Book of Common Prayer
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon mula sa kalangitan,
purihin siya sa mga kaitaasan.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat niyang mga anghel,
purihin ninyo siya, kayong lahat niyang hukbo!
3 Purihin ninyo siya, araw at buwan;
purihin ninyo siya, kayong lahat na mga bituing maningning,
4 Purihin ninyo siya, kayong mga langit ng mga langit,
at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit.
5 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
sapagkat siya'y nag-utos, at sila'y nalikha.
6 At kanyang itinatag sila magpakailanpaman,
siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.
7 Mula sa lupa ang Panginoon ay purihin,
ninyong mga dambuhala sa dagat, at lahat ng mga malalim,
8 apoy at yelo, niyebe at hamog,
maunos na hangin na gumaganap ng kanyang salita!
9 Mga bundok at lahat ng mga burol,
mga punong nagbubunga at lahat ng mga sedro!
10 Mga hayop at lahat ng kawan.
mga bagay na gumagapang at mga ibong nagliliparan!
11 Mga hari sa lupa at lahat ng sambayanan,
mga pinuno at lahat ng mga hukom sa sanlibutan!
12 Mga binata at gayundin ang mga dalaga;
ang matatanda at mga bata!
13 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
sapagkat tanging ang kanyang pangalan ang dakila;
nasa itaas ng lupa at mga langit ang kaluwalhatian niya.
14 Nagtaas siya ng sungay para sa kanyang bayan,
ng papuri para sa lahat ng kanyang mga banal,
para sa mga anak ni Israel na malapit sa kanya.
Purihin ang Panginoon!
149 Purihin ang Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon ng isang bagong awit,
ng papuri sa kanya sa kapulungan ng mga tapat!
2 Magalak nawa ang Israel sa kanyang Lumikha,
ang mga anak ng Zion sa kanilang Hari nawa'y matuwa!
3 Purihin nila ng may pagsasayaw ang pangalan niya,
na umaawit sa kanya na may pandereta at lira!
4 Sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang bayan;
kanyang pagagandahin ng kaligtasan ang mga nahihirapan.
5 Magsaya nawa ang mga tapat sa kaluwalhatian;
umawit nawa sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan.
6 Malagay nawa ang mataas na papuri sa Diyos sa kanilang lalamunan,
at ang tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;
7 upang maggawad ng paghihiganti sa mga bansa,
at ng kaparusahan sa mga bayan,
8 upang gapusin sa mga tanikala ang kanilang mga hari,
at ang kanilang mga maharlika ng mga bakal na panali,
9 upang sa kanila'y ilapat ang hatol na nasusulat!
Ito ay kaluwalhatian para sa lahat niyang mga tapat!
Purihin ang Panginoon!
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Diyos sa kanyang santuwaryo;
purihin siya sa kanyang makapangyarihang kalawakan!
2 Purihin siya dahil sa kanyang mga makapangyarihang gawa;
purihin siya ayon sa kanyang kadakilaang pambihira!
3 Purihin siya sa tunog ng trumpeta;
purihin siya sa salterio at alpa!
4 Purihin siya sa mga tamburin at sayaw;
purihin siya sa mga panugtog na may kuwerdas!
5 Purihin siya ng mga matunog na pompiyang!
Purihin siya sa mga pompiyang na maiingay!
6 Lahat ng bagay na may hininga ay magpuri sa Panginoon!
Purihin ang Panginoon!
114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
2 ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
ang Israel ay kanyang sakop.
3 Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
ang Jordan ay umatras.
4 Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
ang mga burol na parang mga batang tupa.
5 Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
O Jordan, upang umurong ka?
6 O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
O mga burol, na parang mga batang tupa?
7 Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
sa harapan ng Diyos ni Jacob;
8 na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
na bukal ng tubig ang hasaang bato.
Ang Isang Tunay na Diyos
115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
2 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”
3 Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
4 Ang(D) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
gawa ng mga kamay ng mga tao.
5 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
6 Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
7 Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
8 Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.
9 O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(E) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
ang mababa kasama ang dakila.
14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
siya na gumawa ng langit at lupa!
16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!
Ang Pagkawasak ng Israel
6 “Kahabag-habag sila na nagwawalang-bahala sa Zion,
at sila na tiwasay sa bundok ng Samaria,
ang mga kilalang tao ng una sa mga bansa,
na pinagmulan ng sambahayan ni Israel!
2 Dumaan kayo sa Calne, at inyong tingnan;
at mula roon ay pumunta kayo sa Hamat na dakila;
at pagkatapos ay bumaba kayo sa Gat ng mga Filisteo.
Magaling ba sila kaysa mga kahariang ito?
