Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 5-6

Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon, pakundanganan mo ang aking pagbubulaybulay.

Dinggin mo ang tinig ng aking daing, Hari ko, at Dios ko; sapagka't sa iyo'y dumadalangin ako.

Oh Panginoon, sa kinaumagaha'y didinggin mo ang aking tinig; sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at magbabantay ako.

Sapagka't ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan: ang masama ay hindi tatahang kasama mo.

Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin: iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan.

Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga kabulaanan: kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya,

Nguni't sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay; sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo.

Patnubayan mo ako, Oh Panginoon, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; patagin mo ang iyong daan sa harapan ko.

Sapagka't walang pagtatapat sa kanilang bibig; ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan; ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan; sila'y nanganunuya ng kanilang dila.

10 Bigyan mong sala sila, Oh Dios; ibuwal mo sila sa kanilang sariling mga payo: palayasin mo sila sa karamihan ng kanilang mga pagsalangsang; Sapagka't sila'y nanganghimagsik laban sa iyo,

11 Nguni't iyong pagalakin ang lahat na nagsisipagkanlong sa iyo, pahiyawin mo nawa sila sa kagalakan magpakailan man, sapagka't iyong ipinagsasanggalang sila: mangagalak nawa rin sa iyo ang nagsisiibig ng iyong pangalan.

12 Sapagka't iyong pagpapalain ang matuwid; Oh Panginoon, lilibirin mo siya ng paglingap na gaya ng isang kalasag.

Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong galit, ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.

Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; sapagka't ako'y naluluoy, Oh Panginoon, pagalingin mo ako; sapagka't ang aking mga buto ay nagsisipangalog.

Ang akin ding kaluluwa ay nababagabag na mainam: at ikaw, Oh Panginoon, hanggang kailan?

Bumalik ka, Oh Panginoon, palayain mo ang aking kaluluwa: iligtas mo ako alangalang sa iyong kagandahang-loob.

Sapagka't sa kamatayan ay walang alaala sa iyo; sa Sheol ay sinong mangagpapasalamat sa iyo?

Ako'y pagal ng aking pagdaing; gabigabi ay aking pinalalangoy ang aking higaan; Aking dinidilig ang aking hiligan ng aking mga luha.

Ang aking mga mata ay nangamumugto dahil sa kapanglawan; tumatanda ako dahil sa aking lahat na kaaway.

Magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kasamaan: sapagka't narinig ng Panginoon ang tinig ng aking pagtangis.

Narinig ng Panginoon ang aking pananaing; tatanggapin ng Panginoon ang aking dalangin.

10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya, at mababagabag na mainam: sila'y magsisibalik, sila'y mangapapahiyang kagyat.

Awit 10-11

10 Bakit ka tumatayong malayo, Oh Panginoon? Bakit ka nagtatago sa mga panahon ng kabagabagan?

Sa kapalaluan ng masama ang dukha ay hinahabol na mainam; mahuli nawa sila sa mga lalang na kanilang inakala.

Sapagka't ang masama ay nagmamalaki sa nais ng kaniyang puso, at ang mapagimbot ay nagtatakuwil, oo, nagwawalang kabuluhan sa Panginoon.

Ang masama, sa kapalaluan ng kaniyang mukha, ay nagsasabi, hindi niya sisiyasatin. Lahat niyang pagiisip ay, walang Dios.

Ang kaniyang mga lakad ay panatag sa lahat ng panahon; ang iyong mga kahatulan ay malayong totoo sa kaniyang paningin: tungkol sa lahat niyang mga kaaway, tinutuya niya sila.

Sinasabi niya sa kaniyang puso, Hindi ako makikilos: sa lahat ng sali't saling lahi ay hindi ako malalagay sa karalitaan.

Ang kaniyang bibig ay puno ng panunungayaw, at pagdaraya, at pang-aapi: sa ilalim ng kaniyang dila ay kalikuan at kasamaan.

Siya'y nauupo sa mga pinakasulok na dako ng mga nayon: sa mga kubling dako ay pinapatay niya ang walang sala; ang kaniyang mga mata ay natititig laban sa walang nagkakandili.

Siya'y bumabakay sa kubli, na parang leon sa kaniyang lungga: siya'y nagaabang upang hulihin ang dukha: hinuhuli niya ang dukha, pagka kaniyang dinadala siya sa silo niya.

10 Siya'y naninibasib, siya'y nagpapakaliit, at ang mga walang nagkakandili ay nangahuhulog sa kaniyang mga malakas.

11 Sinasabi niya sa kaniyang puso: ang Dios ay nakalimot: kaniyang ikinukubli ang kaniyang mukha, hindi na niya makikita kailan man.

