Book of Common Prayer
20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kabagabagan; itaas ka sa mataas ng pangalan ng Dios ni Jacob;
2 Saklolohan ka mula sa santuario, at palakasin ka mula sa Sion;
3 Alalahanin nawa ang lahat ng iyong mga handog, at tanggapin niya ang iyong mga haing sinunog; (Selah)
4 Pagkalooban ka nawa ng nais ng iyong puso, at tuparin ang lahat ng iyong payo.
5 Kami ay magtatagumpay sa iyong pagliligtas, at sa pangalan ng aming Dios ay aming itataas ang aming mga watawat: ganapin nawa ng Panginoon ang lahat ng iyong mga hingi.
6 Talastas ko ngayon na inililigtas ng Panginoon ang kaniyang pinahiran ng langis; sasagutin niya siya mula sa kaniyang banal na langit ng pangligtas na kalakasan ng kaniyang kanang kamay.
7 Ang iba ay tumitiwala sa mga karo, at ang iba ay sa mga kabayo: nguni't babanggitin namin ang pangalan ng Panginoon naming Dios.
8 Sila'y nangakasubsob at buwal: nguni't kami ay nakatindig at nakatayo na matuwid.
9 Magligtas ka, Panginoon: sagutin nawa kami ng Hari pagka kami ay nagsisitawag.
21 Ang hari ay magagalak sa iyong kalakasan, Oh Panginoon; at sa iyong pagliligtas gaano kalaki ang ikagagalak niya!
2 Ibinigay mo sa kaniya ang nais ng kaniyang puso, at hindi mo ikinait ang hiling ng kaniyang mga labi. (Selah)
3 Sapagka't iyong sinalubong siya ng mga kapalaran na kabutihan: iyong pinuputungan ng isang putong na dalisay na ginto ang kaniyang ulo.
4 Siya'y humingi ng buhay sa iyo, iyong binigyan siya; pati ng kahabaan ng mga kaarawan magpakailan pa man.
5 Ang kaniyang kaluwalhatian ay dakila sa iyong pagliligtas: karangalan at kamahalan ay inilalagay mo sa kaniya.
6 Sapagka't ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailan man: iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
7 Sapagka't ang hari ay tumitiwala sa Panginoon, at sa kagandahang-loob ng Kataastaasan ay hindi siya makikilos.
8 Masusumpungan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway: masusumpungan ng iyong kanan yaong mga nangagtatanim sa iyo.
9 Iyong gagawin sila na gaya ng mainit na hurno sa panahon ng iyong galit. Sasakmalin sila ng Panginoon sa kaniyang poot, at susupukin sila ng apoy.
10 Ang kanilang bunga ay iyong lilipulin mula sa lupa, at ang kanilang binhi ay mula sa gitna ng mga anak ng mga tao.
11 Sapagka't sila'y nagakala ng kasamaan laban sa iyo: sila'y nagpanukala ng lalang na hindi nila maisasagawa.
12 Sapagka't iyong patatalikurin sila, ikaw ay maghahanda ng iyong mga bagting ng busog laban sa mukha nila.
13 Mataas ka, Oh Panginoon, sa iyong kalakasan: sa gayo'y aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.
110 Sinabi ng Panginoon sa aking panginoon, umupo ka sa aking kanan, hanggang sa aking gawing tungtungan mo ang iyong mga kaaway.
2 Pararatingin ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Sion: magpuno ka sa gitna ng iyong mga kaaway.
3 Ang bayan mo'y naghahandog na kusa sa kaarawan ng iyong kapangyarihan, sa kagandahan ng kabanalan: mula sa bukang liwayway ng umaga, ikaw ay may hamog ng iyong kabinataan.
4 Sumumpa ang Panginoon, at hindi magsisisi, Ikaw ay saserdote magpakailan man ayon sa pagkasaserdote ni Melchisedech.
5 Ang Panginoon sa iyong kanan ay hahampas sa mga hari sa kaarawan ng kaniyang poot.
6 Siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, kaniyang pupunuin ng mga bangkay ang mga pook; siya'y manghahampas ng ulo sa maraming lupain.
