Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Pahayag 3:1-6

Ang Sulat Para sa Iglesiya sa Sardis

Sumulat ka sa anghel ng iglesiya sa Sardis:

Ako na may taglay ng pitong Espiritu ng Diyos at ng pitong bituin ang nagsasabi ng mga bagay na ito: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, mayroon kang pangalan na ikaw ay nabubuhay, ngunit ikaw ay patay.

Magbantay ka. Palakasin mo ang mga bagay na natitira na malapit nang mamatay sapagkat nasumpungan ko na ang inyong mga gawa ay hindi ganap sa paningin ng Diyos. Kaya nga, alalahanin mo kung papaano ka tumanggap at nakinig. Tuparin mo ito at magsisi ka. Kaya nga, kung hindi ka magbantay, ako ay paririyan sa iyo katulad ng isang magnanakaw. Kailanman ay hindi mo malalaman kung anong oras ako paririyan sa iyo.

Mayroon kang ilang tao sa Sardis na hindi narumihan ang kanilang mga kasuotan. Sila ay kasama kong lalakad na nararamtan ng maputing damit dahil sila ay karapat-dapat. Ang magtatagumpay ay daramtan ko ng maputing damit. Hindi ko buburahin kailanman ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay. Kikilalanin ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng aking Ama at sa harapan ng kaniyang mga anghel. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya.

Juan 6:1-14

Ang Pagpapakain ni Jesus sa Limang Libong Lalaki

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumawid si Jesus sa lawa ng Galilea. Ito ay ang lawa ng Tiberias.

Maraming mga tao ang sumunod sa kaniya dahil nakita nila ang mga tanda na kaniyang ginawa sa mga maysakit. Si Jesus ay umakyat sa bundok at umupo roon na kasama ng kaniyang mga alagad. Malapit na ang araw ng Paglagpas, ang kapistahan ng mga Judio.

Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kaniya. Sinabi niya kay Felipe: Saan tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga ito? Sinabi niya ito upang subukin si Felipe sapagkat alam na niya kung ano ang kaniyang gagawin.

Sumagot si Felipe sa kaniya: Ang dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng kaunti ang bawat isa sa kanila.

Isa sa kaniyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro ay nagsabi sa kaniya: Mayroong isang batang lalaki rito na may limang tinapay na sebada at dalawang maliit na isda. Gasino na ito sa ganitong karaming tao?

10 Sinabi ni Jesus: Paupuin ninyo ang mga tao. Madamo sa dakong iyon kaya umupo ang mga lalaki na ang dami ay humigit-kumulang sa limang libo. 11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay. Nang makapagpasalamat siya, ipinamahagi niya ito sa mga alagad at ipinamahagi naman ng mga nila sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa sa mga isda, ito ay ipinamahagi gaano man ang kanilang ibigin.

12 Nang sila ay mabusog, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Ipunin ninyo ang mga lumabis na bahagi upang walang masayang. 13 Inipon nga nila ang mga lumabis. Nakapuno sila ng labindalawang bakol ng bahaging mula sa limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.

14 Nakita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus. Dahil dito kanilang sinabi: Totoong ito na nga ang propeta na darating sa sanlibutan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International