Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.
66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
2 awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
3 Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
4 Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)
5 Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
6 Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
7 siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)
8 O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
9 na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.
13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)
16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.
20 Purihin ang Diyos,
sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Isang Salmo. Isang Awit.
67 Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain,
at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah)
2 upang ang iyong daan ay malaman sa lupa,
ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa.
3 Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan!
4 Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan,
sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan,
at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah)
5 Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan.
6 Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa;
ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala;
7 Ang Diyos ang sa amin ay nagpala;
matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa!
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
2 Sa araw-araw ay nagsasalita,
at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
3 Walang pananalita o mga salita man;
ang kanilang tinig ay hindi narinig.
4 Ngunit(A) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.
Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
5 na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
6 Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.
Ang Kautusan ng Diyos
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
at sa pulot-pukyutang tumutulo.
11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.
Ang Diyos ay Kasama Natin
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.
46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
isang handang saklolo sa kabagabagan.
2 Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
3 bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)
4 May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
5 Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
tutulungan siyang maaga ng Diyos.
6 Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
7 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
8 Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
9 Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
Ako'y mamumuno sa mga bansa,
ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
Ang Nagniningas na Puno
3 Noon ay inaalagaan ni Moises ang kawan ni Jetro na kanyang biyenan na pari sa Midian; kanyang pinatnubayan ang kawan sa kabila ng ilang at nakarating sa bundok ng Diyos, sa Horeb.
2 Ang(A) anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punungkahoy. Siya'y nagmasid at ang punungkahoy ay nagliliyab ngunit ito'y hindi nasusunog.
3 Sinabi ni Moises, “Ako'y pupunta sa kabila at titingnan ko itong dakilang panooring ito, kung bakit ang punungkahoy ay hindi nasusunog.”
4 Nang makita ng Panginoon na siya'y pumunta sa kabila upang tumingin ay tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng mababang punungkahoy, “Moises, Moises.” Sumagot siya, “Narito ako.”
5 Kanyang sinabi, “Huwag kang lumapit dito. Hubarin mo ang sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.”
6 Sinabi pa niya, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Si Moises ay nagtakip ng kanyang mukha sapagkat siya'y natakot na tumingin sa Diyos.
Sinugo ng Diyos si Moises
7 Sinabi ng Panginoon, “Aking nakita ang paghihirap ng aking bayan na nasa Ehipto at aking narinig ang kanilang daing dahil sa mga umaapi sa kanila. Talagang nalalaman ko ang kanilang pagdurusa.
8 Ako'y bumaba upang iligtas sila mula sa kamay ng mga Ehipcio at upang sila'y dalhin sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing iyon, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, sa lugar ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at Jebuseo.
9 At ngayon, ang daing ng mga anak ni Israel ay nakarating sa akin, at nakita ko rin ang pang-aapi na ginawa sa kanila ng mga Ehipcio.
10 Halika, ikaw ay aking susuguin kay Faraon upang iyong ilabas sa Ehipto ang aking bayan, ang mga anak ni Israel.”
11 Sinabi ni Moises sa Diyos, “Sino ako upang pumaroon kay Faraon at upang ilabas sa Ehipto ang mga anak ni Israel?”
12 Kanyang sinabi, “Ako'y makakasama mo; at ito'y magiging tanda sa iyo na ikaw ay aking sinugo: kapag iyong nailabas na sa Ehipto ang bayan, sasambahin ninyo ang Diyos sa bundok na ito.”
18 Sapagkat(A) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahihipo, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos,
19 sa tunog ng trumpeta, at sa tunog ng mga salita na ang nakarinig ay nakiusap na huwag nang magsalita pa sa kanila ng anuman.
20 Sapagkat(B) hindi nila matiis ang iniuutos na, “Maging isang hayop man ang tumuntong sa bundok ay pagbababatuhin.”
21 At(C) kakilakilabot ang nakikita kaya't sinabi ni Moises, “Ako'y natatakot at nanginginig.”
22 Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buháy, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di-mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon,
23 at sa kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal,
24 at(D) kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel.
25 Pag-ingatan(E) ninyong huwag itakuwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakuwil sa nagbabala sa kanila sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit!
26 Sa(F) pagkakataong iyon niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y nangako siya na sinasabi, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.”
27 Ngayon ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig.
28 Kaya't yamang tinanggap natin ang isang kahariang hindi mayayanig, magkaroon tayo ng biyaya na sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayo sa Diyos ng kalugud-lugod na paglilingkod, na may paggalang at takot,
29 sapagkat(G) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.
Ang Pagbabalik ng Pitumpu
17 Bumalik ang pitumpu na may kagalakan na nagsabi, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin sa iyong pangalan!”
18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit.
19 Tingnan ninyo,(A) binigyan ko kayo ng awtoridad na tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo.
20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo, kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.”
Nagalak si Jesus(B)
21 Nang oras ding iyon, nagalak siya sa Espiritu Santo[a] at sinabi, “Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong ikinubli ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo ang mga ito sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakakalugod sa iyong harapan.
22 Ang(C) lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak, maliban sa Ama, at kung sino ang Ama maliban sa Anak at kaninumang ninanais ng Anak na pagpahayagan niya.”
23 At pagharap niya sa mga alagad ay palihim niyang sinabi, “Mapapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita.
24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig at hindi nila narinig.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001