12 Bumangon ka, Oh Panginoon, Oh Dios, itaas mo ang iyong kamay: huwag mong kalimutan ang dukha.

13 Bakit sinusumpa ng masama ang Dios, at nagsasabi sa kaniyang puso: hindi mo sisiyasatin?

14 Iyong nakita; sapagka't iyong minamasdan ang pahirap at pangduduwahagi upang mapasa iyong kamay: ang walang nagkakandili ay napakukupkop sa iyo; ikaw ay naging tagakandili sa ulila.

15 Baliin mo ang bisig ng masama: at tungkol sa masamang tao, pag-usigin mo ang kaniyang kasamaan hanggang sa wala ka nang masumpungan.

16 Ang Panginoon ay Hari magpakailan-kailan man. Ang mga bansa ay nalilipol sa kaniyang lupain.

17 Panginoon, iyong narinig ang nasa ng mga maamo: iyong ihahanda ang kanilang puso, iyong pakikinggan ng iyong pakinig:

18 Upang hatulan ang ulila at ang napipighati, upang huwag nang makapangilabot ang tao na taga lupa.

11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako: ano't inyong sinasabi sa aking kaluluwa, tumakas ka na gaya ng isang ibon sa iyong bundok?

Sapagka't, narito, binalantok ng masama ang busog, kanilang inihahanda ang kanilang palaso sa bagting, upang kanilang mapahilagpusan sa kadiliman ang matuwid sa puso,

Kung ang mga patibayan ay masira, anong magagawa ng matuwid?

Ang panginoon ay nasa kaniyang banal na templo, ang Panginoon, ang kaniyang luklukan ay nasa langit; ang kaniyang mga mata ay nagmamalas, ang kaniyang mga talukap-mata ay nagmamasid, sa mga anak ng mga tao.

Sinusubok ng Panginoon ang matuwid; nguni't ang masama at ang umiibig ng pangdadahas ay kinapopootan ng kaniyang kaluluwa.

Sa masama ay magpapaulan siya ng mga silo; apoy at azufre at nagaalab na hangin ay magiging bahagi ng kanilang saro.

Sapagka't ang Panginoon ay matuwid; minamahal niya ang katuwiran: Mamasdan ng matuwid ang kaniyang mukha.

Exodo 15:1-21

15 Nang magkagayo'y inawit ni Moises at ng mga anak ni Israel ang awit na ito sa Panginoon, at sinalita, na sinasabi, Ako'y aawit sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati: Ang kabayo at ang sakay niyaon ay kaniyang ibinulusok sa dagat.

Ang Panginoon ay aking lakas at awit, At siya'y naging aking kaligtasan: Ito'y aking Dios, at siya'y aking pupurihin. Dios ng aking ama, at siya'y aking tatanghalin.

Ang Panginoo'y isang mangdidigma: Panginoon ang kaniyang pangalan.

Ang mga karro ni Faraon at ang kaniyang hukbo ay ibinulusok niya sa dagat; At ang kaniyang mga piling kapitan ay ipinaglulubog sa Dagat na Mapula.

Ang mga kalaliman ang tumatabon sa kanila: Sila'y lumubog sa mga kalaliman, na parang isang bato.

Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay maluwalhati sa kapangyarihan. Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay dumudurog ng kaaway.

At sa kalakhan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo yaong bumabangon laban sa iyo: Iyong ipinakikita ang iyong pagiinit, at nililipol silang parang dayami.

At sa hihip ng iyong ilong ay natitipon ang tubig, Ang mga agos ay nagsilagay na parang isang bunton; Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.

Sinabi ng kaaway, Aking hahabulin, aking aabutan, magbabahagi ako ng samsam, Ang aking nasa ay masisiyahan sa kanila; Aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.

10 Ikaw ay nagpahihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng dagat. Sila'y lumubog na parang tingga sa makapangyarihang tubig.

11 Sinong gaya mo, Oh Panginoon, sa mga dios? Sinong gaya mo, maluwalhati sa kabanalan, Nakasisindak sa pagpuri, na gumagawa ng mga kababalaghan?

12 Iyong iniunat ang iyong kanang kamay, Nilamon sila ng lupa.

13 Iyong pinapatnubayan sa iyong awa ang bayan na iyong tinubos: Sa iyong kalakasan ay iyong inihahatid sila sa banal mong tahanan.

14 Narinig ng mga bayan; at sila'y nanginig: Mga sakit ang kumapit sa mga taga Filistia.

15 Nang magkagayo'y natulig ang mga pangulo sa Edom; Sa matatapang sa Moab, ay panginginig ang sumasakanila: Lahat ng taga Canaan ay nauubos.

