Book of Common Prayer
145 Ako'y tumawag ng aking buong puso; sagutin mo ako, Oh Panginoon: iingatan ko ang iyong mga palatuntunan.
146 Ako'y tumawag sa iyo; iligtas mo ako, at aking tutuparin ang mga patotoo mo.
147 Ako'y nagpauna sa bukang-liwayway ng umaga, at dumaing ako: ako'y umasa sa iyong mga salita.
148 Ang mga mata ko'y nanguna sa mga pagpupuyat sa gabi, upang aking magunita ang salita mo.
149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong kagandahang-loob: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong mga kahatulan.
150 Silang nagsisisunod sa kasamaan ay nagsisilapit; sila'y malayo sa iyong kautusan.
151 Ikaw ay malapit, Oh Panginoon; at lahat mong utos ay katotohanan.
152 Nang una'y nakaunawa ako sa iyong mga patotoo, na iyong pinamalagi magpakailan man.
153 Pakundanganan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
154 Ipaglaban mo ang aking usap, at iligtas mo ako: buhayin mo ako ayon sa iyong salita.
155 Kaligtasan ay malayo sa masama; sapagka't hindi nila hinahanap ang mga palatuntunan mo.
156 Dakila ang mga malumanay mong kaawaan, Oh Panginoon: buhayin mo ako ayon sa iyong mga kahatulan.
157 Marami ang mga manguusig sa akin at mga kaaway ko; gayon ma'y hindi ako humiwalay sa iyong mga patotoo.
158 Aking namasdan ang mga magdarayang manggagawa at ako'y namanglaw; sapagka't hindi nila sinusunod ang salita mo.
159 Dilidilihin mo kung gaano iniibig ko ang mga utos mo: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong kagandahang-loob.
160 Ang kabuoan ng iyong salita ay katotohanan; at bawa't isa ng iyong matutuwid na kahatulan ay magpakailan man.
161 Inusig ako ng mga pangulo ng walang kadahilanan; nguni't ang puso ko'y nanginginig sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita, na parang nakakasumpong ng malaking samsam.
163 Aking pinagtataniman at kinasusuklaman ang pagsisinungaling; nguni't ang kautusan mo'y aking iniibig.
164 Makapito sa isang araw na pumupuri ako sa iyo, dahil sa iyong matutuwid na kahatulan.
165 Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan. At sila'y walang kadahilanang ikatitisod.
166 Ako'y umasa sa iyong pagliligtas, Oh Panginoon. At ginawa ko ang mga utos mo.
167 Sinunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo; at iniibig kong mainam,
168 Aking tinupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo; sapagka't lahat ng aking lakad ay nasa harap mo.
169 Dumating nawa sa harap mo ang aking daing, Oh Panginoon: bigyan mo ako ng unawa ayon sa iyong salita.
170 Dumating nawa sa harap mo ang aking pamanhik: iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Tulutang magbadya ng pagpuri ang aking mga labi; sapagka't itinuturo mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
172 Awitin ng aking dila ang iyong salita; sapagka't lahat ng mga utos mo ay katuwiran.
173 Magsihanda nawa ang iyong kamay na tulungan ako; sapagka't aking pinili ang iyong mga tuntunin.
174 Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon: at ang iyong kautusan ay aking kaaliwan.
175 Mabuhay nawa ang aking kaluluwa, at pupuri sa iyo; at tulungan nawa ako ng iyong mga kahatulan.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.
128 Mapalad ang bawa't isa na natatakot sa Panginoon, na lumalakad sa kaniyang mga daan.
2 Sapagka't iyong kakanin ang gawa ng iyong mga kamay: magiging maginhawa ka, at ikabubuti mo.
3 Ang asawa mo'y magiging parang mabungang puno ng ubas, sa mga pinakaloob ng iyong bahay: ang mga anak mo'y parang mga puno ng olibo, sa palibot ng iyong dulang.
4 Narito, na ganito nawa pagpalain ang tao, na natatakot sa Panginoon.
5 Pagpapalain ka ng Panginoon mula sa Sion: at iyong makikita ang buti ng Jerusalem sa lahat na kaarawan ng iyong buhay.
6 Oo, iyong makikita ang mga anak ng iyong mga anak. Kapayapaan nawa'y suma Israel.
129 Madalas na ako'y dinalamhati nila mula sa aking kabataan, sabihin ngayon ng Israel,
2 Madalas na ako'y dinalamhati nila mula sa aking kabataan: gayon ma'y hindi sila nanganaig laban sa akin.
3 Ang mga mangaararo ay nagsiararo sa aking likod; kanilang pinahaba ang kanilang bungkal.
4 Ang Panginoon ay matuwid: kaniyang pinutol ang mga panali ng masama.
5 Mapahiya sila at magsitalikod, silang lahat na nangagtatanim ng loob sa Sion.
6 Sila'y maging parang damo sa mga bubungan, na natutuyo bago lumaki:
7 Na hindi pinupuno ng manggagapas ang kaniyang kamay niyaon, ni siyang nagtatali man ng mga bigkis, ang kaniyang sinapupunan.
8 Hindi man sinasabi ng nagsisipagdaan, ang pagpapala ng Panginoon, ay sumainyo nawa; binabasbasan namin kayo sa pangalan ng Panginoon.
