Book of Common Prayer
Ang Dakilang Hari
Awit ni David.
24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
2 Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
3 Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
4 Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
6 Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]
7 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
8 Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
si Yahweh, matagumpay sa labanan.
9 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]
8 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
2 Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
4 Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
5 Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
6 Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
7 mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
8 lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan.
9 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]
9 Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.
10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
14 Ipinatawag agad ng Faraon si Jose. Nang mailabas na sa bilangguan, siya'y nag-ahit, nagbihis at kaagad humarap sa hari. 15 Sinabi ng Faraon sa kanya, “Ako'y nanaginip ngunit walang makapagsabi sa akin ng kahulugan niyon. Nabalitaan kong mahusay kang magpaliwanag ng mga panaginip.”
16 “Hindi po ako ang makapagpapaliwanag, kamahalan,” sabi ni Jose. “Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.”
17 Sinabi ng Faraon, “Ako raw ay nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 18 May pitong magaganda at matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain. 19 Walang anu-ano'y pitong mga payat na baka, pinakapangit na sa nakita ko sa buong Egipto, ang umahon din sa ilog. 20 Kinain ng mga payat ang matatabang baka, 21 ngunit parang walang anumang nangyari. Matapos kainin ang matataba, iyon pa rin ang ayos ng mga payat, napakapangit pa rin, at ako'y nagising. 22 Muli akong nakatulog at nanaginip na naman. May nakita akong pitong uhay sa isang puno ng trigo na hitik na hitik ng hinog na butil. 23 Sa puno ring ito, may sumibol na pitong uhay, ngunit lanta, napakapayat ng mga butil, at tinuyo ng hanging silangan. 24 Kinain ng mga payat na uhay ang matataba. Isinalaysay ko na ito sa mga salamangkero, ngunit walang makapagpaliwanag sa akin.”
25 “Iisa po ang kahulugan ng dalawa ninyong panaginip,” sabi ni Jose. “Ipinapaalam sa inyo ng Diyos kung ano ang kanyang gagawin. 26 Ang pitong matatabang baka po ay pitong taon; iyon din po ang kahulugan ng pitong uhay na matataba ang butil. 27 Ang sinasabi ninyong pitong payat na baka at ang pitong uhay na payat ang mga butil ay pitong taon ng taggutom. 28 Gaya ng sinabi ko sa inyo, iyan po ang gagawin ng Diyos. 29 Magkakaroon ng pitong taóng kasaganaan sa buong Egipto. 30 Ang kasunod naman nito'y pitong taon ng taggutom at dahil sa kapinsalaang idudulot nito, malilimutan na sa Egipto ang nagdaang panahon ng kasaganaan. 31 Mangyayari ito dahil sa katakut-takot na hirap na daranasin sa panahon ng taggutom. 32 Dalawang ulit po ang inyong panaginip, mahal na Faraon, upang ipaalam sa inyo na itinakda na ng Diyos ang bagay na ito, at malapit na niya itong isagawa.
33 “Ang mabuti po'y pumili kayo ng taong matalino at may kakayahan upang siyang mamahala sa Egipto. 34 Maglagay kayo sa buong bansa ng mga tagalikom ng ikalimang bahagi ng lahat ng aanihin sa loob ng pitong taóng kasaganaan. 35 Lahat ng inaning butil sa panahong iyon ay dapat ipunin, ikamalig sa mga lunsod at pabantayang mabuti. Bigyan ninyo ng kapangyarihan ang mga tagalikom upang maisagawa ang lahat ng ito. 36 Ang maiipong pagkain ay ilalaan para sa pitong taon ng taggutom na tiyak na darating sa Egipto. Sa gayon, hindi mamamatay sa gutom ang mga mamamayan sa buong bansa.”
Ginawang Tagapamahala sa Egipto si Jose
37 Nagustuhan ng Faraon at ng kanyang mga kagawad ang panukala ni Jose. 38 Sinabi nila, “Bakit pa tayo hahanap ng iba, samantalang nasa kanya ang Espiritu[a] ng Diyos?” 39 Kaya't sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang Diyos ang nagpakita sa iyo ng lahat ng ito, kaya't wala nang hihigit pa sa iyo sa karunungan at pang-unawa. 40 Ikaw(A) ang pamamahalain ko sa buong bansa, at susundin ka ng lahat. Ang aking trono lamang ang hindi mapapasaiyo. 41 At ngayon, inilalagay kitang gobernador ng buong Egipto!” 42 Inalis(B) ni Faraon sa kanyang daliri ang singsing na pantatak at isinuot iyon kay Jose; binihisan niya ito ng damit na lino at sinabitan ng gintong kuwintas sa leeg. 43 Ipinagamit kay Jose ang pangalawang sasakyan ng hari, at binigyan siya ng tanod pandangal na nauuna sa kanya at sumisigaw, “Lumuhod kayo!” Sa gayon, ipinailalim sa kanya ang pamamahala sa buong Egipto. 44 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon at ikaw ang aking pangalawa, ngunit kung wala kang pahintulot, walang sinuman sa Egipto na makakagawa ng anuman.” 45 Binigyan niya si Jose ng bagong pangalan: Zafenat-panea. At ipinakasal sa kanya si Asenat na anak ni Potifera, ang pari sa Heliopolis.[b] Bilang gobernador, pinamahalaan ni Jose ang buong lupain ng Egipto.
3 Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? 4 Samakatuwid,(A) tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.
5 Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay. 6 Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. 7 Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. 8 Kung tayo'y namatay nang kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay rin tayong kasama niya. 9 Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. 10 Nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa lahat ng panahon dahil sa kasalanan; at ang buhay niya ngayon ay para sa Diyos. 11 Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buháy para sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus.
12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y wala na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.
Ang Kapangyarihan ng Anak
19 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, 20 sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y mamangha. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. 22 Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol 23 upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak.
24 “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.