16 Sindak at gulat ang suma-sakanila; Sa kadakilaan ng iyong bisig ay nagiging walang kibo sila na parang bato; Hanggang sa ang iyong bayan ay makaraan, Oh Panginoon, Hanggang sa makaraan ang bayang ito na iyong kinamtan.

17 Sila'y iyong papapasukin, at sila'y iyong itatayo sa bundok na iyong pamana, Sa dako, Oh Panginoon, na iyong ginawa sa iyo, upang iyong tahanan, Sa santuario, Oh Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.

18 Ang Panginoon ay maghahari magpakailan man.

19 Sapagka't ang mga kabayo ni Faraon, ay nagsipasok pati ng kaniyang mga karro at pati ng kaniyang mga nangangabayo sa dagat, at pinapanumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; datapuwa't lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

20 At si Miriam na propetisa na kapatid ni Aaron, ay tumangan ng isang pandereta sa kaniyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kaniya, na may mga pandereta at nagsayawan.

21 At sila'y sinagot ni Miriam, Umawit kayo sa Panginoon, sapagka't siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati; Ang kabayo at ang sakay niyaon ay ibinulusok niya sa dagat.

1 Pedro 1:13-25

13 Kaya't inyong bigkisan ang mga baywang ng inyong pagiisip, na maging mapagpigil kayo at inyong ilagak na lubos ang inyong pagasa sa biyayang dadalhin sa inyo sa pagkahayag ni Jesucristo;

14 Na gaya ng mga anak na matalimahin, na huwag kayong mangagasal na ayon sa inyong dating mga masasamang pita nang kayo'y na sa kawalang kaalaman:

15 Nguni't yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay;

16 Sapagka't nasusulat, Kayo'y mangagpakabanal; sapagka't ako'y banal.

17 At kung inyong tinatawagan, na Ama, siyang walang itinatanging tao, na humahatol ayon sa gawa ng bawa't isa, ay gugulin ninyo sa takot ang panahon ng inyong pangingibang bayan:

18 Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang;

19 Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo:

20 Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni't inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo,

21 Na sa pamamagitan niya ay nanganampalataya kayo sa Dios, na sa kaniya'y bumuhay na maguli sa mga patay, at sa kaniya'y nagbigay ng kaluwalhatian; upang ang inyong pananampalataya at pagasa ay mapasa Dios.

22 Yamang nilinis ninyo ang mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan, sa pagibig na hindi pakunwari sa mga kapatid, ay mangagibigan kayo ng buong ningas ng inyong puso sa isa't isa:

23 Yamang ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Dios na nabubuhay at namamalagi.

24 Sapagka't, Ang lahat ng laman ay gaya ng damo, At ang lahat ng kaniyang karangalan ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo'y natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta:

25 Datapuwa't ang salita ng Panginoon ay namamalagi magpakailan man. At ito ang salita ng mabubuting balita na ipinangaral sa inyo.

Juan 14:18-31

18 Hindi ko kayo iiwang magisa: ako'y paririto sa inyo.

19 Kaunti pang panahon, at hindi na ako makikita ng sanglibutan; nguni't inyong makikita ako: sapagka't ako'y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo.

20 Sa araw na yao'y makikilala ninyong ako'y nasa aking Ama, at kayo'y nasa akin, at ako'y nasa inyo.

21 Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya'y iibigin ko, at ako'y magpapakahayag sa kaniya.

22 Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, ano't mangyayari na sa amin ka magpapakahayag, at hindi sa sanglibutan?

23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Kung ang sinoman ay umiibig sa akin, ay kaniyang tutuparin ang aking salita: at siya'y iibigin ng aking Ama, at kami'y pasasa kaniya, at siya'y gagawin naming aming tahanan.

24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

25 Ang mga bagay na ito'y sinalita ko sa inyo, samantalang ako'y tumatahang kasama pa ninyo.

26 Datapuwa't ang Mangaaliw, sa makatuwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo'y aking sinabi.

27 Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.

28 Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako'y inyong iniibig, kayo'y mangagagalak, dahil sa ako'y pasasa Ama: sapagka't ang Ama ay lalong dakila kay sa akin.

29 At ngayon ay sinabi ko sa inyo bago mangyari, upang, kung ito'y mangyari, ay magsisampalataya kayo.

30 Hindi na ako magsasalita pa ng marami sa inyo, sapagka't dumarating ang prinsipe ng sanglibutan: at siya'y walang anoman sa akin;

31 Datapuwa't upang maalaman ng sanglibutan na ako'y umiibig sa Ama, at ayon sa kautusang ibinigay sa akin ng Ama, ay gayon din ang aking ginagawa. Magsitindig kayo, at magsialis tayo rito.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain