari ang Dios ng walang hanggan
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
kaya ang mga sumusuway sa kanya
ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
8 Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
9 Iningatan niya ang ating buhay
at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.
10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.
13 Mag-aalay ako sa inyong templo ng mga handog na sinusunog[a]
upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,
14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.
15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,
katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.
16 Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios.
Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin.
17 Humingi ako sa kanya ng tulong habang nagpupuri.
18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon ang aking mga kasalanan,
hindi niya sana ako pakikinggan.
19 Ngunit tunay na pinakinggan ako ng Dios at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.
20 Purihin ang Dios, na hindi tumanggi sa aking panalangin,
at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.
Awit ng Pasasalamat
67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
2 upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
3 Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
4 Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
5 O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios
19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
ang gawa ng kanyang kamay.
2 Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
4 ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.
Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.
Ang Kautusan ng Panginoon
7 Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.
12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
Kasama Natin ang Dios
46 Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
2 Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
3 Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
at mayanig ang kabundukan.
4 May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Dios,
sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Dios.
5 Ang Dios ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba.
Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
6 Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian.
Sa sigaw ng Dios, ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot.
7 Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan.
Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
8 Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
9 Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo.
Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10 Sinasabi niya,
“Tumigil kayo[a] at kilalanin ninyo na ako ang Dios.
Akoʼy pararangalan sa mga bansa.
Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”
11 Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan.
Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
8 Nang makita ni Israel[a] ang mga anak ni Jose, nagtanong siya, “Sino sila?”
9 Sumagot si Jose, “Sila po ang mga anak ko na ibinigay sa akin ng Dios dito sa Egipto.”
Kaya sinabi ni Israel, “Dalhin sila rito sa akin para mabasbasan ko sila.”
10 Halos hindi na makakita si Israel dahil sa katandaan, kaya dinala ni Jose ang mga anak niya papalapit kay Israel. Niyakap sila ni Israel at hinalikan.
11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi na talaga ako umaasa na makikita pa kita, pero ngayon ipinahintulot ng Dios na hindi lang ikaw ang makita ko kundi pati ang mga anak mo.”
12 Kinuha agad ni Jose ang mga anak niya sa kandungan ni Israel at yumukod siya bilang paggalang sa kanyang ama. 13 Pagkatapos, inilapit niyang muli ang mga anak niya sa lolo ng mga ito para mabasbasan sila. Si Efraim ay nasa kanan ni Jose, na nasa kaliwa ni Israel at si Manase ay nasa kaliwa ni Jose na nasa kanan ni Israel. 14 At ipinatong ni Israel ang kanang kamay niya sa ulo ni Efraim na siyang nakababata, at ipinatong ang kaliwang kamay niya sa ulo ni Manase na siya namang nakatatanda.
15 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga ito na sinasabi,
“Nawaʼy pagpalain ang mga batang ito ng Dios na pinaglingkuran ng aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, na siya ring Dios na nagbabantay sa akin simula nang ipinanganak ako hanggang ngayon.
16 At nawaʼy pagpalain din sila ng anghel na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan.
Nawaʼy maalala ako at ang aking mga ninunong sina Abraham at Isaac sa pamamagitan nila.
At nawaʼy dumami pa sila sa mundo.”
17 Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanang kamay nito sa ulo ni Efraim, hindi niya ito ikinatuwa. Hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama para ilipat kay Manase, 18 At sinabi, “Ama hindi po iyan. Ito po ang panganay; ipatong po ninyo ang kanang kamay ninyo sa ulo niya.”
19 Pero sumagot ang kanyang ama, “Oo, alam ko anak. Ang mga lahi ni Manase ay magiging kilala ring mga bansa. Pero mas magiging kilala ang mga lahi ng nakababata niyang kapatid at magiging mas marami ang lahi nito.” 20 Kaya ginawa niya si Efraim na nakakahigit kaysa kay Manase. At sa araw na iyon, binasbasan niya ang mga ito na nagsasabing,
“Gagamitin ng mga Israelita ang pangalan mo sa pagbabasbas. Sasabihin nila, ‘Nawaʼy pagpalain ka ng Dios kagaya nina Efraim at Manase.’ ”
21 Kaya sinabi ni Israel kay Jose, “Malapit na akong mamatay, pero huwag kayong mag-aalala dahil sasamahan kayo ng Dios at pababalikin kayo sa lupain ng iyong ninuno. 22 At ikaw Jose ang magmamana ng Shekem, at hindi ang mga kapatid mo. Ang lupain na iyon na napasaakin dahil sa pakikipaglaban ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng espada at pana.”
