Book of Common Prayer
Maskil ni Asaf.
78 O bayan ko, sa aking turo ay makinig;
ikiling ninyo ang inyong mga tainga sa mga salita ng aking bibig.
2 Aking(A) bubuksan ang aking bibig sa isang talinghaga;
ako'y magsasalita ng malalabong pananalita mula pa noong una,
3 mga bagay na aming narinig at nalaman,
na sinabi sa amin ng aming mga magulang.
4 Ang mga iyon sa kanilang mga anak ay hindi namin ikukubli,
kundi sasabihin sa darating na salinlahi,
ang maluluwalhating gawa ng Panginoon, at ang kanyang kalakasan,
at ang kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa.
5 Sa Jacob siya'y nagtatag ng patotoo,
at sa Israel ay nagtalaga ng kautusan,
na kanyang iniutos sa aming mga magulang,
upang sa kanilang mga anak ay kanilang ituro naman;
6 upang malaman ang mga iyon ng susunod na salinlahi,
ng mga batang di pa ipinapanganak,
na magsisibangon at sasabihin ang mga iyon sa kanilang mga anak,
7 upang kanilang ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos,
at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos,
kundi ingatan ang kanyang mga utos;
8 upang huwag silang maging gaya ng kanilang mga ninuno,
isang matigas ang ulo at salinlahing mapanghimagsik,
isang salinlahing ang puso ay di ginawang matuwid,
at ang kanilang diwa ay di-tapat sa Diyos.
9 Ang mga anak ni Efraim ay mga mamamana, na may sandatang pana,
ay nagsitalikod sa araw ng pakikidigma.
10 Ang tipan ng Diyos ay hindi nila iningatan,
kundi tumangging lumakad ayon sa kanyang kautusan.
11 Kanilang nalimutan ang mga nagawa niya,
at ang mga himalang ipinakita niya sa kanila.
12 Sa(B) paningin ng kanilang mga magulang ay gumawa siya ng mga kababalaghan,
sa lupain ng Ehipto, sa kaparangan ng Zoan.
13 Hinawi(C) niya ang dagat at pinaraan niya sila roon,
at kanyang pinatayo ang tubig na parang isang bunton.
14 Sa(D) araw ay pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
at sa buong gabi ay sa pamamagitan ng apoy na nagliliyab.
15 Kanyang(E) biniyak ang mga bato sa ilang,
at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman.
16 Nagpabukal siya ng mga batis mula sa bato,
at nagpaagos ng tubig na parang mga ilog.
17 Gayunma'y lalo pa silang nagkasala laban sa kanya,
na naghihimagsik laban sa Kataas-taasan sa ilang.
18 At(F) kanilang sinubok ang Diyos sa puso nila,
sa paghingi ng pagkain na kanilang pinakananasa.
19 Sila'y nagsalita laban sa Diyos, na nagsasabi,
“Makakapaghanda ba ang Diyos ng hapag sa ilang?
20 Upang tubig ay dumaloy ang bato'y kanyang hinataw,
at ang mga bukal ay umapaw.
Makapagbibigay rin ba siya ng tinapay,
o makapagdudulot ng karne sa kanyang bayan?”
21 Kaya't nang marinig ng Panginoon, siya'y napuno ng poot,
isang apoy ang nag-alab laban sa Jacob,
ang kanyang galit naman ay lumaki laban sa Israel;
22 sapagkat sa Diyos sila'y hindi nanampalataya,
at sa kanyang kaligtasan sila'y hindi nagtiwala.
23 Gayunma'y ang langit sa itaas ay kanyang inutusan,
at ang mga pintuan ng langit ay kanyang binuksan;
24 at(G) kanyang pinaulanan sila ng manna na makakain,
at binigyan sila ng butil ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng mga anghel;
kanyang pinadalhan sila ng saganang pagkain.
26 Pinahihip niya ang hanging silangan sa kalangitan,
at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, pinarating niya ang hanging timugan.
27 Kanyang pinaulanan sila ng karne na parang alabok,
ng mga ibong may pakpak na parang buhangin sa mga dagat;
28 pinalagpak niya ang mga iyon sa gitna ng kanilang kampo,
sa palibot ng kanilang mga tinitirhan.
29 At sila'y kumain at nabusog na mainam,
sapagkat ibinigay niya sa kanila ang kanilang kinasasabikan.
30 Ngunit bago nabigyang kasiyahan ang kanilang pananabik,
samantalang ang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,
31 ang galit ng Diyos ay nag-alab laban sa kanila,
at pinatay niya ang pinakamalakas sa kanila,
at sinaktan ang mga piling lalaki ng Israel.
32 Sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin silang nagkasala;
sa kabila ng kanyang mga kababalaghan ay hindi sila sumampalataya.
33 Kaya't kanyang winakasan ang kanilang mga araw sa walang kabuluhan,
at ang kanilang mga taon sa biglang kakilabutan.
34 Nang kanyang pagpapatayin sila, siya'y kanilang hinanap;
sila'y nagsisi at hinanap ang Diyos nang masikap.
