Book of Common Prayer
Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
2 Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.
3 Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
4 Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
5 “Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
6 Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]
7 “Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
9 bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.
12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
kayo'y aking ililigtas,
ako'y inyong pupurihin.”
16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
“Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.
19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang pamanmanan ni Saul ang kanyang bahay upang siya'y mapatay.
59 Sa aking kaaway,
iligtas mo ako, O aking Diyos;
ingatan mo ako kapag sila'y lumusob.
2 Sa masamang tao,
ako ay iligtas, at sa pumapatay
agawin mo ako at iyong ingatan.
3 Sila'y nag-aabang,
pagmasdan mo yaong taong mababagsik;
nagtipo't ang layon ako ay iligpit.
Ang dahilan nito,
di dahil sa ako'y may pagkakamali,
4 o may pagkukulang na ako ang sanhi;
O Diyos, masdan sila at nagdudumali.
5 Tulungan mo ako,
Yahweh, Makapangyarihang Diyos.
Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel!
Ikaw ay gumising,
at ang mga bansa'y iyong parusahan;
yaong mga taksil, huwag mong kahabagan. (Selah)[b]
6 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
7 Dinggin ang salita't
parang mga tabak ang dila ng bibig!
Ngunit nagtatanong:
“Sa amin ay sino ang makikinig?”
8 Ngunit ikaw, Yahweh,
tinatawanan mo't iyong kinukutya;
gayon ang gawa mo sa may salang bansa.
9 Ikaw, Panginoon,
ang aking Diyos, aking kalakasan;
ikaw ang muog ko at aking kanlungan.
10 Ako'y minamahal,
mahal ako ng Diyos, ako'y lalapitan
upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway.
11 Huwag mong papatayin,
nang di malimutan ng iyong mga lingkod.
Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog;
ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos.
12 Sa kanilang labi'y
pawang kasamaan ang namumutawi;
sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli,
pagkat sinungaling at sa pangungutya, sila'y nawiwili.
13 Wasakin mong lubos,
dahil sa iyong galit, ganap mong wasakin;
dito malalaman
ng lahat, na ika'y hari ng Israel,
at sa sansinukob ikaw ang hari din. (Selah)[c]
14 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
15 Animo'y lagalag,
lakad lang nang lakad, pagkain ang hanap;
hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat.
16 Ngunit aawit ako,
pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas,
sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas;
pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito,
at aking kanlungan kapag lugmok ako.
17 Pupurihin kita,
tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
Diyos kong mapagmahal.
Panalangin Upang Iligtas
Upang(B) Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth.[d] Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.
60 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
2 Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,
bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
3 Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
4 Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,
upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)[e]
5 Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,
upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.
6 Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,
“Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;
ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.
7 Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;
ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
8 Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”
9 Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?
Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
2 Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
3 Wala silang tinig o salitang ginagamit,
wala rin silang tunog na ating naririnig;
4 ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
5 tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
6 Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
walang nakapagtatago sa init nitong taglay.
Ang Batas ni Yahweh
7 Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.
12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.
14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
Ang Diyos ay Sumasaatin
Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]
46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan.
2 Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok matangay;
3 kahit na magngalit yaong karagatan,
at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]
4 May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
5 Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
6 Nangingilabot din bansa't kaharian,
sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.
7 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]
8 Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
9 Maging pagbabaka ay napatitigil,
sibat at palaso'y madaling sirain;
baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
kataas-taasan sa lahat ng bansa,
sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
39 Dinala nga si Jose sa Egipto at doo'y ipinagbili siya ng mga Ismaelita kay Potifar, isang Egipcio na pinuno sa pamahalaan ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo. 2 Sa(A) buong panahon ng paglilingkod ni Jose sa bahay ni Potifar ay pinatnubayan siya ni Yahweh. Anumang kanyang gawin ay nagtatagumpay. 3 Napansin ni Potifar na tinutulungan ni Yahweh si Jose, 4 kaya ginawa niya itong katiwala sa bahay at sa lahat niyang ari-arian. 5 Mula noon, dahil kay Jose ay pinagpala ni Yahweh ang buong sambahayan ni Potifar pati ang kanyang mga bukirin. 6 Ipinagkatiwala ni Potifar kay Jose ang lahat, maliban sa pagpili ng kanyang kakainin.
