Book of Common Prayer
Dalangin para Ingatan at Patnubayan
25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala.
Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako
at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo.
3 Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan,
ngunit mapapahiya ang mga traydor.
4 Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan,
ang tuwid na daan na dapat kong lakaran.
5 Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas.
Kayo ang lagi kong inaasahan.
6 Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig,
na inyong ipinakita mula pa noong una.
7 Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig,
alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko
mula pa noong aking pagkabata.
8 Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon,
kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan.
9 Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama.
Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan.
11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[a] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan.
12 Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran.
13 Mabubuhay sila ng masagana,
at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios.
14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo,
at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan.
15 Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon,
dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan,
dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap.
17 Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban.
Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan.
18 Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan,
at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan.
19 Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway
na galit na galit sa akin.
20 Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay!
Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako.
21 Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo,
nawaʼy maging ligtas ako.
22 O Dios, iligtas nʼyo po ang Israel sa lahat ng kaguluhan.
Ang Makatarungang Paghatol ng Dios
9 Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.
2 Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios.
Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
3 Kapag nagpapakita kayo sa aking mga kaaway, natatakot sila:
tumatakas sila, nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
4 Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom.
Noong hinatulan nʼyo ako, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
5 Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasama,
kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
6 Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
sila ay lubusang nawasak.
Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
7 Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman.
At handa na ang inyong trono para sa paghatol.
8 Hinahatulan nʼyo nang matuwid ang mga tao sa bawat bansa,
at wala kayong kinikilingan.
9 Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.
11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.
13 Panginoon, tingnan nʼyo po ang pagpapahirap sa akin ng aking mga kaaway.
Maawa kayo sa akin, at iligtas nʼyo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang masabi ko sa lahat ng tao sa pintuan ng Zion,[a] ang inyong mga ginawa,
at akoʼy magagalak at magpupuri dahil sa inyong pagliligtas.
15 Nangyari mismo sa kanilang bansa ang plinano nilang masama.
At sila mismo ang nahuli sa sarili nilang bitag.
16 Ipinakita ng Panginoon kung sino siya sa pamamagitan ng paghatol niya ng matuwid.
At ang masasama ay napahamak,
dahil na rin sa kanilang ginawang masama.
17 Mamamatay ang taong masasama sa lahat ng bansa,
dahil itinakwil nila ang Dios.
18 Ang mga dukha ay hindi laging pababayaan,
at ang pag-asa ng mga mahihirap ay hindi na mawawala kailanman.
19 O Panginoon, huwag nʼyong pabayaang manaig ang kakayahan ng mga tao,
tipunin nʼyo sa inyong presensya at hatulan ang mga taong hindi kumikilala sa inyo.
20 Turuan nʼyo silang matakot Panginoon,
at nang malaman nilang silaʼy mga tao lamang.
Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya
15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?
2 Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
namumuhay ng tama,
walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
3 hindi naninirang puri,
at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
4 Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Israelita na nasa Egipto
44 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias ang tungkol sa lahat ng Judio na naninirahan sa gawing hilaga ng Egipto sa mga lungsod ng Migdol, Tapanhes, at Memfis pati ang mga naroon sa gawing timog ng Egipto. 2 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Nakita ninyo ang kapahamakang pinaranas ko sa Jerusalem at sa lahat ng bayan ng Juda. Wasak na ito ngayon at wala nang naninirahan doon, 3 dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan nila. Ginalit nila ako sa pagsusunog nila ng mga insenso at pagsamba sa mga dios-diosan na hindi nila kilala o ng mga ninuno nila. 4 Palagi kong isinusugo ang mga lingkod ko na mga propeta para bigyan sila ng babala na huwag nilang gagawin ang bagay na iyon na kasuklam-suklam sa akin at kinapopootan ko, 5 pero hindi sila nakinig o sumunod sa mga propeta. Hindi sila tumalikod sa kasamaan nila o tumigil sa pagsusunog nila ng mga insenso para sa mga dios-diosan. 6 Kaya ibinuhos ko sa kanila ang tindi ng galit ko. Parang apoy ito na tumupok sa mga bayan ng Juda at Jerusalem, at naging malungkot ang mga lugar na ito at wasak hanggang ngayon.