130 Mula sa mga kalaliman ay dumaing ako sa iyo, Oh Panginoon.
2 Panginoon, dinggin mo ang aking tinig: pakinggan ng iyong mga pakinig ang tinig ng aking mga pamanhik.
3 Kung ikaw, Panginoon, magtatanda ng mga kasamaan, Oh Panginoon, sinong tatayo?
4 Nguni't may kapatawarang taglay ka, upang ikaw ay katakutan.
5 Aking hinihintay ang Panginoon, hinihintay ng aking kaluluwa, at sa kaniyang salita ay umaasa ako.
6 Hinihintay ng aking kaluluwa ang Panginoon, ng higit kay sa paghihintay ng bantay sa umaga; Oo, higit kay sa bantay sa umaga.
7 Oh Israel, umasa ka sa Panginoon; sapagka't sa Panginoon ay may kagandahang-loob.
8 At kaniyang tutubusin ang Israel sa lahat niyang kasamaan.
12 Ang hula na salita ng Panginoon tungkol sa Israel. Ganito ang sabi ng Panginoon, na naguunat ng langit, at naglalagay ng mga patibayan ng lupa, at naglalang ng diwa sa loob ng tao:
2 Narito, aking gagawin ang Jerusalem na isang tazang panglito sa lahat ng bayan sa palibot, at sa Juda man ay magiging gayon sa pagkubkob laban sa Jerusalem.
3 At mangyayari sa araw na yaon, na aking gagawin ang Jerusalem na isang batong mabigat sa lahat ng bayan; lahat ng magsipasan sa kaniya ay mangasusugatang mainam; at ang lahat na bansa sa lupa ay magpipisan laban sa kaniya.
4 Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, aking tutuligin ang bawa't kabayo, at ang kaniyang sakay ng pagkaulol; at aking ididilat ang aking mga mata sa sangbahayan ni Juda, at aking bubulagin ang bawa't kabayo ng mga bayan.
5 At ang mga pinakapuno sa Juda ay mangagsasabi sa sarili, Ang mga nananahan sa Jerusalem ay aking kalakasan sa Panginoon ng mga hukbo na kanilang Dios.
6 Sa araw na yao'y gagawin kong parang kawali ng apoy sa panggatong ang mga pinakapuno sa Juda at parang sulo na apoy sa gitna ng mga bigkis; at kanilang sasakmalin ang buong bayan sa palibot, sa kanan at sa kaliwa; at ang Jerusalem ay tatahan pa uli sa kaniyang sariling dako, sa makatuwid bagay sa Jerusalem.
7 Ililigtas naman na una ng Panginoon ang mga tolda ng Juda, upang ang kaluwalhatian ng sangbahayan ni David at ang kaluwalhatian ng mga mananahan sa Jerusalem ay huwag magmalaki sa Juda.
8 Sa araw na yaon ay ipagsasanggalang ng Panginoon ang mga mananahan sa Jerusalem, at siyang mahina sa kanila sa araw na yaon ay magiging gaya ni David; at ang sangbahayan ni David ay magiging parang Dios, parang anghel ng Panginoon sa harap nila.
9 At mangyayari sa araw na yaon, na aking pagsisikapang gibain ang lahat na bansa na naparoroon laban sa Jerusalem.
10 At aking bubuhusan ang sangbahayan ni David, at ang mga mananahan sa Jerusalem, ng espiritu ng biyaya at ng daing; at sila'y magsisitingin sa akin na kanilang pinalagpasan: at kanilang tatangisan siya, na gaya ng pagtangis sa bugtong na anak, at magiging kapanglawan sa kaniya, na parang kapanglawan sa kaniyang panganay.
3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo:
4 Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig:
5 Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban,
6 Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal:
7 Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,
8 Na pinasagana niya sa atin, sa buong karunungan at katalinuhan,
9 Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin.
10 Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko,
11 Tayo rin naman sa kaniya ay ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban;
12 Upang tayo'y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo:
13 Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako,
14 Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pag-aari ng Dios, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.
19 At siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico.
2 At narito, isang lalake na tinatawag sa pangalang Zaqueo; at siya'y isang puno ng mga maniningil ng buwis, at siya'y mayaman.
3 At pinagpipilitan niyang makita si Jesus kung sino kaya siya; at hindi mangyari, dahil sa maraming tao, sapagka't siya'y pandak.
4 At tumakbo siya sa unahan, at umakyat sa isang punong kahoy na sikomoro upang makita siya: sapagka't siya'y magdaraan sa daang yaon.
5 At nang dumating si Jesus sa dakong yaon, ay siya'y tumingala, at sinabi sa kaniya, Zaqueo, magmadali ka, at bumaba ka; sapagka't ngayo'y kinakailangang ako'y tumuloy sa bahay mo.
6 At siya'y nagmadali, at bumaba, at tinanggap siyang may tuwa.
7 At nang makita nila ito, ay nangagbulongbulungan silang lahat, na nangagsasabi, Siya'y pumasok na nanunuluyan sa isang taong makasalanan.
8 At si Zaqueo ay nagtindig, at sinabi sa Panginoon, Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali't nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isinasauli ko ng makaapat.
9 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagka't siya'y anak din naman ni Abraham.
10 Sapagka't ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala.
Public Domain