Book of Common Prayer
Panalangin ng Kabataang may Suliranin.
102 O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko,
dumating nawa ang daing ko sa iyo!
2 Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo
sa araw ng kahirapan ko!
Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling,
sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!
3 Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko,
at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno.
4 Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo;
nalimutan kong kainin ang aking tinapay.
5 Dahil sa lakas ng daing ko,
dumidikit sa aking laman ang mga buto ko.
6 Ako'y parang pelikano sa ilang;
ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan.
7 Ako'y gising,
ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan.
8 Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw;
silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan.
9 Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo,
at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko,
10 dahil sa galit at poot mo;
sapagkat itinaas at itinapon mo ako.
11 Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko;
ako'y natutuyo na parang damo.
12 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13 Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
ang takdang panahon ay dumating na.
14 Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
at nahahabag sa kanyang alabok.
15 Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17 kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.
18 Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod,
upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa Panginoon:
19 na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan,
at tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa kalangitan,
20 upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan,
upang palayain ang mga itinakdang mamatay;
21 upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng Panginoon,
at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan,
22 kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon,
at ang mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.
23 Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan;
kanyang pinaikli ang aking mga araw.
24 Aking sinabi, “O Diyos ko, huwag mo akong kunin
sa kalagitnaan ng aking mga araw,
ikaw na ang mga taon ay nananatili
sa lahat ng salinlahi!”
25 Nang(A) una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay,
at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala,
parang kasuotan silang lahat ay mawawala.
Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan;
27 ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili;
ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan.
IKALIMANG AKLAT
107 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
3 at tinipon mula sa mga lupain,
mula sa silangan at mula sa kanluran,
mula sa hilaga at mula sa timugan.
4 Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa tapunang lugar,
na hindi natagpuan ang daan patungo sa isang bayang matitirahan;
5 gutom at uhaw,
ang kanilang kaluluwa ay nanghina.
6 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
7 Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan,
patungo sa isang bayang matatahanan.
8 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
9 Sapagkat kanyang binigyang-kasiyahan ang nauuhaw,
at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng mabubuting bagay.
10 Ang ilan ay nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan,
mga bilanggo sa kahirapan at may tanikala,
11 sapagkat sila'y naghimagsik laban sa mga salita ng Diyos,
at hinamak ang payo ng Kataas-taasan.
12 Ang kanilang mga puso ay yumuko sa mahirap na paggawa;
sila'y nabuwal at walang sumaklolo.
13 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan,
14 Inilabas niya sila sa kadiliman at anino ng kamatayan,
at sa kanilang mga gapos ay kinalagan.
15 Pasalamatan nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
16 Sapagkat kanyang sinira ang mga pintuang tanso,
at pinutol ang mga baras na bakal.
17 Mga mangmang dahil sa daan ng kanilang mga kasalanan,
at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nagdanas ng kahirapan;
18 ang anumang uri ng pagkain ay kinasuklaman ng kanilang kaluluwa,
at sila'y nagsilapit sa mga pintuan ng kamatayan.
19 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
20 Sinugo niya ang kanyang salita, at pinagaling sila,
iniligtas niya sila sa kapahamakan.
21 Purihin nawa nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
22 At maghandog nawa sila ng mga alay na pasasalamat,
at ipahayag ang kanyang mga gawa na may awit ng kagalakan.
23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyang-dagat,
na nangangalakal sa tubig na malalawak;
24 nakita nila ang mga gawa ng Panginoon,
ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa kalaliman.
25 Sapagkat siya'y nag-utos, at itinaas ang maunos na hangin,
na nagpataas sa mga alon ng dagat.
26 Sila'y umakyat hanggang sa langit, sila'y nagsibaba sa mga kalaliman;
ang kanilang kaluluwa ay natutunaw sa masama nilang kalagayan,
27 sila'y sumuray-suray at nagpagiray-giray na parang taong lasing,
at ang kanilang karunungan ay nawala.
28 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kahirapan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kapighatian.
29 Kanyang pinatigil ang bagyo,
anupa't ang mga alon ng dagat ay tumahimik.
30 Nang magkagayo'y natuwa sila sapagkat sila'y nagkaroon ng katahimikan,
at dinala niya sila sa kanilang nais daungan.
