Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Patotoo ni Asaf. Isang Awit.
80 O(A) Pastol ng Israel, iyong pakinggan,
ikaw na pumapatnubay kay Jose na parang kawan;
ikaw na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin, ikaw ay magliwanag
2 sa harapan ng Efraim, ng Benjamin at ng Manases!
Pakilusin mo ang iyong kapangyarihan,
at pumarito ka upang kami'y iligtas.
3 Panunumbalikin mo kami, O Diyos;
paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
4 O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
hanggang kailan ka magagalit sa dalangin ng bayan mo?
5 Iyong pinakain sila ng tinapay ng mga luha,
at binigyan mo sila ng maiinom na mga luhang sagana.
6 Ginawa mo kaming kaalitan sa aming mga kalapit-bansa,
at ang mga kaaway namin ay nagtatawanang sama-sama.
7 Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas!
8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto;
iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito.
9 Inihanda mo ang lupa para doon,
ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.
14 Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo.
Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo;
pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15 ang punong itinanim ng kanang kamay mo,
at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
16 Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol;
sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol!
17 Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo,
sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo.
18 Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo;
bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo.
19 Panunumbalikin mo kami, O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Salmo ni Asaf.
77 Ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
at ako'y dadaing ng malakas;
ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
at papakinggan niya ako.
2 Hinahanap ko ang Panginoon sa araw ng aking kaguluhan;
sa gabi'y nakaunat ang aking kamay, at hindi nangangalay;
ang kaluluwa ko'y tumatangging mabigyang kaaliwan.
3 Naaalala ko ang Diyos, at ako'y nababalisa;
nang ako'y nagdaramdam, ang diwa ko'y nanlulupaypay. (Selah)
4 Pinigilan mong magsara ang talukap ng aking mga mata,
ako'y totoong naguguluhan at hindi ako makapagsalita.
5 Ginugunita ko ang mga unang araw,
ang mga taóng nagdaan.
6 Sa gabi'y nakikipag-usap ako sa aking puso;
ako'y magbubulay-bulay sa aking puso at ang aking diwa ay magsisiyasat.
7 “Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailanman?
At hindi na ba muling masisiyahan?
8 Ang kanya bang tapat na pag-ibig ay huminto na magpakailanman?
Ang kanya bang mga pangako sa lahat ng panahon ay nawakasan?
9 Nakalimot na ba ang Diyos na maging mapagbiyaya?
Sa kanya bang galit ay isinara niya ang kanyang awa? (Selah)
10 At aking sinabi, “Ipinaghihinagpis ko
na ang kanang kamay ng Kataas-taasan ay nagbago.”
11 Aking gugunitain ang mga gawa ng Panginoon;
oo, aking aalalahanin ang mga kahanga-hangang gawa mo noong unang panahon.
12 Ako'y magbubulay-bulay sa lahat mong mga gawa,
at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
13 Ang iyong daan, O Diyos, ay banal.
Sinong diyos ang dakila na gaya ng aming Diyos?
14 Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan,
na nagpahayag ng iyong kalakasan sa gitna ng mga bayan.
15 Tinubos mo ng iyong kamay ang iyong bayan,
ang mga anak ni Jacob at ni Jose. (Selah)
16 Nang makita ka ng tubig, O Diyos;
nang makita ka ng tubig, sila'y natakot:
oo, ang kalaliman ay nanginig.
17 Ang alapaap ay nagbuhos ng tubig;
nagpakulog ang himpapawid,
ang mga palaso mo ay humagibis sa bawat panig.
18 Ang tunog ng iyong kulog ay nasa ipu-ipo;
pinagliwanag ng mga kidlat ang daigdig;
ang lupa ay nanginig at nayanig.
19 Ang daan mo'y nasa dagat,
ang landas mo'y nasa malalaking tubig;
gayunman ang bakas mo'y hindi nakita.
20 Iyong pinatnubayan ang iyong bayan na parang kawan
sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,
kanilang dinungisan ang iyong templong banal;
ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.
2 Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila
bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.
3 Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila
sa palibot ng Jerusalem;
at walang sinumang sa kanila'y maglibing.
4 Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,
ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.
5 Hanggang kailan, O Panginoon? Magagalit ka ba habang panahon?
Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?
6 Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang
hindi kumikilala sa iyo,
at sa mga kaharian
na hindi tumatawag sa pangalan mo!
7 Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,
at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.
8 Huwag mong alalahanin laban sa amin
ang kasamaan ng aming mga ninuno,
mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,
sapagkat kami ay lubhang pinababa.
9 Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;
iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,
alang-alang sa iyong pangalan.
10 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ang kanilang Diyos?”
Nawa'y ang paghihiganti para sa dugong nabuhos ng iyong mga lingkod
ay malaman ng mga bansa sa harap ng aming mga mata.
