Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 28

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David.

28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
    sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
    para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
    kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
    na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
    kung magsalita'y parang mga kaibigan,
    ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
    pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
    ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
    mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
    at hindi na muling pababangunin.

Si Yahweh ay dapat purihin!
    Dininig niya ang aking mga daing.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
    tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
    sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.

Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
    siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
    ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
    tulad ng pastol sa kanyang kawan.

Mga Awit 30

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.

30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
    mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
    at ako nama'y iyong pinagaling.
Hinango mo ako mula sa libingan,
    at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.

Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
    ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
    ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
    pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.

Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
    “Kailanma'y hindi ako matitinag.”
Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
    tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.

Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
    nagsumamo na ako ay tulungan:
“Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
    Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
    Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
    O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”

11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
    Pagluluksa ko ay iyong inalis,
    kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
    O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.

2 Cronica 24:17-22

17 Pagkamatay ni Joiada, ang mga pinuno ng Juda ay nagbigay-galang sa hari at sila na ang pinapakinggan ng hari. 18 At pinabayaan nila ang Templo ni Yahweh na Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa halip, sumamba sila sa mga Ashera at sa mga diyus-diyosan. Dahil dito, nagalit ang Diyos at pinarusahan ang mga taga-Juda at ang mga taga-Jerusalem. 19 Gayunma'y nagsugo si Yahweh ng mga propeta upang ang mga tao'y magbalik-loob sa kanya. Ngunit hindi sila nakinig sa mga ito. 20 Dahil(A) dito, lumukob ang Espiritu[a] ng Diyos kay Zacarias na anak ng paring si Joiada. Tumayo siya sa harap ng bayan. Sinabi niya, “Ito ang sinabi ng Diyos: ‘Bakit ninyo nilalabag ang mga utos ni Yahweh? Bakit ninyo ipinapahamak ang inyong mga sarili. Sapagkat itinakwil ninyo siya, itinakwil din niya kayo!’” 21 Ngunit nagsabwatan ang mga tao laban sa kanya. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias hanggang sa mamatay. Naganap ito sa bulwagan ng Templo ni Yahweh. 22 Kinalimutan ni Haring Joas ang kagandahang-loob sa kanya ni Joiada na ama ni Zacarias. Bago namatay si Zacarias, ganito ang kanyang sinabi, “Makita sana ni Yahweh ang ginagawa ninyong ito at parusahan niya kayo!”

Mga Gawa 6:1-7

Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod

Habang patuloy na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng reklamo laban sa mga Hebreo[a] ang mga Helenista[b]. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya,[c] mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.”

Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubos ang pananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay.

Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumami ang mga alagad sa Jerusalem. At maraming paring Judio ang naniwala sa Magandang Balita.

Mga Awit 118

Awit ng Pagtatagumpay

118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
Kung(B) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.

10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(C) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”

17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.

19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.

20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!

21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22 Ang(D) (E) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(F) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.

26 Pinagpala(G) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.

28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

Mga Gawa 7:59-8:8

59 At habang binabato nila si Esteban, nanalangin siya ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!”

At pagkasabi nito, siya'y namatay.

Inusig ni Saulo ang Iglesya

Sinang-ayunan ni Saulo ang pagpatay kay Esteban.

Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay nagkawatak-watak at napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang.

Samantala,(A) sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinasok niya ang mga bahay-bahay at kanyang kinaladkad at ibinilanggo ang mga sumasampalataya, maging lalaki o babae.

Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita

Ipinangaral ng mga mananampalatayang nagkawatak-watak sa iba't ibang lugar ang Salita saan man sila magpunta. Nagpunta si Felipe sa lungsod[a] ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. Nang marinig ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig silang mabuti sa kanyang sinasabi. Ang masasamang espiritu ay lumabas sa mga taong sinapian nila at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang pinagaling kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.