31 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
at dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
32 Purihin nila siya sa kapulungan ng bayan,
at purihin siya sa pagtitipon ng matatanda.
19 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Itai na Geteo, “Bakit pati ikaw ay sumasama sa amin? Bumalik ka at manatili kang kasama ng hari; sapagkat ikaw ay dayuhan at ipinatapon mula sa iyong tahanan.
20 Kahapon ka lamang dumating, at ngayon ay gagawin ba kitang lagalag na kasama namin, samantalang hindi ko alam kung saan pupunta? Bumalik ka, at ibalik mo ang iyong mga kapatid; at nawa'y pagpakitaan ka ng Panginoon ng tapat na pag-ibig at katapatan.”
21 Ngunit sumagot si Itai sa hari, “Habang buháy ang Panginoon at buháy ang aking panginoong hari, saanman naroroon ang aking panginoong hari, maging sa kamatayan o sa buhay, ay doroon din ang iyong lingkod.”
22 At sinabi ni David kay Itai, “Kung gayon ay humayo ka at magpatuloy.” At si Itai na Geteo ay nagpatuloy, pati ang lahat niyang mga tauhan, at ang lahat ng mga batang kasama niya.
23 At ang buong lupain ay umiyak nang malakas habang ang buong bayan ay dumaraan, at ang hari ay tumawid sa batis ng Cedron, at ang buong bayan ay tumawid sa daan patungo sa ilang.
Si Zadok, Abiatar, at si Husai ay Pinabalik
24 Dumating si Abiatar, pati si Zadok at ang lahat na Levitang kasama niya na dala ang kaban ng tipan ng Diyos. Kanilang inilapag ang kaban ng Diyos hanggang sa ang buong bayan ay makalabas sa lunsod.
25 Sinabi ng hari kay Zadok, “Ibalik mo ang kaban ng Diyos sa lunsod. Kapag ako'y nakatagpo ng biyaya sa mga mata ng Panginoon, ibabalik niya ako at ipapakita sa akin ang kaban at gayundin ang kanyang tahanan.
26 Ngunit kung sabihin niyang ganito, ‘Hindi kita kinalulugdan;’ ako'y naririto, gawin niya sa akin ang inaakala niyang mabuti.”
27 Sinabi rin ng hari kay Zadok na pari, “Nakikita mo ba? Bumalik kang payapa sa lunsod, kasama ang iyong dalawang anak, si Ahimaaz na iyong anak at si Jonathan na anak ni Abiatar.
28 Tingnan mo, ako'y maghihintay sa mga tawiran sa ilang hanggang sa may dumating na salita na mula sa inyo upang ipabatid sa akin.”
29 Kaya't dinala muli nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem ang kaban ng Diyos at sila'y nanatili roon.
30 Ngunit umahon si David sa ahunan sa Bundok ng mga Olibo, na umiiyak habang siya'y umaahon. Ang kanyang ulo ay may takip at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo, at sila'y umahon at umiiyak habang umaahon.
31 At ibinalita kay David, “Si Ahitofel ay isa sa mga kasabwat na kasama ni Absalom.” Sinabi ni David, “O Panginoon, hinihiling ko sa iyo, gawin mong kahangalan ang payo ni Ahitofel.”
32 Nang si David ay makarating sa tuktok na doon ay sinasamba ang Diyos, si Husai na Arkita ay sumalubong sa kanya na ang damit ay punit at may lupa sa kanyang ulo.
33 Sinabi ni David sa kanya, “Kapag ikaw ay nagpatuloy na kasama ko, ikaw ay magiging pasanin ko.
34 Ngunit kung ikaw ay babalik sa lunsod, at sasabihin mo kay Absalom, ‘Ako'y magiging iyong lingkod, O hari. Kung paanong ako'y naging lingkod ng iyong ama nang panahong nakaraan ay gayon magiging lingkod mo ako ngayon;’ kung magkagayo'y iyong mapapawalang-saysay para sa akin ang payo ni Ahitofel.
35 At hindi ba kasama mo roon si Zadok at si Abiatar na mga pari? Kaya't anumang marinig mo sa sambahayan ng hari, iyong sabihin kay Zadok at kay Abiatar na mga pari.
