Book of Common Prayer
Panalangin para sa Hari
72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
2 para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
3 Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
4 Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
at durugin ang mga umaapi sa kanila.
5 Manatili sana siya[a] magpakailanman,
habang may araw at buwan.
6 Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
7 Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
8 Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
9 Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
Amen! Amen!
20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.
73 Akoʼy nilikha at hinubog nʼyo;
kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.
74 Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita,
dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.
75 Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos.
At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.
76 Sanaʼy aliwin nʼyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako nʼyo sa akin na inyong lingkod.
77 Kahabagan nʼyo ako upang patuloy akong mabuhay,
dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.
78 Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa kanilang paninira sa akin.
Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
79 Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.
80 Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.
81 Napapagod na ako sa paghihintay ng inyong pagliligtas sa akin,
ngunit umaasa pa rin ako sa inyong mga salita.
82 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay ng pangako nʼyo sa akin.
Ang tanong koʼy, “Kailan nʼyo pa ako palalakasin at aaliwin?”
83 Kahit na ako ay para nang sisidlang-balat na nilalagyan ng inumin na parang hindi na mapakinabangan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang inyong mga tuntunin.
84 Hanggang kailan pa kaya ang aking paghihintay?
Kailan nʼyo parurusahan ang mga umuusig sa akin na inyong lingkod?
85 Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod sa inyong mga kautusan ay naghukay ng mga patibong upang akoʼy hulihin.
86-87 Kaya tulungan nʼyo ako dahil akoʼy kanilang inuusig nang walang dahilan,
hanggang sa akoʼy nabingit na sa kamatayan.
Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin dahil maaasahan ang inyong mga utos.
88 Ingatan nʼyo ang aking buhay ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin,
upang masunod ko ang mga turong ibinigay ninyo.
89 Panginoon, ang salita mo ay mananatili magpakailanman;
hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.
90 Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
Matibay nʼyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.
91 Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais.
Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.
92 Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati.
93 Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin,
dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy nʼyo akong binubuhay.
94 Akoʼy inyo, kaya iligtas nʼyo po ako!
Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
95 Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin,
ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.
96 Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan,
ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.
Ginaya ng Juda ang Israel
6 Noong panahon ng paghahari ni Josia, sinabi sa akin ng Panginoon, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Sumamba siya sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Para siyang babaeng nangangalunya. 7 Akala ko, pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ito, babalik na siya sa akin, pero hindi siya bumalik. At nakita ito ng taksil niyang kapatid na walang iba kundi ang Juda. 8 Hiniwalayan ko ang Israel at pinalayas dahil sa pangangalunya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. Pero sa kabila nito, nakita ko ang taksil niyang kapatid na Juda ay hindi man lang natakot. Nangalunya rin siya 9 sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosang bato at kahoy, kaya dinungisan niya ang lupain. Hindi siya nababahala sa pagsamba sa mga dios-diosan. 10 At ang pinakamasama pa, hindi taos-pusong bumalik sa akin ang taksil na Juda. Pakunwari lang siya na bumalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit hindi tapat sa akin ang Israel mas mabuti pa rin siya kaysa sa taksil na Juda. 12 Lumakad ka ngayon at sabihin mo ito sa Israel,[a] ‘Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Israel na taksil, manumbalik ka, dahil mahabagin ako. Hindi na ako magagalit sa iyo kailanman. 13 Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang Panginoon na iyong Dios, at sumunod ka sa ibang mga dios sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Aminin mo na hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
14 Sinabi pa ng Panginoon, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo.[b] Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Israel.[c] 15 Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa. 16 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi na pagdating ng araw na marami na kayo sa lupaing iyon, hindi na ninyo hahanap-hanapin ang Kahon ng Kasunduan, ni iisipin o aalalahanin ito. At hindi na rin ninyo kailangang gumawa pa ng panibago nito. 17 Sa panahong iyon, tatawagin nʼyo ang Jerusalem na ‘Trono ng Panginoon.’ At ang lahat ng bansa ay magtitipon sa Jerusalem para parangalan ang pangalan ng Panginoon. Hindi na nila susundin ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. 18 Sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel ay magkasamang babalik mula sa pagkabihag sa hilaga pauwi sa lupaing ibinigay ko sa mga magulang nila bilang mana.
28 At dahil sa ayaw talaga nilang kilalanin ang Dios, hinayaan niya sila sa kanilang kaisipang hindi makapili ng tama. Kaya ginagawa nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman at masasamang hangarin. Silaʼy mainggitin, mamamatay-tao, mapanggulo, mandaraya, at laging nag-iisip ng masama sa kanilang kapwa. Silaʼy mga tsismosoʼt tsismosa 30 at mapanirang-puri. Napopoot sila sa Dios, mga walang galang at mapagmataas. Naghahanap sila ng magagawang masama, at suwail sa mga magulang nila. 31 Silaʼy mga hangal, mga traydor, at walang awa. 32 Alam nila ang utos ng Dios na dapat parusahan ng kamatayan ang mga taong gumagawa ng mga kasalanang ito, pero patuloy pa rin silang gumagawa nito, at natutuwa pa sila na ginagawa rin ito ng iba.