7 Siya'y iinom sa batis sa daan: kaya't siya'y magtataas ng ulo.
116 Aking iniibig ang Panginoon, sapagka't kaniyang dininig ang aking tinig at aking mga hiling.
2 Sapagka't kaniyang ikiniling ang kaniyang pakinig sa akin, kaya't ako'y tatawag sa kaniya habang ako'y nabubuhay.
3 Ang tali ng kamatayan ay pumulupot sa akin, at ang mga sakit ng Sheol ay nagsihawak sa akin: aking nasumpungan ang kabagabagan at kapanglawan.
4 Nang magkagayo'y tumawag ako sa pangalan ng Panginoon; Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang aking kaluluwa.
5 Mapagbiyaya ang Panginoon, at matuwid; Oo, ang Dios namin ay maawain.
6 Pinalalagi ng Panginoon ang mga tapat na loob: ako'y nababa, at kaniyang iniligtas ako.
7 Bumalik ka sa iyong kapahingahan, Oh kaluluwa ko; sapagka't ginawan ka ng mabuti ng Panginoon.
8 Sapagka't iyong iniligtas ang kaluluwa ko sa kamatayan, at ang mga mata ko sa mga luha, at ang mga paa ko sa pagkabuwal.
9 Ako'y lalakad sa harap ng Panginoon, sa lupain ng mga buhay.
10 Ako'y sumasampalataya, sapagka't ako'y magsasalita: ako'y lubhang nagdalamhati:
11 Aking sinabi sa aking pagmamadali, lahat ng tao ay bulaan.
12 Ano ang aking ibabayad sa Panginoon dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin?
13 Aking kukunin ang saro ng kaligtasan, at tatawag ako sa pangalan ng Panginoon.
14 Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan.
15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng kaniyang mga banal.
16 Oh Panginoon, tunay na ako'y iyong lingkod; ako'y iyong lingkod, na anak ng iyong lingkod na babae; iyong kinalag ang aking mga tali.
17 Aking ihahandog sa iyo ang hain na pasalamat, at tatawag ako sa pangalan ng Panginoon.
18 Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan;
19 Sa mga looban ng bahay ng Panginoon, sa gitna mo, Oh Jerusalem. Purihin ninyo ang Panginoon.
117 Oh purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga bansa: purihin ninyo siya, ninyong lahat na mga bayan.
2 Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay dakila sa atin; at ang katotohanan ng Panginoon ay magpakailan man. Purihin ninyo ang Panginoon.
17 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw ay tinipon niya yaong mga pangulo sa mga Judio: at nang sila'y mangagkatipon na, ay sinabi niya sa kanila, Ako, mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anoman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga magulang, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga Roma:
18 Na, nang ako'y kanilang masulit na, ay ibig sana nila akong palayain, sapagka't wala sa aking anomang kadahilanang marapat sa kamatayan.
19 Datapuwa't nang magsalita laban dito ang mga Judio, ay napilitan akong maghabol hanggang kay Cesar; hindi dahil sa mayroon akong anomang sukat na maisakdal laban sa aking bansa.
20 Sanhi sa dahilang ito tinawag ko kayo upang makipagkita at makipagusap sa akin: sapagka't dahil sa pagasa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.
21 At sinabi nila sa kaniya, Kami'y hindi nagsitanggap ng mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni naparito man ang sinomang kapatid na magbalita o magsalita ng anomang masama tungkol sa iyo.
22 Datapuwa't ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong iniisip: sapagka't tungkol sa sektang ito'y talastas naming sa lahat ng mga dako ay laban dito ang mga salitaan.
