Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 107:33-108:13

33 Kaniyang (A)pinapagiging ilang ang mga ilog,
At uhaw na lupa ang mga bukal:
34 Na maalat na ilang (B)ang mainam na lupain,
Dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon.
35 Kaniyang pinapagiging lawa ng mga tubig ang ilang,
At mga bukal ang tuyong lupain.
36 At kaniyang pinatatahan doon ang gutom,
Upang makapaghanda sila ng bayang tahanan;
37 At maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan,
At magtamo ng mga bunga na pakinabang.
38 (C)Kaniya namang pinagpapala sila, na anopa't sila'y lubhang nagsisidami;
At hindi tinitiis na ang kanilang kawan ay magkulang.
39 Muli, sila'y nakulangan at nahapay
Sa kapighatian, kabagabagan, at kahirapan.
40 Kaniyang (D)ibinubugso ang kadustaan sa mga pangulo,
At kaniyang pinagagala sila sa ilang na walang lansangan.
41 (E)Gayon ma'y iniuupo niya sa mataas ang mapagkailangan mula sa kadalamhatian,
At ginagawan siya ng mga angkan na parang kawan.
42 Makikita ng matuwid, at matutuwa;
(F)At titikumin ng lahat ng kasamaan ang kaniyang bibig.
43 (G)Kung sino ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito,
At kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon.

Awit, Salmo ni David.

108 Ang aking (H)puso'y matatag, Oh Dios;
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri, ng aking kaluwalhatian.
Kayo'y gumising, salterio at alpa:
Ako ma'y gigising na maaga.
Ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bayan:
At ako'y aawit ng mga pagpuri sa iyo sa gitna ng mga bansa.
(I)Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay dakila sa itaas sa mga langit,
At ang iyong katotohanan ay umaabot sa mga (J)alapaap.
Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas sa mga langit:
At ang iyong kaluwalhatian sa ibabaw ng buong lupa.
(K)Upang ang iyong minamahal ay maligtas,
Magligtas ka ng iyong kanan, at sagutin mo kami.
Nagsalita ang Dios sa kaniyang kabanalan; ako'y magsasaya:
Aking hahatiin ang Sichem, at susukatin ko ang libis ng Sucoth.
Galaad ay akin; Manases ay akin;
Ang Ephraim naman ay sanggalang ng aking ulo:
Juda'y aking cetro.
Moab ay aking hugasan;
Sa Edom ay ihahagis ko ang aking panyapak:
(L)Sa Filistia ay hihiyaw ako.
10 Sinong magpapasok sa akin sa (M)bayang nakukutaan?
Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
11 Hindi ba ikaw Oh Dios na nagtakuwil sa amin,
(N)At hindi lumalabas, Oh Dios, na kasama ng aming mga hukbo?
12 Gawaran mo kami ng tulong laban sa kaaway;
Sapagka't walang kabuluhan ang tulong ng tao.
13 (O)Sa tulong ng Dios ay gagawa kaming may katapangan:
Sapagka't siya ang yayapak sa aming mga kaaway.

Mga Awit 33

Papuri sa Lumalang at sa tagaingat.

