Book of Common Prayer
Pananabik sa Dios
63 O Dios, kayo ang aking Dios.
Hinahanap-hanap ko kayo.
Nananabik ako sa inyo nang buong pusoʼt kaluluwa,
na tulad ng lupang tigang sa ulan.
2 Nakita ko ang inyong kapangyarihan at kaluwalhatian sa inyong templo.
3 Ang inyong pag-ibig ay mahalaga pa kaysa sa buhay,
kaya pupurihin ko kayo.
4 Pasasalamatan ko kayo habang akoʼy nabubuhay.
Itataas ko ang aking mga kamay sa paglapit sa inyo.
5 Masisiyahan ako tulad ng taong nabusog sa malinamnam na handaan.
At magpupuri ako sa inyo ng awit ng kagalakan[a]
6 Sa aking paghiga, kayo ang naaalala ko.
Sa buong magdamag kayo ang iniisip ko.
7 Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit[b] ako,
habang akoʼy nasa inyong pangangalaga.[c]
8 Lumapit ako sa inyo at inalalayan nʼyo ako ng inyong kanang kamay upang hindi ako mapahamak.
9 Ngunit silang nagtatangka sa aking buhay ay mapupunta sa lugar ng mga patay.
10 Mamamatay sila sa labanan at ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga asong-gubat.[d]
11 Matutuwa ang hari sa ginawa ng Dios sa kanya.
Matutuwa rin ang mga nangako sa Panginoon.
Ngunit ang lahat ng sinungaling ay patatahimikin ng Panginoon!
Purihin ang Dios na Hukom
98 Umawit tayo ng bagong awit sa Panginoon,
dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay!
Sa kanyang kapangyarihan at kalakasaʼy tinalo niya ang ating mga kaaway.
2 Ipinakita ng Panginoon sa mga bansa ang kanyang pagliligtas at pagiging makatuwiran.
3 Hindi niya kinalimutan ang kanyang pag-ibig at katapatan sa atin na taga-Israel.
Nakita ng lahat ng tao sa buong mundo ang pagliligtas ng ating Dios.
4 Kayong lahat ng tao sa buong mundo,
sumigaw kayo sa tuwa sa Panginoon!
Buong galak kayong umawit ng papuri sa kanya.
5-6 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon habang tinutugtog ang mga alpa at mga trumpeta at tambuli.
Sumigaw kayo sa galak sa presensya ng Panginoon na ating Hari.
7 Magalak ang buong mundo at ang lahat ng naninirahan dito,
pati ang mga dagat at ang lahat ng narito.
8 Magpalakpakan ang mga ilog at sabay-sabay na magsiawit sa tuwa ang mga kabundukan
9 Natutuwa sila sa presensya ng Panginoon
dahil darating siya upang hatulan ang lahat ng tao sa buong mundo.
Hahatulan niya sila nang matuwid at walang kinikilingan.
Ang Pag-ibig ng Dios
103 Pupurihin ko ang Panginoon!
Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
2 Pupurihin ko ang Panginoon,
at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
3 Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
4 Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
5 Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
7 Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
8 Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Hindi siya palaging nanunumbat,
at hindi nananatiling galit.
10 Hindi niya tayo pinarurusahan ayon sa ating mga kasalanan.
Hindi niya tayo ginagantihan batay sa ating pagkukulang.
11 Dahil kung gaano man kalaki ang agwat ng langit sa lupa,
ganoon din kalaki ang pag-ibig ng Dios sa mga may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
ganoon din niya inilalayo sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak,
ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
14 Dahil alam niya ang ating kahinaan,
alam niyang nilikha tayo mula sa lupa.
15 Ang buhay ng tao ay tulad ng damo.
Tulad ng bulaklak sa parang, itoʼy lumalago.
16 At kapag umiihip ang hangin,
itoʼy nawawala at hindi na nakikita.
17-18 Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa mga may takot sa kanya, sa mga tumutupad ng kanyang kasunduan, at sa mga sumusunod sa kanyang mga utos.
At ang kanyang katuwirang ginagawa ay magpapatuloy sa kanilang mga angkan.
19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa kalangitan,
at siyaʼy naghahari sa lahat.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong makapangyarihan niyang mga anghel na nakikinig at sumusunod sa kanyang mga salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa langit na naglilingkod sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban.
