Book of Common Prayer
Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios
16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
dahil sa inyo ako nanganganlong.
2 Kayo ang aking Panginoon.
Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
3 Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
lubos ko silang kinalulugdan.
4 Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.
5 Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
6 Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
7 Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
8 Panginoon palagi ko kayong iniisip,
at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
9 Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.
Ang Dalangin ng Taong Matuwid
17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
2 Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
3 Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
4 gaya ng ginagawa ng iba.
Dahil sa inyong mga salita,
iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
5 Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.
6 O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
7 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
8 Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
9 Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
10 Silaʼy mayayabang sa kanilang pagsasalita at mga walang awa.
11 Akoʼy hinanap nila at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12 Para silang mga leon na kumukubli at nag-aabang,
at nakahandang sumakmal ng mga biktima.
13 Sige na po Panginoon, labanan nʼyo na at talunin sila.
At iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
14 Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.
Kaming mga minamahal nʼyo ay biyayaan nʼyo ng kasaganaan,
pati ang aming mga anak, hanggang sa aming kaapu-apuhan.
15 Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.
Panawagan sa Dios para Tulungan
22 Dios ko! Dios ko! Bakit nʼyo ako pinabayaan?
Bakit kay layo nʼyo sa akin?
Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan.
2 Dios ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo,
ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
kaya wala akong kapahingahan.
3 Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono,
at pinupuri ng mga Israelita.
4 Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala,
at silaʼy inyong iniligtas.
5 Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo.
Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.
6 Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao.
7 Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar,
at iiling-iling na nagsasabi,
8 “Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
bakit hindi ka niya iniligtas?
Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?”
9 Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina,
at mula noong dumedede pa ako, iningatan nʼyo na ako.
10 Mula kapanganakan ko, nakadepende na ako sa inyo,
at mula noon, kayo lang ang aking Dios.
11 Kaya huwag nʼyo akong pababayaan,
dahil malapit nang dumating ang kaguluhan,
at wala na akong ibang maaasahan.
12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
na para bang mababangis na mga toro mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
at nakanganga na handa akong lapain.
14 Nawalan ako ng lakas na parang tubig na ibinubuhos,
at ang aking mga buto ay parang nalinsad[a] lahat.
At nawalan ako ng lakas ng loob, para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang tigang na lupa,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala.
O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa na parang isang patay.
16 Pinaligiran ako ng mga taong masama na parang mga aso.
At binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat ng aking mga buto,
ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.
19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
Kayo ang aking kalakasan;
magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.
23 Kayong may takot sa Panginoon,
purihin ninyo siya!
Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
parangalan ninyo siya
at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
Hindi niya sila tinatalikuran,
sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.
25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.
Nagpakasal si Boaz kay Ruth
4 Pumunta si Boaz sa pintuang bayan[a] at naupo roon. Nang dumaan ang sinasabi niyang mas malapit na kamag-anak ni Elimelec, sinabi ni Boaz sa kanya, “Kaibigan, halikaʼt maupo ka.” Lumapit naman ang lalaki at naupo. 2 At tinipon ni Boaz ang sampung mga tagapamahala ng bayan at pinaupo rin doon. At nang nakaupo na sila, 3 sinabi ni Boaz sa kamag-anak niya, “Bumalik na si Naomi mula sa Moab, at gusto niyang ipagbili ang lupa ng kamag-anak nating si Elimelec. 4 Naisip kong ipaalam ito sa iyo. Kaya kung gusto mo, bilhin mo ito sa harapan ng mga tagapamahala ng mga kababayan ko at ng iba pang mga nakaupo rito. Pero kung ayaw mo, sabihin mo at nang malaman ko. Kung tutuusin, ikaw ang may tungkuling tumubos nito, at pangalawa lang ako.” Sumagot ang lalaki, “Sige, tutubusin ko.” 5 Pero sinabi ni Boaz, “Sa araw na tubusin mo ang lupa kay Naomi, kailangang pakasalan mo si Ruth, ang Moabitang biyuda,[b] para kapag nagkaanak kayo, mananatili ang lupa sa pamilya ng kamag-anak nating namatay.”[c]
6 Nang marinig ito ng lalaki, sinabi niya, “Kung ganoon, hindi ko na tutubusin ang lupa dahil baka magkaproblema pa ako sa sarili kong lupa dahil pati ang magiging anak namin ni Ruth ay may bahagi na sa lupa ko. Ikaw na lang ang tumubos, hindi ko kasi magagawa iyan.”
7 Nang panahong iyon sa Israel, para matiyak ang pagtubos ng lupa o ang paglilipat ng karapatan sa pagtubos ng lupa, hinuhubad ng isa ang sandalyas niya at ibinibigay sa isa. Ganito ang ginagawa noon sa Israel bilang katibayan ng kanilang transaksyon.