35 Kanilang naalala na ang kanilang malaking bato ay ang Diyos,
ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang manunubos.
36 Ngunit kanilang tinuya siya ng bibig nila,
nagsinungaling sila sa kanya sa pamamagitan ng kanilang mga dila.
37 Sapagkat(H) ang puso nila ay hindi tapat sa kanya,
ni naging tapat man sila sa tipan niya.
38 Gayunman siya, palibhasa'y mahabagin,
pinatawad niya ang kanilang kasamaan
at hindi sila nilipol;
madalas na pinipigil niya ang kanyang galit,
at hindi pinupukaw ang lahat niyang poot.
39 Kanyang naalala na sila'y laman lamang;
isang dumaraang hangin at hindi na muling babalik.
40 Kaydalas na naghimagsik sila laban sa kanya sa ilang,
at sa disyerto siya'y kanilang pinagdamdam.
41 Ang Diyos ay tinukso nilang paulit-ulit,
at ang Banal ng Israel ay kanilang ginalit.
42 Hindi nila inalaala ang kanyang kapangyarihan,
ni ang araw nang kanyang tubusin sila mula sa kalaban;
43 nang gawin niya sa Ehipto ang kanyang palatandaan,
at ang kanyang mga kababalaghan sa kaparangan ng Zoan.
44 Ginawa(I) niyang dugo ang mga ilog nila,
upang hindi sila makainom sa kanilang mga sapa.
45 Kanyang(J) pinadalhan sila ng mga pulutong ng mga bangaw, na lumamon sa kanila;
at ng mga palaka, na sa kanila'y pumuksa.
46 Ibinigay(K) niya sa higad ang kanilang mga halaman,
at ang bunga ng kanilang paggawa sa balang.
47 Sinira(L) niya ang kanilang ubasan ng ulang yelo,
at ng namuong hamog ang kanilang mga sikomoro.
48 Ibinigay niya sa yelong-ulan ang kanilang mga hayop,
at ang kanilang mga kawan sa mga kidlat at kulog.
49 Sa kanila'y pinakawalan niya ang bangis ng kanyang galit,
poot, bagsik, at ligalig,
isang pulutong ng mga pumupuksang anghel.
50 Para sa kanyang galit gumagawa siya ng daraanan;
ang kanilang kaluluwa ay hindi niya iniligtas sa kamatayan,
kundi ibinigay sa salot ang kanilang buhay.
51 Ang(M) lahat ng panganay sa Ehipto ay kanyang pinatay,
ang unang labas ng kanilang lakas sa mga tolda ni Ham.
52 Pagkatapos(N) ay inakay niya na parang mga tupa ang kanyang bayan,
at pinatnubayan sila sa ilang na parang kawan.
53 At(O) kanyang tiwasay na inakay sila, kaya't hindi sila nasindak;
ngunit ang kanilang mga kaaway ay tinabunan ng dagat.
54 At(P) kanyang dinala sila sa kanyang lupaing banal,
sa bundok na pinagtagumpayan ng kanyang kanang kamay.
55 Pinalayas(Q) niya ang mga bansa sa kanilang harapan,
at sa pamamagitan ng pising panulat pinagbaha-bahagi niya ang mga ito bilang pamana,
at ang mga lipi ng Israel sa kanilang mga tolda'y pinatahanan.
56 Gayunma'y(R) kanilang sinubukan at naghimagsik sila sa Diyos na Kataas-taasan,
at ang kanyang mga patotoo ay hindi iningatan;
57 kundi tumalikod at gumawang may kataksilan na gaya ng kanilang mga magulang;
sila'y bumaluktot na gaya ng mandarayang pana.
58 Sapagkat kanilang ginalit siya sa pamamagitan ng kanilang matataas na dako,
kanilang pinapanibugho siya sa pamamagitan ng kanilang mga larawang nililok.
59 Nang marinig ito ng Diyos, sa poot siya ay napuspos,
at ang Israel ay kinayamutang lubos.
60 Kanyang(S) pinabayaan ang kanyang tahanan sa Shilo,
ang tolda na kanyang inilagay sa gitna ng mga tao;
61 at(T) ibinigay sa pagkabihag ang kanyang kalakasan,
ang kanyang kaluwalhatian sa kamay ng kaaway.
62 Ibinigay niya ang kanyang bayan sa espada,
at ibinulalas ang kanyang poot sa kanyang mana.
63 Nilamon ng apoy ang kanilang kabinataan,
at ang mga dalaga nila'y walang awit ng kasalan.
64 Ang kanilang mga pari ay ibinuwal ng tabak;
at ang mga balo nila'y hindi makaiyak.
65 Nang magkagayon ang Panginoon sa pagtulog ay gumising,
gaya ng malakas na tao na sumisigaw dahil sa pagkalasing.
66 At sinaktan niya sa likod ang kanyang mga kaaway;
sa walang hanggang kahihiyan, kanya silang inilagay.
