Book of Common Prayer
Dalanging may Pagtitiwala
131 Panginoon, akoʼy hindi hambog o mapagmataas.
Hindi ko hinahangad ang mga bagay na napakataas na hindi ko makakayanan.
2 Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina.
3 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Papuri sa Templo ng Dios
132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
Ipinangako niya,
3 “Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
4 o matulog
5 hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
6 Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
7 Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”
8 Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
9 Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”
13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.
17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”
Pagsasamahang may Pagkakaisa
133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
2 Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
3 Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.
Paanyaya para Purihin ang Dios
134 Purihin ang Panginoon,
lahat kayong mga naglilingkod sa kanyang templo kung gabi.
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay kapag mananalangin kayo sa loob ng templo,
at purihin ninyo ang Panginoon.
3 Pagpalain sana kayo ng Panginoon na nasa Zion na siyang lumikha ng langit at ng lupa.
Awit ng Papuri
135 Purihin ang Panginoon! Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya,
2 na naglilingkod sa templo ng Panginoon na ating Dios.
3 Purihin ninyo ang Panginoon, dahil siya ay mabuti.
Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, dahil ito ay kaaya-aya.
4 Purihin ninyo siya dahil pinili niya ang mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob, na maging espesyal niyang mamamayan.
5 Alam kong ang Panginoon ay higit na dakila kaysa sa alinmang dios-diosan.
6 Ginagawa ng Panginoon ang anumang nais niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman nito.
7 Dinadala niya paitaas ang mga ulap mula sa malayong dako ng mundo,
at pinadala ang kidlat na may kasamang ulan.
Inilabas din niya ang hangin mula sa kinalalagyan nito.
8 Pinatay niya ang mga anak na panganay ng mga Egipcio at pati na ang mga panganay ng kanilang mga hayop.
9 Gumawa rin siya dito ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay upang parusahan ang Faraon at ang lahat niyang mga lingkod.
10 Winasak niya ang maraming bansa,
at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari,
11 katulad nina Sihon na hari ng Amoreo, Haring Og ng Bashan,
at ang lahat ng hari ng Canaan.
12 At kinuha niya ang kanilang mga lupain at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita upang maging kanilang pag-aari.
13 Panginoon, ang inyong pangalan at katanyagan ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi.
14 Dahil patutunayan nʼyo, Panginoon, na ang inyong lingkod ay walang kasalanan,
at silaʼy inyong kahahabagan.
15 Ang mga dios ng ibang mga bansa ay mga yari sa pilak at ginto na gawa ng tao.
16 May mga bibig, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
17 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig,
at silaʼy walang hininga.
18 Ang mga gumawa ng dios-diosan at ang lahat ng nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito na walang kabuluhan.
19-20 Kayong mga mamamayan ng Israel, pati kayong mga angkan ni Aaron at ang iba pang mga angkan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong mga may takot sa Panginoon, purihin ninyo siya!
21 Purihin ninyo ang Panginoon na nasa Zion, ang bayan ng Jerusalem na kanyang tahanan.
Purihin ang Panginoon!
21 At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa lahat ng bansang pinangalatan nila, at ibabalik ko sa sarili nilang lupain. 22 Gagawin ko silang isang bansa sa lupain ng Israel, at isang hari na lang ang maghahari sa kanila. Hindi na sila muling mahahati o magiging dalawang bansa o kaharian. 23 Hindi na nila dudungisan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga karumal-dumal na dios-diosan at paggawa ng anumang kasalanan, dahil ililigtas ko sila sa lahat ng pagkakasala nila. Lilinisin ko sila para maging mga mamamayan ko sila, at ako ang magiging Dios nila. 24 Paghaharian sila ng haring mula sa angkan ng lingkod kong si David. Isa lang ang magiging pastol nila. Susundin na nilang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin. 25 Maninirahan sila sa lupaing ibinigay ko sa lingkod kong si Jacob, ang lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno. Sila at ang mga anak nila ay titira roon habang panahon. At maghahari sa kanila ang haring mula sa lahi ni David na lingkod ko magpakailanman. 26 Gagawa ako ng isang kasunduan na magiging maganda ang kalagayan nila, at ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman. Patitirahin ko sila sa lupain nila at pararamihin ko sila. Itatayo ko ang templo ko sa kalagitnaan nila magpakailanman. 27 Maninirahan akong kasama nila. Magiging Dios nila ako, at sila ay magiging mga mamamayan ko. 28 At kung mananatili na ang templo ko sa kalagitnaan nila magpakailanman, malalaman ng mga bansa na ako, ang Panginoon, ang humirang sa mga Israelita para maging mga mamamayan ko.’ ”
Ang Anti-Cristo
18 Mga anak, malapit na ang mga huling araw, at tulad ng narinig ninyo, malapit na ang pagdating ng anti-Cristo. Ngayon pa lang ay marami nang anti-Cristo, kaya alam nating malapit na ang mga huling araw. 19 Kahit naging kasama natin sila noong una, hindi sila tunay na kabilang sa atin. Sapagkat kung tunay na kabilang sila, nanatili sana sila sa atin. Ngunit ang pagtiwalag nilaʼy nagpapakita na hindi talaga sila kabilang sa atin.
20 Ngunit ipinagkaloob sa inyo ang Banal na Espiritu, kaya alam ninyong lahat ang katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan kundi dahil sa alam nʼyo na, at alam din ninyo na walang kasinungalingan na maaaring magmula sa katotohanan. 22 At sino ba ang sinungaling? Ang taong nagsasabing hindi si Jesus ang Cristo. Siya ang anti-Cristo. Ayaw niyang kilalanin ang Ama at ang Anak. 23 Ang taong hindi kumikilala sa Anak, hindi sumasakanya ang Ama. Ngunit ang taong kumikilala sa Anak, sumasakanya ang Ama.
24 Huwag ninyong kalimutan ang mga natutunan ninyo mula pa noong una, upang patuloy kayong mamuhay nang may pagkakaisa sa Anak at sa Ama. 25 Sa ganoon, mapapasainyo ang ipinangako ni Cristo: ang buhay na walang hanggan.
26 Isinusulat ko sa inyo ang tungkol sa mga taong nanlilinlang sa inyo. 27 Kung tungkol naman sa inyo, ang Banal na Espiritu[a] na tinanggap ninyo kay Cristo ay nananatili sa inyo, kaya hindi na kailangang turuan pa kayo ng iba. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa inyo sa lahat ng bagay. At ang mga itinuturo niya ay katotohanan at hindi kasinungalingan. At gaya ng itinuro niya sa inyo, manatili kayo kay Cristo.
28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya, upang magkaroon tayo ng kapanatagan sa kanyang pagbabalik, at hindi tayo mapahiya pagdating ng araw na iyon. 29 Alam ninyo na si Cristo ay matuwid, kaya makasisiguro kayo na ang lahat ng taong gumagawa ng matuwid ay mga anak ng Dios.
Mga Pag-uusig na Darating(A)
16 “Tandaan ninyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayo gaya ng mga ahas, at kasing-amo ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadakpin nila kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sambahan. 18 Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo iyon para magpatotoo sa kanila at sa mga hindi Judio ng tungkol sa akin. 19 At kapag dinala kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano kayo sasagot, dahil ibibigay ng Dios sa inyo sa sandaling iyon ang sasabihin ninyo. 20 Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama. Siya ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”
21 “Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas 23 Kapag inuusig kayo sa isang bayan, pumunta kayo sa ibang bayan. Dahil ang totoo, hindi pa man ninyo nalilibot ang lahat ng bayan ng Israel, ako na Anak ng Tao ay babalik na.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®