11 At dahil nasa inyo na ang Espiritu ng Dios na muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya rin ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.
12 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo dapat mamuhay ayon sa ating makasalanang pagkatao. 13 Sapagkat mamamatay kayo kapag namuhay kayo ayon sa inyong makasalanang pagkatao. Pero mabubuhay kayo kung susupilin ninyo ang inyong makasalanang pagkatao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 14 Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ay mga anak ng Dios. 15 At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios. 16 Ang Banal na Espiritu at ang ating espiritu ay parehong nagpapatunay na tayoʼy mga anak ng Dios. 17 At bilang mga anak, mga tagapagmana tayo ng Dios at kasama ni Cristo na magmamana ng mga pagpapalang inilaan niya. Sapagkat kung magtitiis tayo kagaya ni Cristo noon, darating ang araw na pararangalan din tayong kasama niya.
Ang Napakagandang Kalagayan sa Hinaharap
18 Para sa akin, ang mga paghihirap sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa napakagandang kalagayan na mapapasaatin balang araw. 19 Maging ang buong nilikha ay sabik na naghihintay na ihayag ng Dios ang mga anak niya. 20 Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Dios ay hindi nakaabot sa layuning para sa kanila. Nangyari ito hindi dahil sa gusto nila, kundi dahil ito ang gusto ng Dios. Pero may pag-asa pa, 21 dahil palalayain din niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito, at makakasama rin sa napakagandang kalagayan ng mga anak ng Dios. 22 Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay naghihirap at dumaraing tulad ng isang babaeng manganganak na. 23 At hindi lamang ang buong nilikha, kundi pati tayong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na siyang unang kaloob ng Dios ay dumaraing din habang naghihintay tayo na matubos ang ating mga katawan at mahayag ang ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Dios. 24 Ligtas na tayo at naghihintay na lang na maging ganap ang kaligtasang ito. Umaasa tayo dahil wala pa ang inaasahan natin. Aasa pa ba tayo kung nariyan na ang ating inaasahan? 25 Pero kung ang inaasahan natiʼy wala pa, maghihintay tayo nang may pagtitiyaga.
27 Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ako na Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil ako ang binigyan ng Ama ng kapangyarihang magbigay nito.” 28 Kaya tinanong ng mga tao si Jesus, “Ano po ang dapat naming gawin upang masunod namin ang ipinapagawa ng Dios?” 29 Sumagot si Jesus, “Ito ang ipinapagawa ng Dios sa inyo: manampalataya kayo sa akin na isinugo niya.” 30 Nagtanong ang mga tao, “Anong himala po ang maipapakita nʼyo para manampalataya kami sa inyo? 31 Ang ating mga ninuno ay kumain ng ‘manna’ noong nasa ilang sila. Sapagkat ayon sa Kasulatan, binigyan sila ni Moises ng tinapay na mula sa langit.”[a] 32 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi si Moises ang nagbigay sa mga ninuno ninyo ng tinapay na mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na ibinibigay ng Dios ay walang iba kundi siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa mga tao sa mundo.” 34 Sinabi ng mga tao, “Palagi nʼyo po kaming bigyan ng sinasabi nʼyong tinapay.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang sinumang lumalapit at sumasampalataya sa akin ay hindi na magugutom o mauuhaw kailanman.
36 “Ngunit gaya ng sinabi ko sa inyo, ayaw ninyong manampalataya sa akin kahit nakita na ninyo ang mga himalang ginawa ko. 37 Ang lahat ng taong ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin, at hinding-hindi ko itataboy ang mga lumalapit sa akin. 38 Sapagkat naparito ako mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban ng aking Amang nagsugo sa akin. 39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin; sa halip ay bubuhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat kalooban ng aking Ama na ang lahat ng kumikilala at sumasampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko silang muli sa huling araw.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®