67 Ang tolda ni Jose ay kanyang itinakuwil,
hindi niya pinili ang lipi ni Efraim;
68 kundi ang lipi ni Juda ang kanyang pinili,
ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Itinayo niya ang kanyang santuwaryo na gaya ng mga kataasan,
gaya ng lupa na kanyang itinatag magpakailanman.
70 Pinili(U) niya si David na lingkod niya,
at kanyang kinuha siya mula sa kulungan ng mga tupa.
71 Mula sa pag-aalaga ng mga pasusuhing tupa siya ay kanyang dinala,
upang maging pastol ng Jacob na bayan niya,
ng Israel na kanyang pamana.
72 Kaya't siya'y nagpastol sa kanila ayon sa katapatan ng kanyang puso,
at kanyang pinatnubayan sila ng sanay na mga kamay.
Babala Laban sa Paglimot sa Panginoon
11 “Mag-ingat(A) ka sa iyong sarili na baka malimutan mo ang Panginoon mong Diyos, sa hindi mo pagtupad ng kanyang mga utos, mga batas, at mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
12 Baka kapag ikaw ay nakakain at nabusog at nakapagtayo ng magagandang bahay, at nakatira sa mga iyon;
13 at kapag ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami na at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami at ang lahat ng nasa iyo ay dumami;
14 ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin;
15 na siyang pumatnubay sa iyo sa malaki at kakilakilabot na ilang na mayroong mga makamandag na ahas at mga alakdan, at tigang na lupa na walang tubig; na siyang nagbigay sa iyo ng tubig mula sa batong kiskisan;
16 na siyang nagpakain sa iyo ng manna sa ilang, na hindi nakilala ng iyong mga ninuno; upang kanyang papagkumbabain at subukin ka, at gawan ka ng mabuti sa bandang huli.
17 Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito.’
18 Kundi aalalahanin mo ang Panginoon mong Diyos, sapagkat siya ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan upang magkaroon ka ng kayamanan; upang kanyang papagtibayin ang kanyang tipan na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, gaya nga sa araw na ito.
19 At kapag kinalimutan mo ang Panginoon mong Diyos, at ikaw ay sumunod sa ibang mga diyos, at paglingkuran mo sila at sinamba mo sila, ay aking tapat na binabalaan kayo sa araw na ito, na kayo'y tiyak na malilipol.
20 Tulad ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harapan ninyo ay gayon kayo lilipulin; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos.
16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.
17 Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago.
18 Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.
Pakikinig at Pagtupad
19 Unawain ninyo ito, minamahal kong mga kapatid: ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, marahan sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit;
20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos.
21 Kaya't alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang nalalabing kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na may kapangyarihang magligtas ng inyong mga kaluluwa.
22 Ngunit maging tagatupad kayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili.
23 Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, siya ay katulad ng isang tao na tinitingnan ang kanyang likas na mukha sa salamin;
24 sapagkat minamasdan niya ang kanyang sarili at umaalis, at agad niyang nalilimutan kung ano ang kanyang katulad.
25 Ngunit ang tumitingin sa sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatili na hindi tagapakinig na malilimutin, kundi tagatupad na gumagawa, siya ay pagpapalain sa kanyang gawain.
26 Kung inaakala ng sinuman na siya'y relihiyoso, subalit hindi pinipigil ang kanyang dila, kundi dinadaya ang kanyang puso, ang relihiyon ng taong iyon ay walang kabuluhan.
27 Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihin ang sarili na hindi nadungisan ng sanlibutan.
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Panalangin(A)
11 Siya'y nanalangin sa isang lugar at nang siya'y makatapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin, gaya ni Juan na nagturo sa kanyang mga alagad.”
2 Sinabi niya sa kanila, “Kapag kayo'y nananalangin, inyong sabihin,
‘Ama,[a] sambahin nawa ang pangalan mo.
Dumating nawa ang kaharian mo.
3 Ibigay mo sa amin sa bawat araw ang aming pang-araw-araw na pagkain.
4 At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan,
sapagkat pinatatawad naman namin ang bawat nagkakautang sa amin,
at huwag mo kaming dalhin sa tukso.’”
5 Sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo ang mayroong kaibigan at kayo ay pumunta sa kanya nang hatinggabi at magsabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay;
6 sapagkat dumating ang isa kong kaibigan mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’
7 At siyang nasa loob ay sasagot, ‘Huwag mo akong abalahin. Nakasara na ang pinto, nasa higaan na kami ng aking mga anak. Hindi ako makakabangon upang mabigyan ka ng anuman!’
8 Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan, ngunit dahil sa kanyang pamimilit siya'y babangon at ibibigay ang anumang kailanganin niya.
9 At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makakakita; tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan.
10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang humahanap ay nakakatagpo, at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.
11 Mayroon ba sa inyong isang ama, na kung humingi ang kanyang anak ng[b] isda ay ahas ang ibibigay sa halip na isda?
12 O kung siya'y humingi ng itlog, bibigyan kaya niya ng alakdan?
13 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya?”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001