Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 102

Ang Panalangin ng Taong Nagtitiis

102 Panginoon, pakinggan nʼyo ang aking dalangin.
    Ang paghingi ko sa inyo ng tulong ay inyong dinggin.
Sa oras ng aking paghihirap ay huwag sana kayong magtago sa akin.
    Pakinggan nʼyo ako at agad na sagutin.
Dahil ang buhay koʼy unti-unti nang naglalaho tulad ng usok;
    at ang katawan koʼy para nang sinusunog.
Akoʼy parang damong nalalanta na.
    Wala na akong ganang kumain
dahil sa labis na pagdaing.
    Parang butoʼt balat na lang ako.
Ang tulad koʼy mailap na ibon sa ilang,
    at kuwago sa mga lugar na walang tao.
Hindi ako makatulog; akoʼy parang ibon na nag-iisa sa bubungan.
Palagi akong iniinsulto ng aking mga kaaway.
    Ang mga kumukutya sa akin ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa.
Hindi ako kumakain;
    umuupo na lang ako sa abo at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy humalo sa aking inumin,
10 dahil sa tindi ng inyong galit sa akin;
    dinampot nʼyo ako at itinapon.
11 Ang buhay koʼy nawawala na parang anino,
    at nalalantang gaya ng damo.

12 Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman;
    at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi.
13 Handa na kayong kahabagan ang Zion,
    dahil dumating na ang takdang panahon na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya.
14 Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion,
    kahit itoʼy gumuho na at nawasak.

15 At ang mga bansang hindi kumikilala sa Dios ay matatakot sa Panginoon.
    At ang lahat ng hari sa mundo ay igagalang ang inyong kapangyarihan.
16 Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion;
    ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon.
17 Sasagutin niya ang panalangin ng mga naghihirap,
    at hindi niya tatanggihan ang kanilang mga dalangin.

18 Isusulat ito para sa susunod na salinlahi,
    upang sila rin ay magpuri sa Panginoon:
19 Mula sa kanyang banal na lugar sa langit,
    tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo,
20 upang pakinggan ang daing ng kanyang mga mamamayan na binihag,
    at palayain ang mga nakatakdang patayin.
21 At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion,
    at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem
22 kapag nagtipon na ang mga tao mula sa mga bansa,
    at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.

23 Pinahina ng Panginoon ang aking katawan;
    at ang buhay koʼy kanyang pinaikli.
24 Kaya sinabi ko,
    “O aking Dios na buhay magpakailanman,
    huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay.
25 Sa simula, kayo ang lumikha ng mundo at ng kalangitan.
26 Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili kayo magpakailanman.
    Maluluma itong lahat tulad ng damit.
    At gaya ng damit, itoʼy inyong papalitan.
27 Ngunit hindi kayo magbabago,
    at mananatili kayong buhay magpakailanman.
28 Ang mga lahi ng inyong mga lingkod ay mamumuhay ng ligtas sa mga panganib at iingatan nʼyo sila.”

Salmo 142-143

Panalangin para Iligtas ng Dios

142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
    Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
    Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
    Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
    Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
    kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
    dahil wala na akong magawa.
    Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
    dahil silaʼy mas malakas sa akin.
Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
    upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
    At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
    dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.

Panalangin sa Oras ng Kahirapan

143 Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.
    Dinggin nʼyo ang aking pagsusumamo.
    Tulungan nʼyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
    dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
Tinugis ako ng aking mga kaaway.
    Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
    tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
    at punong-puno ng takot ang puso ko.
Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
    pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo at nanalangin,
    kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa na uhaw sa tubig.
Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.
    Nawawalan na ako ng pag-asa.
    Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin ang inyong pag-ibig,
    dahil sa inyo ako nagtitiwala.
    Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan,
    dahil sa inyo ako nananalangin.
Panginoon, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway,
    dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10 Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
    dahil kayo ang aking Dios.
    Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu sa landas na walang kapahamakan.
11 Iligtas nʼyo ako, Panginoon, upang kayo ay maparangalan.
    Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12 Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
    lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.

Panaghoy 2:10-18

10 Ang mga tagapamahala ng Jerusalem ay tahimik na nakaupo sa lupa, naglagay ng abo sa ulo at nagdamit ng sako para ipakita ang kanilang pagdadalamhati. At ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakayuko sa lupa dahil sa hiya. 11 Namugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Labis na nababagabag at parang sasabog na ang dibdib ko sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi. Nawalan ng malay sa mga lansangan ang mga bata at mga sanggol. 12 Umiiyak silaʼt humihingi ng pagkain at maiinom sa kanilang mga ina. Nawalan sila ng malay tulad ng mga sugatang sundalo sa mga lansangan ng lungsod hanggang sa unti-unting mamatay sa kanlungan ng kanilang ina. 13 O Jerusalem,[a] ano pa bang masasabi ko sa iyo? Saan pa ba kita maihahambing? Kasinlalim ng dagat ang sugat mo. Paano kita maaaliw? Sino ang makapagpapagaling sa iyo? 14 Ang pangitaing nakita ng iyong mga propeta ay hindi totoo, walang kabuluhan at mapanlinlang. Ang mga kasalanan moʼy hindi nila inihayag sa iyo upang hindi kayo mabihag.