33 Mangagalak kayo sa Panginoon, (A)Oh kayong mga matuwid:
Pagpuri ay maganda (B)sa ganang matuwid.
Kayo'y mangagpasamalat sa Panginoon na may alpa:
Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniya na may salterio na sangpung kuerdas.
(C)Magsiawit kayo sa kaniya ng bagong awit;
Magsitugtog kayong matalino na may malaking ingay.
Sapagka't ang salita ng Panginoon ay matuwid;
At lahat niyang gawa ay ginawa sa pagtatapat.
(D)Iniibig niya ang katuwiran at kahatulan:
Ang lupa ay puno (E)ng kagandahang-loob ng Panginoon.
(F)Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay nayari ang mga langit;
At lahat ng natatanaw roon ay sa pamamagitan ng hinga ng kaniyang bibig.
(G)Kaniyang pinipisan ang tubig ng dagat na parang isang bunton:
Inilalagay niya ang mga kalaliman sa mga kalawakan.
Matakot nawa ang buong lupa sa Panginoon:
Magsitayo nawang may takot ang lahat ng taga sanglibutan sa kaniya.
Sapagka't (H)siya'y nagsalita, at nangyari;
Siya'y nagutos, at tumayong matatag.
10 (I)Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa:
Kaniyang niwawalang halaga ang mga pagiisip ng mga bayan.
11 Ang payo ng Panginoon ay nanganayong matibay magpakailan man,
Ang mga pagiisip ng kaniyang puso sa lahat ng sali't saling lahi.
12 (J)Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon;
Ang bayan na kaniyang pinili sa ganang kaniyang sariling mana.
13 Ang Panginoon ay tumitingin mula sa langit;
Kaniyang minamasdan ang lahat na anak ng mga tao;
14 Mula sa dakong kaniyang tahanan ay tumitingin siya
Sa lahat na nangananahan sa lupa;
15 Siyang naghuhugis ng mga puso nilang lahat,
Na nagmamasid sa lahat nilang mga gawa.
16 (K)Walang hari na nakaliligtas sa pamamagitan ng karamihan ng hukbo:
Ang makapangyarihang tao ay hindi naliligtas sa pamamagitan ng malaking kalakasan.
17 Ang kabayo ay (L)walang kabuluhang bagay sa pagliligtas:
Ni hindi niya iniligtas ang sinoman sa pamamagitan ng kaniyang malaking kalakasan;
18 (M)Narito, ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na nangatatakot sa kaniya,
Sa kanila na nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob;
19 Upang iligtas ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan,
At (N)upang ingatan silang buháy sa kagutom.
20 Hinintay ng aming kaluluwa ang Panginoon:
(O)Siya'y aming saklolo at aming kalasag.
21 Sapagka't ang aming puso ay magagalak (P)sa kaniya,
Sapagka't kami ay nagsitiwala sa kaniyang banal na pangalan.
22 Sumaamin nawa ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon,
Ayon sa aming pagasa sa iyo.

Genesis 35:1-20

Iniwan ni Jacob ang idolo at pumunta sa Bethel.

35 At sinabi ng Dios kay Jacob, Tumindig ka, umahon ka sa (A)Bethel, at tumahan ka roon; at gumawa ka roon ng isang dambana sa Dios na napakita sa iyo (B)nang ikaw ay tumatakas mula sa harap ng iyong kapatid na si Esau.

Nang magkagayo'y sinabi ni Jacob sa kaniyang sangbahayan, at sa (C)lahat niyang kasama. Ihiwalay ninyo ang mga dios ng iba na nangasa inyo, (D)at magpakalinis kayo, at magbago kayo ng inyong mga suot:

At tayo'y magsitindig at magsisampa tayo sa (E)Bethel; at gagawa ako roon ng dambana sa Dios na sumagot sa akin sa araw ng aking kahapisan, (F)at sumaakin sa daan na aking nilakaran.

At kanilang ibinigay kay Jacob ang lahat ng ibang pinaka dios na nasa kamay nila, at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; (G)at itinago ni Jacob sa ilalim ng punong encina na malapit sa Sichem.

At sila'y naglakbay; (H)at ang isang malaking sindak mula sa Dios ay sumabayan na nasa mga palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob.

Sa gayo'y naparoon si Jacob sa (I)Luz, na nasa lupain ng Canaan (na siyang Bethel), siya at ang buong bayang kasama niya.

At siya'y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya ang dakong yaon na El-beth-el; sapagka't ang Dios ay napakita sa kaniya roon, nang siya'y tumatakas sa harap ng kaniyang kapatid.

At namatay si Debora na (J)yaya ni Rebeca, at nalibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng encina, na ang pangalan ay tinawag na Allon-bacuth.

At ang Dios ay napakita uli kay Jacob, nang siya'y manggaling sa Padan-aram, at siya'y pinagpala.

10 At sinabi sa kaniya ng Dios, Ang pangalan mo'y Jacob; ang pangalan mo'y (K)hindi na tatawagin pang Jacob (L)kundi Israel ang itatawag sa iyo: at tinawag ang kaniyang pangalan na Israel.

11 At sinabi sa kaniya ng (M)Dios, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat; ikaw ay lumago at dumami ka; (N)isang bansa at isang kapisanan ng mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay lalabas sa iyong balakang;

12 (O)At ang lupaing ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac, ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong lahi pagkamatay mo ay ibibigay ko ang lupain.

13 At ang Dios ay napailanglang mula sa tabi niya sa dakong pinakipagusapan sa kaniya.

14 (P)At si Jacob ay nagtayo ng isang batong pinakaalaala sa dakong pinakipagusapan sa kaniya ng Dios, haliging bato: at binuhusan niya ng isang inuming handog at binuhusan niya ng langis.