7 “Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagtatanong, ‘Bakit ninyo sinisira ang inyong sarili? Gusto ba ninyo na malipol ang mga tao sa Juda – ang mga lalaki, babae, bata at mga sanggol? 8 Bakit ninyo ako ginagalit sa paggawa ninyo ng inyong mga dios? Nagsusunog pa kayo ng mga insenso para sa mga ito dito sa Egipto kung saan kayo ngayon naninirahan. Ipinapahamak ninyo ang sarili ninyo at ginagawa ninyong kasuklam-suklam at kahiya-hiya sa lahat ng bansa sa daigdig. 9 Nakalimutan na ba ninyo ang mga kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, mga hari, mga reyna ng Juda, ang mga kasamaang ginawa ninyo at ng inyong mga asawa sa lupain ng Juda at Jerusalem? 10 Hanggang ngayoʼy hindi pa rin kayo nagpapakumbaba o natatakot sa akin. Hindi rin kayo sumunod sa mga kautusan at mga tuntunin ko na ibinigay sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’
11 “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay handa na para ipahamak kayo at lipulin ang buong Juda. 12 Kayong mga natitirang buhay sa Juda na nagpumilit pumunta rito sa Egipto, mamamatay kayong lahat mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Mamamatay kayo rito sa digmaan o sa gutom. Susumpain, kasusuklaman, mamasamain, at kukutyain kayo. 13 Gagawin ko sa inyo rito sa Egipto ang ginawa ko sa Jerusalem. Parurusahan ko rin kayo sa pamamagitan ng digmaan, gutom at sakit. 14 Mamamatay kayong lahat, kayong mga natirang buhay sa Juda at tumira rito sa Egipto. Hindi na kayo makakabalik sa Juda kahit gusto ninyong bumalik at manirahan doon. Walang makakabalik sa inyo maliban sa iilan na makakatakas.”
30 At bakit pa namin inilalagay ang aming mga sarili sa panganib oras-oras? 31 Araw-araw akong nasa bingit ng kamatayan, mga kapatid! At kung paanong totoo na ipinagmamalaki ko kayo sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus na ating Panginoon, totoo rin ang sinasabi kong ito. 32 Nahihirapan ako dito sa Efeso, dahil ang mga kumakalaban sa akin ay tulad ng mababangis na hayop. Kung ang paghihirap kong itoʼy para lang sa kapakanan ng tao sa buhay na ito, ano ang kabuluhan nito? Kung totoong hindi na mabubuhay ang mga patay, mabuti pang sundin na lang natin ang kasabihang, “Kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
33 Huwag kayong palilinlang sa kasabihang iyan. Sa halip, ito ang inyong paniwalaan: “Ang masasamang kasamaʼy nakakasira ng mabuting ugali.” 34 Magpakatino kayo at talikuran nʼyo na ang kasalanan. Sinasabi ko ito upang mahiya kayo sa inyong sarili, dahil may ilan sa inyo na mali ang pagkakakilala sa Dios.
Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay
35 Maaaring may magtanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Anong uri ng katawan ang matatanggap nila?” 36 Ito ang sagot ko sa taong iyan na walang nalalaman: Ang inihahasik na binhi ay hindi mabubuhay hanggaʼt hindi ito namamatay. 37 At kahit anong binhi ang itanim mo, trigo man o ibang binhi, magiging iba ang anyo nito kapag tumubo na. 38 Ang Dios ang nagbibigay anyo sa binhing iyon, ayon sa kanyang kalooban. At ang bawat binhi ay may kanya-kanyang anyo kapag tumubo na.
39 Ganoon din sa katawan; hindi lahat ng katawan ay pare-pareho. Iba ang katawan ng tao, ng hayop, ng ibon at ng isda.
40 May mga katawang panlupa at may mga katawang panlangit, at ang bawat isaʼy may kanya-kanyang kagandahan. Iba ang kagandahan ng katawan dito sa lupa, at iba rin naman ang kagandahan ng katawan doon sa langit. 41 Iba ang ningning ng araw sa ningning ng buwan, at iba rin naman ang ningning ng mga bituin. At kahit ang mga bituin ay may ibaʼt ibang ningning.
16 “Sa anong bagay ko maihahambing ang henerasyong ito? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa na sinasabi sa kanilang kalaro, 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal,[a] pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay, pero hindi kayo umiyak!’ 18 Katulad nga nila ang mga tao ngayon, dahil nang dumating dito si Juan, nakita nilang nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, kaya sinabi nila, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 19 At nang dumating naman ako, na Anak ng Tao, nakita nilang kumakain ako at umiinom, at sinabi naman nila, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon na tama ang ipinapagawa ng Dios sa amin.”[b]
Babala sa mga Bayang Hindi Nagsisisi(A)
20 Pagkatapos, tinuligsa ni Jesus ang mga bayang nakasaksi ng maraming himala na kanyang ginawa, dahil hindi sila nagsisi sa kanilang mga kasalanan. 21 Sinabi niya, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tyre at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo[c] upang ipakita ang kanilang pagsisisi. 22 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. 23 At kayo namang mga taga-Capernaum, baka akala ninyoʼy papupurihan kayo kahit doon sa langit. Hindi! Ibabagsak kayo sa impyerno![d] Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, nananatili pa sana ang lugar na iyon hanggang ngayon. 24 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Sodom.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®