22 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mga nilalang niya sa lahat ng dako na kanyang pinaghaharian.
Purihin ang Panginoon!
3 Dahil dito, lumapit ako sa Panginoong Dios at nanalangin. Nag-ayuno ako, nagdamit ng sako, at naglagay ng abo sa ulo.[a] 4 Nanalangin ako sa Panginoon na aking Dios at humingi ng tawad para sa aming mga kasalanan:
“Panginoon, kayo ay makapangyarihan at kahanga-hangang Dios. Tapat po kayo sa pagtupad ng inyong pangako na mamahalin nʼyo ang mga nagmamahal sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. 5 Nagkasala kami sa inyo. Gumawa kami ng kasamaan at sumuway sa inyong mga utos at tuntunin. 6 Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na inutusan nʼyong makipag-usap sa aming hari, mga pinuno, matatanda at sa lahat ng taga-Israel.
7 “Panginoon, matuwid po kayo, pero kami ay kahiya-hiya pa rin hanggan ngayon. Gayon din ang lahat ng mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at ang lahat ng Israelita na pinangalat nʼyo sa malalapit at malalayong lugar dahil sa kanilang pagsuway sa inyo. 8 Panginoon, kami ay talagang kahiya-hiya, pati ang aming hari, mga pinuno, at matatanda dahil kami ay nagkasala sa inyo. 9 Pero maawain pa rin kayo, Panginoon naming Dios, at mapagpatawad kahit na sumuway kami sa inyo. 10 Hindi kami sumunod sa inyo dahil hindi namin sinunod ang mga utos na ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta.
10 Ginawa ng Dios ang lahat ng bagay, at ginawa niya ito para sa sarili niya. Kaya marapat lang na pumayag siyang maghirap si Jesus, para lubos na magampanan ni Jesus ang nararapat bilang pinagmumulan ng kaligtasan. Sa ganoon, maraming mga tao ang magiging kanyang mga anak na kanyang mapaparangalan. 11 Si Jesus ang naglilinis ng ating mga kasalanan. At ang kanyang Ama ay siya rin nating Ama. Kaya hindi niya ikinakahiya na ituring tayong mga kapatid niya. 12 Ito ang sinabi niya sa kanyang Ama:
“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang mga ginawa mo, at aawit ako ng papuri sa iyo sa piling ng mga sumasamba sa iyo.”[a]
13 Sinabi rin niya,
“Magtitiwala ako sa Dios.”[b]
At idinagdag pa niya,
“Narito ako, kasama ang mga anak ng Dios na kanyang ibinigay sa akin.”[c]
14 At yamang ang mga anak ng Dios na binanggit niya ay mga taong may laman at dugo, naging tao rin si Jesus upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay malupig niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa ganitong paraan, pinalaya niya sila na naging alipin ng takot sa kamatayan sa buong buhay nila. 16 Kaya malinaw na hindi ang mga anghel ang tinutulungan ni Jesus kundi ang lahi ni Abraham. 17 Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magkatawang-tao ni Jesus, upang maging katulad siya ng mga kapatid niya sa lahat ng bagay. Sa ganoon, siya ay magiging punong pari nila na maawain at tapat, na makapaghahandog sa Dios para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng tao. 18 At dahil siya mismo ay nakaranas ng paghihirap nang tinukso siya, matutulungan niya ang mga dumaranas ng tukso.
Ang Salita ni Jesus ang Hahatol sa mga Tao
44 Nagsalita si Jesus nang malakas: “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi lang sa akin sumasampalataya kundi pati sa nagsugo sa akin. 45 At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46 Naparito ako bilang ilaw ng mundo, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47 Ang sinumang nakarinig ng aking mga aral pero hindi sumunod ay hahatulan, ngunit hindi ako ang hahatol sa kanya. Sapagkat hindi ako naparito sa mundo para hatulan ang mga tao kundi iligtas sila. 48 May ibang hahatol sa ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga aral. Ang mga salitang ipinangaral ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49 Sapagkat ang mga aral koʼy hindi galing sa sarili ko lang kundi galing sa Amang nagsugo sa akin. Siya ang nag-uutos kung ano ang sasabihin ko. 50 At alam ko na ang mga utos niya ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya kung ano ang ipinasasabi ng Ama, iyon lang ang sinasabi ko.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®