15 At tinawag ni Jacob na (Q)Bethel ang dakong pinakipagusapan sa kaniya ng Dios.

16 At sila'y naglakbay mula sa Bethel; at may kalayuan pa upang dumating sa Ephrata: at nagdamdam si Raquel, at siya'y naghihirap sa panganganak.

17 At nangyari, nang siya'y naghihirap sa panganganak, na sinabi sa kaniya ng hilot, Huwag kang matakot, (R)sapagka't magkakaroon ka ng isa pang anak na lalake.

18 At nangyari, nang nalalagot ang kaniyang hininga (sapagka't namatay siya), ay kaniyang pinanganlang Benoni:[a] datapuwa't pinanganlan ng kaniyang ama na Benjamin.[b]

19 (S)At namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa (T)Ephrata (na siyang Beth-lehem).

20 At nagtayo si Jacob ng isang batong pinakaalaala sa ibabaw ng kaniyang libingan: na siyang batong pinakaalaala ng libingan ni Raquel (U)hanggang ngayon.

1 Juan 3:11-18

11 Sapagka't (A)ito ang pasabing inyong narinig buhat ng pasimula, (B)na mangagibigan tayo sa isa't isa:

12 Hindi (C)gaya ni Cain na siya'y sa masama, at pinatay ang kaniyang kapatid. At bakit niya pinatay? Sapagka't ang kaniyang mga gawa ay masasama, at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid.

13 Huwag kayong mangagtaka, mga kapatid, kung kayo'y kinapopootan (D)ng sanglibutan.

14 Nalalaman nating (E)tayo'y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka't tayo'y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan.

15 Ang sinomang (F)napopoot sa kaniyang kapatid ay (G)mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan.

16 (H)Dito'y nakikilala natin ang pagibig, (I)sapagka't kaniyang ibinigay ang kaniyang buhay dahil sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay dahil sa mga kapatid.

17 Datapuwa't ang (J)sinomang mayroong mga pagaari sa sanglibutang ito, at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan, at doo'y ipagkait (K)ang kaniyang awa, (L)paanong mananahan ang pagibig ng Dios sa kaniya?

18 Mumunti kong mga anak, (M)huwag tayong magsiibig ng salita, ni ng dila man; kundi ng gawa at katotohanan.

Juan 11:1-16

11 Isang tao nga na may-sakit, si Lazaro na taga (A)Betania, na nayon ni (B)Maria at ni Marta na kaniyang kapatid.

At ito'y yaong (C)si Maria na nagpahid sa Panginoon ng unguento, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok, na ang kaniyang kapatid na si Lazaro ay may-sakit.

Nagpasugo nga sa kaniya ang mga kapatid na babae, na nagsasabi, Panginoon, narito, siya na iyong iniibig ay may-sakit.

Nguni't pagkarinig ni Jesus nito, ay sinabi niya, Ang sakit na ito'y hindi sa ikamamatay, (D)kundi sa ikaluluwalhati ng Dios, upang ang Anak ng Dios ay luwalhatiin sa pamamagitan niyaon.

Iniibig nga ni Jesus si Marta, at ang kaniyang kapatid na babae, at si Lazaro.

Nang mabalitaan nga niya na siya'y may-sakit, (E)siya'y tumahang dalawang araw nang panahong yaon sa dating kinaroroonan niya.

Saka pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, Tayo nang muli sa Judea.

Sinabi sa kaniya ng mga alagad, Rabi, ngayo'y pinagsisikapang (F)batuhin ka ng mga Judio; at muli kang paroroon doon?

Sumagot si Jesus, Hindi baga ang araw ay may labingdalawang oras? (G)Kung ang isang tao'y lumalakad samantalang araw, ay hindi siya natitisod, sapagka't nakikita niya ang ilaw ng sanglibutang ito.

10 Nguni't (H)ang isang taong lumalakad samantalang gabi, ay natitisod siya, sapagka't walang ilaw sa kaniya.

11 Ang mga bagay na ito'y sinalita niya: at pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay (I)natutulog; nguni't ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog.

12 Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling.

13 Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog.

14 Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, Si Lazaro ay patay.

15 At ikinagagalak ko dahil sa inyo rin na ako'y wala roon, upang kayo'y magsipaniwala; gayon ma'y tayo na sa kaniya.

16 Si (J)Tomas nga, na tinatawag na Didimo, ay nagsabi sa mga kapuwa niya alagad, Tayo'y magsiparoon din naman, upang tayo'y mangamatay na kasama niya.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978