23 At nang mataningan na nila siya ng isang araw, ay nagsiparoon ang lubhang marami sa kaniyang tinutuluyan; at sa kanila'y kaniyang ipinaliwanag ang bagay, na sinasaksihan ang kaharian ng Dios, at sila'y hinihikayat tungkol kay Jesus, sa pamamagitan ng kautusan ni Moises at gayon din sa pamamagitan ng mga propeta, buhat sa umaga hanggang sa gabi.
24 At ang mga iba'y nagsipaniwala sa mga bagay na sinabi, at ang mga iba'y hindi nagsipaniwala.
25 At nang sila'y hindi mangagkaisa, ay nangagsialis pagkasabi ni Pablo ng isang salita, Mabuti ang pagkasalita ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng propeta Isaias sa inyong mga magulang,
26 Na sinasabi, Pumaroon ka sa bayang ito, at sabihin mo, Sa pakikinig ay inyong mapapakinggan, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas:
27 Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na makarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik-loob, At sila'y aking pagalingin.
28 Maging hayag nawa sa inyo, na ang kaligtasang ito ng Dios ay ipinadala sa mga Gentil: sila'y makikinig naman.
29 At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nangagtatalong mainam.
30 At tumahan si Pablo na dalawang taong ganap sa kaniyang tahanang inuupahan, at tinatanggap ang lahat ng sa kaniya'y nagsisipagsadya,
31 Na ipinangangaral ang kaharian ng Dios, at itinuturo ang mga bagay na nauukol sa Panginoong Jesucristo ng buong katapangan, wala sinomang nagbabawal sa kaniya.
37 At nangyari nang kinabukasan, nang pagbaba nila mula sa bundok, ay sinalubong siya ng lubhang maraming tao.
38 At narito, isang lalake sa karamihan, ay sumigaw na nagsasabi, Guro, ipinamamanhik ko sa iyo na iyong tingnan ang aking anak na lalake; sapagka't siya'y aking bugtong na anak;
39 At narito, inaalihan siya ng isang espiritu, at siya'y biglang nagsisigaw; at siya'y nililiglig, na pinabubula ang bibig, at bahagya nang siya'y hiwalayan, na siya'y totoong pinasasakitan.
40 At ipinamanhik ko sa iyong mga alagad na palabasin siya; at hindi nila magawa.
41 At sumagot si Jesus at nagsabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan makikisama ako sa inyo at magtitiis sa inyo? dalhin mo rito ang anak mo.
42 At samantalang siya'y lumalapit, ay ibinuwal siya ng demonio, at pinapangatal na mainam. Datapuwa't pinagwikaan ni Jesus ang karumaldumal na espiritu, at pinagaling ang bata, at isinauli siya sa kaniyang ama.
43 At nangagtaka silang lahat sa karangalan ng Dios. Datapuwa't samantalang ang lahat ay nagsisipanggilalas sa lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad,
44 Manuot sa inyong mga tainga ang mga salitang ito: sapagka't ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao.
45 Datapuwa't hindi nila napaguunawa ang sabing ito, at sa kanila'y nalilingid, upang ito'y huwag mapagunawa; at nangatatakot silang magsipagtanong sa kaniya ng tungkol sa sabing ito.
46 At nagkaroon ng isang pagmamatuwiran sa gitna nila kung sino kaya sa kanila ang pinakadakila.
47 Datapuwa't pagkaunawa ni Jesus sa pangangatuwiran ng kanilang puso, ay kumuha siya ng isang maliit na bata, at inilagay sa kaniyang siping,
48 At sinabi sa kanila, Ang sinomang tumanggap sa maliit na batang ito sa pangalan ko, ay ako ang tinatanggap: at ang sinomang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin: sapagka't ang pinaka maliit sa inyong lahat, ay siyang dakila.
49 At sumagot si Juan at sinabi, Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonio sa pangalan mo; at aming pinagbawalan siya, sapagka't siya'y hindi sumasama sa atin.
50 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag ninyong pagbawalan siya: sapagka't ang hindi laban sa inyo, ay sumasa inyo.
Public Domain