36 Kasama nila roon ang kanilang dalawang anak, si Ahimaaz na anak ni Zadok, at si Jonathan na anak ni Abiatar. Sa pamamagitan nila ay inyong ipadadala sa akin ang bawat bagay na inyong maririnig.”
37 Kaya't si Husai na kaibigan ni David ay dumating sa lunsod; samantalang si Absalom ay pumapasok sa Jerusalem.
Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili
37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, ay sinabi niya sa pinunong kapitan, “Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?”
At sinabi ng pinunong kapitan,[a] “Marunong ka ba ng Griyego?
38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipcio, na nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?”
39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, na taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng isang hindi karaniwang lunsod. Nakikiusap ako, pahintulutan mo akong magsalita sa mga taong-bayan.”
40 Nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo ay tumayo sa mga baytang at isinenyas ang kamay sa mga tao, at nang magkaroon ng malaking katahimikan, nagsalita siya sa wikang Hebreo, na sinasabi:
22 “Mga ginoo, mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko ngayon sa harapan ninyo.”
2 Nang marinig nilang siya'y nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, ay lalo pa silang tumahimik. Pagkatapos ay sinabi niya,
3 “Ako'y(A) isang Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, ngunit pinalaki sa lunsod na ito, sa paanan ni Gamaliel, at tinuruan alinsunod sa kahigpitan ng kautusan ng ating mga ninuno, na masigasig para sa Diyos, na tulad ninyong lahat ngayon.
4 Aking(B) pinag-usig ang Daang ito hanggang sa kamatayan, na ginagapos at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalaki at ang mga babae,
5 tulad ng mapapatotohanan ng pinakapunong pari ng tungkol sa akin at ng buong kapulungan ng matatanda. Mula sa kanila'y tumanggap ako ng mga sulat para sa mga kapatid sa Damasco at nagpunta ako roon upang gapusin ang mga naroroon at ibalik sila sa Jerusalem upang parusahan.
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Pagbabagong-loob(C)
6 “Habang ako'y naglalakbay at papalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling-tapat na, biglang sumikat mula sa langit ang isang malaking liwanag sa palibot ko.
7 Bumagsak ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?’
8 Sumagot ako sa kanya, ‘Sino ka ba, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako'y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.’
9 Nakita ng mga kasamahan ko noon ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin.
10 Sinabi ko, ‘Anong gagawin ko, Panginoon?’ Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Tumindig ka at pumunta ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gawin mo.’
11 Nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, hinawakan ang aking kamay ng mga kasamahan ko, at dinala ako sa Damasco.
12 “Isang Ananias, na lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, at may magandang patotoo tungkol sa kanya ang mga Judio na naninirahan doon,
13 ang lumapit sa akin, tumayo sa tabi ko at nagsabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, muli mong tanggapin ang iyong paningin!’ Nang oras ding iyon, bumalik ang aking paningin at nakita ko siya.
14 Pagkatapos ay sinabi niya, ‘Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita mo ang Matuwid, at marinig mo ang tinig mula sa kanyang bibig,
15 sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.
16 At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumindig ka at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kanyang pangalan.’
Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(A)
46 At dumating sila sa Jerico. Habang nililisan niya ang Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at ng napakaraming tao, isang pulubing bulag, si Bartimeo na anak ni Timeo, ay nakaupo sa tabi ng daan.
47 Nang marinig niya na iyon ay si Jesus na taga-Nazaret, nagsimula siyang magsisigaw at magsabi, “Jesus, Anak ni David, mahabag ka sa akin!”
48 At sinaway siya ng marami na siya'y tumahimik, ngunit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag ka sa akin!”
49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nila ang lalaking bulag na sinasabi sa kanya, “Matuwa ka. Tumayo ka; tinatawag ka niya.”
50 Pagkahagis sa kanyang balabal, nagmamadali siyang tumayo at lumapit kay Jesus.
51 Pagkatapos sinabi sa kanya ni Jesus, “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi ng lalaking bulag, “Rabboni,[a] ibig kong muling makakita.”
52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Agad na nagbalik ang kanyang paningin at siya'y sumunod sa kanya sa daan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001