15 Ang lahat ng dumadaaʼy pumapalakpak, sumusutsot at nangungutya. Sinasabi nila, “Ito ba ang lungsod na sinasabing ‘Pinakamaganda at kagalakan ng buong mundo?’ ” 16 Kinukutya ka ng lahat ng kaaway mo. Sumusutsot at pinangangalit ang mga ngipin nila at sinabi, “Tuluyan na nating nawasak ang Jerusalem! Ito na ang araw na ating pinakahihintay. At ngayon ngaʼy nakita na natin ito!”

17 Ginawa ng Panginoon ang kanyang plano. Tinupad niya ang sinabi niya noon. Walang awa ka niyang giniba, O Jerusalem! Binigyan niya ng kagalakan ang mga kaaway mo at hinayaan silang ipagyabang ang kanilang kapangyarihan. 18 Mga taga-Jerusalem, tumawag kayo sa Panginoon. Umiyak kayo araw at gabi at paagusin ang inyong mga luha na parang ilog. Huwag kayong tumigil sa pag-iyak.

1 Corinto 10:14-17

14 Kaya mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan. 15 Sinasabi ko ito sa inyo bilang mga taong nakakaunawa, kaya pag-isipan ninyo ang sinasabi ko. 16 Sa tuwing nagtitipon tayo bilang pag-alaala sa kamatayan ni Cristo, may iniinom tayo na ating pinasasalamatan sa Dios at may tinapay din tayong hinahati-hati at kinakain. Hindi baʼt pakikibahagi ito sa dugo at katawan ni Cristo? 17 Kaya nga, iisang katawan lang tayo kahit maraming bahagi, dahil iisang tinapay lang ang ating pinagsasaluhan.

1 Corinto 11:27-32

27 Kaya nga, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom ng inumin ng Panginoon nang hindi karapat-dapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kailangang suriin ng bawat isa ang kanilang sarili bago kumain ng tinapay at uminom ng inumin. 29 Sapagkat ang sinumang kumain at uminom nito nang hindi pinapahalagahan ang katawan ng Panginoon ay nagdadala ng kaparusahan sa kanyang sarili. 30 At ito nga ang dahilan kung bakit marami sa inyo ang mahihina at may sakit, at ang ilan ay namatay. 31 Ngunit kung susuriin natin ang ating sarili – kung tama o mali ba ang ating mga ginagawa, hindi tayo parurusahan ng Dios. 32 Kung tayo man ay pinarurusahan ng Dios, dinidisiplina niya tayo upang hindi tayo maparusahang kasama ng mga tao sa mundo.

Marcos 14:12-25

Ang Huling Hapunan ni Jesus Kasama ang mga Tagasunod Niya(A)

12 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ito ang araw na inihahandog ang tupa na kinakain sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 13-14 Inutusan niya ang dalawa sa mga tagasunod niya, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, at doon ay may masasalubong kayong isang lalaking may pasan na isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya, at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung saan ang kwartong kakainan niya ng hapunan na kasama ang mga tagasunod niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking kwarto sa itaas, kumpleto na ng kagamitan at nakahanda na. Doon kayo maghanda ng hapunan natin.” 16 Umalis ang dalawa niyang tagasunod. At nang dumating sila sa lungsod, nakita nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.

17 Kinagabihan, dumating si Jesus at ang 12 tagasunod. 18 Habang kumakain na sila sa mesa, sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo na kasalo ko sa pagkain ay magtatraydor sa akin.” 19 Nalungkot sila nang marinig ito, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba?” 20 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Isa siya sa inyong 12 na kasabay kong nagsasawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin. Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.”

Huling Hapunan ni Jesus(B)

22 Habang kumakain sila, kumuha ng tinapay si Jesus. Nagpasalamat siya sa Dios at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya at sinabi, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” 23 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[a] nagpasalamat sa Dios, at ibinigay sa kanila. At uminom silang lahat. 24 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo na ibubuhos para sa maraming tao. Ito ang katibayan ng bagong kasunduan ng Dios sa mga tao. 25 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong klase ng inumin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®