O mas malaki ba ang kanilang nasasakupan kaysa inyong nasasakupan?
3 Naglalayo ba kayo ng araw ng sakuna
at maglalapit ba kayo ng upuan ng karahasan?
4 “Silang mga nahihiga sa mga higaang garing,
at nag-uunat ng kanilang sarili sa kanilang mga hiligan,
at kumakain ng mga batang tupa mula sa kawan,
at ng mga guya na mula sa gitna ng kulungan;
5 na kumakatha ng mga tunog ng alpa na walang paghahanda;
na kumakatha para sa kanilang sarili ng mga panugtog ng tugtugin, na gaya ni David;
6 na umiinom ng alak sa mga mangkok,
at binubuhusan ang kanilang sarili ng pinakamagandang uri ng langis,
ngunit hindi nahahapis sa pagkaguho ni Jose.
7 Kaya't sila ngayon ay tutungo sa pagkabihag sa unahan ng mga bihag,
at ang kasayahan nila na nag-uunat ng sarili ay mapaparam.”
8 Ang Panginoong Diyos ay sumumpa sa kanyang sarili,
ang Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo ay nagsabi:
“Aking kinapopootan ang kapalaluan ng Jacob,
at aking kinamumuhian ang kanyang mga muog;
kaya't aking ibibigay ang lunsod at lahat ng naroroon.”
9 At kung may natitirang sampung tao sa isang bahay, sila'y pawang mamatay.
10 At kapag ang isang tiyuhin o yaong sumusunog ng patay, ang magbubuhat upang ilabas ang buto mula sa bahay, at sasabihin doon sa nasa loob na bahagi ng bahay, “Mayroon ka pa bang kasama?” at kanyang sasabihin: “Wala”; kung magkagayo'y kanyang sasabihin: “Tumahimik ka! Hindi natin dapat banggitin ang pangalan ng Panginoon.”
11 Sapagkat narito, ang Panginoon ay mag-uutos
na ang malaking bahay ay mawawasak,
at ang munting bahay ay madudurog.
12 Tumatakbo ba ang mga kabayo sa malaking bato?
Inaararo ba ng sinuman ang dagat sa pamamagitan ng mga toro?
Ngunit inyong ginawang lason ang katarungan,
at ginawang mapait na kahoy ang bunga ng katuwiran.
13 Kayong nagagalak sa isang bagay na walang kabuluhan, na nagsasabi;
“Hindi ba sa pamamagitan ng sarili naming lakas
ay nagapi namin ang mga sungay para sa aming sarili?”
14 “Sapagkat aking ititindig laban sa inyo ang isang bansa,
O sambahayan ni Israel,” sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo;
“at kanilang pahihirapan kayo mula sa pasukan sa Hamat
hanggang sa batis ng Araba.”
Ang Paghatol sa Pagbabalik ni Cristo
5 Ito ay malinaw na katibayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, upang kayo'y ariing karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito'y nagdurusa kayo.
6 Sapagkat tunay na matuwid sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga nagpapahirap sa inyo,
7 at kayong mga pinahihirapan ay bigyan ng kapahingahang kasama namin, sa pagkapahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel,
8 na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus.
9 Ang(A) mga ito'y tatanggap ng kaparusahang walang hanggang pagkapuksa at palalayasin sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kalakasan,
10 kapag dumating siya sa araw na iyon upang luwalhatiin sa kanyang mga banal, at kamanghaan ng lahat ng mga sumasampalataya, sapagkat ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan.
11 Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo'y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan,
12 upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kanya, ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating na kay Elizabeth ang panahon ng panganganak at siya'y nagsilang ng isang anak na lalaki.
58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ang Panginoon ng dakilang awa sa kanya at sila'y nakigalak sa kanya.
59 Nang(A) ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kanyang ama,
60 ngunit sumagot ang kanyang ina at nagsabi, “Hindi. Ang itatawag sa kanya ay Juan.”
61 At sinabi nila sa kanya, “Wala kang kamag-anak na may ganitong pangalan.”
62 Sinenyasan nila ang kanyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[a]
63 Humingi siya ng isang sulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat.
64 Biglang nabuksan ang kanyang bibig, nakalaya ang kanyang dila, at siya'y nagsalita na pinupuri ang Diyos.
65 Nagkaroon ng takot ang lahat ng nakatira sa palibot nila, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pinag-usapan sa buong lupaing maburol ng Judea.
66 Lahat ng mga nakarinig ay inilagay ang mga ito sa kanilang puso, na sinasabi, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya.
Ang Propesiya ni Zacarias
67 Si Zacarias na kanyang ama ay napuno ng Espiritu Santo at sinabi ang propesiyang ito,
68 “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001