11 Ang daing ng mga bilanggo'y dumating nawa sa iyong harapan,
ayon sa iyong dakilang kapangyarihan iligtas mo ang mga nakatakdang mamatay!
12 Ibalik mo ng pitong ulit sa sinapupunan ng aming mga kalapit-bansa
ang mga pagkutyang ikinutya nila sa iyo, O Panginoon.
13 Kung gayon kaming iyong bayan, ang mga tupa sa iyong pastulan,
ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman;
sa lahat ng salinlahi ang papuri sa iyo'y aming isasalaysay.
Isang Mabuting Lupain na Aangkinin
8 “Inyong maingat na gawin ang lahat ng utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito upang kayo'y mabuhay at dumami, at makapasok at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno.
2 At iyong alalahanin ang lahat ng paraan ng pagpatnubay sa iyo ng Panginoon mong Diyos nitong apatnapung taon sa ilang, upang kanyang pagpakumbabain ka, at subukin ka, upang malaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong tutuparin ang kanyang mga utos o hindi.
3 Ikaw(A) ay pinagpakumbaba niya nang ginutom ka niya, at pinakain ka niya ng manna, na hindi mo nakilala, ni hindi nakilala ng iyong mga ninuno, upang kanyang maipaunawa sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon.
4 Ang iyong suot ay hindi naluma, hindi namaga ang iyong paa sa loob ng apatnapung taon.
5 Alamin mo sa iyong puso na kung paanong dinidisiplina ng tao ang kanyang anak, ay dinidisiplina ka rin ng Panginoon mong Diyos.
6 Kaya't tutuparin mo ang mga utos ng Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan, at matakot ka sa kanya.
7 Sapagkat dinadala ka ng Panginoon mong Diyos sa isang mabuting lupain, ang lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok,
8 lupain ng trigo, sebada, puno ng ubas, mga puno ng igos, mga granada, mga puno ng olibo at ng pulot,
9 lupain kung saan ka kakain ng tinapay at di ka kukulangin, na doon ay hindi kukulangin ng anumang bagay; lupain na ang mga bato ay bakal, at makakahukay ka ng tanso mula sa mga burol nito.
10 Kakain ka, mabubusog, at iyong pupurihin ang Panginoon mong Diyos dahil sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa iyo.
Pagbati
1 Si(A) Santiago, na alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang lipi na nasa Pangangalat.
Pananampalataya at Karunungan
2 Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok,
3 yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.
4 At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan.
5 Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya.
6 Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin.
7 Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-akala na siya'y tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon.
8 Siya ay isang taong nagdadalawang isip, di-matatag sa lahat ng kanyang mga lakad.
Kahirapan at Kayamanan
9 Ngunit ang kapatid na hamak ay hayaang magmalaki sa kanyang pagkakataas,
10 at(B) ang mayaman sa kanyang pagkaaba, sapagkat siya'y lilipas na gaya ng bulaklak sa parang.
11 Sapagkat ang araw ay sumisikat na may nakakapasong init at tinutuyo ang damo at nilalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang kagandahan nito. Gayundin ang taong mayaman ay malalanta sa gitna ng kanyang abalang pamumuhay.
Tukso at Pagsubok
12 Mapalad ang taong nagtitiis ng pagsubok, sapagkat kapag siya ay subok na, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[a] sa mga nagmamahal sa kanya.
13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya'y tinutukso, “Ako'y tinutukso ng Diyos,” sapagkat ang Diyos ay hindi natutukso ng masasama, at hindi rin siya nanunukso sa sinuman.
14 Ngunit ang bawat tao ay natutukso ng sarili niyang pagnanasa, kapag siya ay nahila at naakit nito;
15 at kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan, at ang kasalanan kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
18 Minsan, nang si Jesus[a] ay nananalanging mag-isa, ang mga alagad ay kasama niya at tinanong niya sila, “Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?”
19 Sila'y(B) sumagot, “Si Juan na Tagapagbautismo; subalit sinasabi ng iba, si Elias; at ng iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.”
20 At(C) sinabi niya sa kanila, “Subalit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro, “Ang Cristo ng Diyos.”
Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Pagdurusa at Kamatayan(D)
21 Subalit kanyang ipinagbilin at ipinag-utos sa kanila na huwag itong sabihin kahit kanino,
22 na sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda at ng mga punong pari at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin.”
23 At(E) sinabi niya sa lahat, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin.
24 Sapagkat(F) ang sinumang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay maililigtas niya ito.
25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamit niya ang buong sanlibutan, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kanyang sarili?
26 Sapagkat ang sinumang ikahiya ako at ang aking mga salita ay ikahihiya siya ng Anak ng Tao, pagdating niya na nasa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.
27 Subalit tunay na sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001