Si Jose'y matipuno at magandang lalaki. 7 Dumating ang panahon na pinagnasaan siya ng asawa ni Potifar. Sinabi nito, “Sipingan mo ako.”
8 Tumanggi si Jose at ang sabi, “Panatag po ang kalooban ng aking panginoon sapagkat ako'y narito. Ginawa niya akong katiwala, 9 at ipinamahala niya sa akin ang lahat sa bahay na ito, maliban sa inyo na kanyang asawa. Hindi ko po magagawa ang ganyan kalaking kataksilan at pagkakasala sa Diyos.” 10 Hindi pinapansin ni Jose ang babae kahit araw-araw itong nakikiusap na sumiping sa kanya.
11 Ngunit isang araw, nasa bahay si Jose upang gampanan ang kanyang tungkulin. Nagkataong wala roon ang ibang mga utusan. 12 Walang anu-ano'y hinablot ng babae ang kanyang balabal at sinabi, “Halika't sipingan mo na ako!” Patakbo siyang lumabas ngunit naiwan ang kanyang balabal sa babae. 13 Sa pangyayaring ito, 14 nagsisigaw ito at tinawag ang mga katulong na lalaki, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo ng asawa ko ng Hebreong ito para hamakin tayo. Sukat ba namang pasukin ako sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan! Mabuti na lamang at ako'y nakasigaw. 15 Pagsigaw ko'y kumaripas siya ng takbo, at naiwan sa akin ang kanyang damit.”
16 Itinago niya ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang asawa. 17 Sinabi niya rito, “Ang Hebreong dinala mo rito'y bigla na lamang pumasok sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan. 18 Nang ako'y sumigaw, kumaripas ng takbo at naiwan sa akin ang kanyang balabal.”
19 Nagalit si Potifar nang marinig ang sinabi ng asawa, 20 kaya't ipinahuli niya si Jose at isinama sa mga bilanggong tauhan ng Faraon. 21 Ngunit(B) si Jose ay hindi pinabayaan ni Yahweh. Ang bantay ng bilangguan ay naging napakabait sa kanya. 22 Si Jose ay ginawa niyang tagapamahala ng lahat ng mga bilanggo, at siya ang tanging nagpapasya kung ano ang gagawin sa loob ng bilangguan. 23 Hindi na halos nakikialam ang bantay ng bilangguan sa ginagawa ni Jose, sapagkat si Yahweh ay kasama nito at pinagtatagumpay siya sa lahat niyang gawain.
14 Sapagkat ang taong hindi nagtataglay ng Espiritu ay hindi kayang tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. 15 Nauunawaan ng taong nagtataglay ng Espiritu ang kahalagahan ng lahat ng bagay, ngunit hindi siya nauunawaan ng taong hindi nagtataglay ng Espiritu.
16 “Sino(A) ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang makapagpapayo sa kanya?”
Ngunit nasa atin[a] ang pag-iisip ni Cristo.
Mga Lingkod ng Diyos
3 Mga kapatid, hindi ko kayo makausap bilang mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay pa ayon sa laman at mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. 2 Gatas(B) ang ibinigay ko sa inyo noon at hindi matigas na pagkain, sapagkat hindi ninyo kaya iyon. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo kaya, 3 sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. 4 Kapag(C) sinasabi ng isa, “Ako'y kay Pablo,” at ng iba, “Ako'y kay Apolos,” hindi ba't palatandaan iyan na kayo'y namumuhay pa ayon sa laman?
5 Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami'y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. 6 Ako(D) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. 7 Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. 9 Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.
Kayo rin ay gusali ng Diyos. 10 Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, 11 sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. 12 May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. 13 Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. 15 Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)
2 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. 2 Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, 3 may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. 4 Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinabâ ang paralitikong nakaratay sa higaan. 5 Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.”
6 May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: 7 “Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?”
8 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan…” sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!”
12 Tumayo nga ang paralitiko habang nakatingin ang lahat. Kaagad niyang binuhat ang kanyang higaan at umalis, kaya ang lahat ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, “Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.