Ang Hatol ng Dios
2 Ngayon, masasabi mong dapat lang hatulan ang mga taong ito dahil sa kanilang kasamaan. Pero maging ikaw na humahatol ay walang maidadahilan. Sapagkat sa iyong paghatol sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ginagawa mo rin ang mga bagay na iyon. 2 Alam nating makatarungan ang hatol ng Dios sa mga taong gumagawa ng kasamaan. 3-4 Pero sino ka para humatol sa iba kung ikaw mismo ay gumagawa rin ng mga iyon? Ang akala mo baʼy makakaligtas ka sa hatol ng Dios dahil alam mong siyaʼy mabuti, matiyaga at mapagtimpi? Dapat mong malaman na ang Dios ay mabuti sa iyo dahil binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan mo. 5 Pero dahil sa matigas ang ulo mo at ayaw mong magsisi, pinabibigat mo ang parusa ng Dios sa iyo sa araw na ihahayag niya ang kanyang poot at makatarungang paghatol. 6 Sapagkat ibibigay ng Dios sa bawat isa ang nararapat ayon sa kanyang mga gawa.[a] 7 Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, papuri mula sa Dios, at buhay na walang kamatayan. 8 Sa iba naman na walang iniisip kundi ang sarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan, ibubuhos sa kanila ng Dios ang kanyang matinding galit. 9 Lahat ng taong gumagawa ng masama ay parurusahan ng Dios, ang mga Judio muna bago ang mga hindi Judio. 10 Ngunit bibigyan ng Dios ng papuri, karangalan at kapayapaan ang lahat ng gumagawa ng kabutihan, una ang mga Judio bago ang mga hindi Judio. 11 Sapagkat pantay-pantay ang pagtingin ng Dios sa lahat ng tao.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaki sa Betesda
5 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Jerusalem upang dumalo sa isang pista ng mga Judio. 2 Sa isang pintuan ng lungsod ng Jerusalem, kung saan idinadaan ang mga tupa ay may paliguan na ang tawag sa wikang Hebreo ay Betesda.[a] Sa paligid nito ay may limang silungan, 3 kung saan nakahiga ang maraming may sakit – mga bulag, pilay at mga paralitiko. [4 Hinihintay nilang gumalaw ang tubig, dahil paminsan-minsan, may isang anghel ng Dios na bumababa at kinakalawkaw ang tubig. Ang unang makalusong sa tubig pagkatapos makalawkaw ng anghel ay gumagaling, kahit ano pa ang kanyang sakit.][b] 5 May isang lalaki roon na 38 taon nang may sakit. 6 Nakita ni Jesus ang lalaki na nakahiga roon at nalaman niyang matagal na itong may sakit. Kaya tinanong siya ni Jesus, “Gusto mo bang gumaling?” 7 Sumagot ang may sakit, “Gusto ko po sana, pero walang tumutulong sa aking lumusong sa tubig kapag kinakalawkaw na ito. Sa tuwing papunta pa lang ako, nauunahan na ako ng iba.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at lumakad!” 9 Agad na gumaling ang lalaki. Binuhat niya ang higaan niya at lumakad.
Nangyari ito sa Araw ng Pamamahinga. 10 Kaya sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa taong pinagaling, “Hindi baʼt Araw ng Pamamahinga ngayon? Labag sa Kautusan ang pagbubuhat mo ng higaan!” 11 Pero sumagot siya, “Ang taong nagpagaling sa akin ang nag-utos na buhatin ko ito at lumakad.” 12 Tinanong nila siya, “Sino ang nag-utos sa iyong buhatin ang higaan mo at lumakad?” 13 Pero hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, dahil nawala na si Jesus sa dami ng tao.
14 Hindi nagtagal, nakita ni Jesus sa templo ang taong pinagaling niya, at sinabihan, “O, magaling ka na ngayon. Huwag ka nang magkasala pa, at baka mas masama pa ang mangyari sa iyo.” 15 Umalis ang lalaki at pumunta sa mga pinuno ng mga Judio. Sinabi niya sa kanila na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Kaya mula noon, sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio si Jesus, dahil nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga.
17 Pero sinabihan sila ni Jesus, “Patuloy na gumagawa ang aking Ama, kaya patuloy din ako sa paggawa.” 18 Dahil sa sinabing ito ni Jesus, lalong sinikap ng mga pinuno ng mga Judio na patayin siya. Sapagkat hindi lang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, kundi tinawag pa niyang sariling Ama ang Dios, at sa gayoʼy ipinapantay ang sarili sa Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®