8 Kaya nang sabihin ng lalaki kay Boaz, “Ikaw na lang ang tumubos ng lupa,” hinubad agad niya ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[d] 9 Sinabi ni Boaz sa mga tagapamahala ng bayan at sa lahat ng tao roon, “Mga saksi kayo ngayong araw na bibilhin ko na kay Naomi ang lahat ng lupain ni Elimelec, na minana nina Kilion at Mahlon. 10 At bukod pa rito, pakakasalan ko si Ruth na Moabita, na biyuda ni Mahlon, para kapag nagkaanak kami, mananatili ang lupain ni Mahlon sa kanyang pamilya,[e] at hindi mawawala ang lahi niya sa kanyang mga kababayan. Saksi nga kayo sa araw na ito!”
11 Sumagot ang mga tagapamahala ng bayan at ang lahat ng tao roon sa pintuan, “Oo, mga saksi nga kami. Nawaʼy ang magiging asawa mo ay gawin ng Panginoon na katulad nina Raquel at Lea na nagkaanak ng mga naging mamamayan ng Israel. Nawaʼy maging mayaman ka sa Efrata at maging tanyag sa Betlehem. 12 Nawaʼy magpatanyag sa pamilya mo ang mga anak na ibibigay sa iyo ng Panginoon sa iyo sa pamamagitan ng babaeng iyon ay magpatanyag sa pamilya mo katulad ng pamilya ni Perez, ang anak ni Juda kay Tamar.”
Ang mga Ninuno ni David
13 Kaya nagpakasal si Boaz kay Ruth, at niloob ng Panginoon na magdalantao si Ruth at manganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng mga kababaihan kay Naomi, “Purihin ang Panginoon! Binigyan ka niya ngayon ng apo na mag-aaruga sa iyo. Nawaʼy maging tanyag siya sa Israel! 15 Palalakasin at aalagaan ka niya kapag matanda ka na, dahil anak siya ng manugang mo na nagmamahal sa iyo ng higit pa sa pagmamahal ng pitong anak na lalaki.”
16 Palaging kinukuha ni Naomi ang bata at kinakalong. At siya ang nagbabantay nito. 17 Sinabi ng mga babaeng kapitbahay ni Naomi, “May apong lalaki na si Naomi!” Pinangalanan nila ang bata na Obed. At nang malaki na si Obed, nagkaanak siya na Jesse ang pangalan. At si Jesse ang naging ama ni David.
17 Ang mga namumuno sa iglesya na naglilingkod nang mabuti ay dapat bigyan ng nararapat na sahod, lalo na ang mga naglilingkod sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Dios. 18 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik”[a] at sinasabi pa, “Nararapat bigyan ng sahod ang manggagawa.”[b] 19 Huwag mong papansinin ang paratang sa isang namumuno sa iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. 20 At tungkol naman sa mga nagpapatuloy sa mga kasalanan nila, pagsabihan mo sila sa harap ng lahat ng mananampalataya para maging babala sa iba.
21 Sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus at ng kanyang mga anghel, iniuutos ko sa iyo na sundin mo ang mga utos na ito nang walang kinikilingan o kinakampihan. 22 Huwag kang padalos-dalos sa pagpapatong ng kamay mo sa kahit sino para bigyan ng kapangyarihang mamuno sa iglesya. Ingatan mong huwag masangkot sa kasalanan ng iba. Manatili kang walang bahid ng kasalanan.
23 Dahil sa madalas na pananakit ng sikmura mo, uminom ka ng kaunting alak.[c]
24 May mga taong lantad na lantad ang mga kasalanan nila bago pa man sila hatulan. Pero ang iba namaʼy sa bandang huli na lang nalalantad ang kasalanan. 25 Ganoon din naman, may mabubuting gawa na lantad na ngayon pa lang, habang ang iba naman ay malalantad din balang araw.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Minamanas
14 Isang Araw ng Pamamahinga, inanyayahan si Jesus na kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo. Minamanmanan siyang mabuti ng mga taong kumokontra sa kanya. 2 Doon ay may isang lalaking minamanas. 3 Tinanong ni Jesus ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling ng may sakit sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” 4 Pero hindi sila sumagot. Kaya hinawakan ni Jesus ang may sakit, pinagaling at saka pinauwi. 5 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Kung mahulog ang anak o baka ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan nʼyo na lang ba ito? Siyempre, iaahon nʼyo agad, hindi ba?” 6 Hindi sila nakasagot sa tanong niya.
Matutong Magpakababa
7 Napansin ni Jesus na ang mga bisita sa handaan ay nag-uunahan sa mga upuang pandangal, kaya pinangaralan niya ang mga ito, 8 “Kapag inimbita ka sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang upuang pandangal, dahil baka may inimbitang mas marangal pa kaysa sa iyo. 9 At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ Kaya mapapahiya ka at uupo na lang sa upuan ng mga karaniwang tao. 10 Ang dapat mong gawin kapag naimbitahan ka ay piliin ang upuan para sa mga karaniwang tao, para pagdating ng nag-imbita sa iyo, sasabihin niya, ‘Kaibigan, doon ka maupo sa upuang pandangal.’ Sa ganoon ay mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng panauhin. 11 Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®