Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 20-21

Dalangin para Magtagumpay ang Kaibigan

20 Sa oras ng kaguluhan, pakinggan sana ng Panginoon ang iyong mga daing.
    At sanaʼy ingatan ka ng Dios ni Jacob.
Sanaʼy tulungan ka niya mula sa kanyang templo roon sa Zion.
Sanaʼy tanggapin niya ang iyong mga handog,
    pati na ang iyong mga haing sinusunog.
Sanaʼy ibigay niya ang iyong kahilingan,
    at ang iyong mga binabalak ay magtagumpay.
Sa pagtatagumpay mo kami ay sisigaw sa kagalakan,
    at magdiriwang na nagpupuri sa ating Dios.
    Ibigay nawa ng Panginoon ang lahat mong kahilingan.
Ngayon ay alam kong ang Dios ang nagbibigay ng tagumpay sa haring kanyang hinirang,
    at sinasagot niya mula sa banal na langit ang kanyang dalangin,
    at lagi niyang pinagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma,
    ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.
Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak,
    ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.

Panginoon, pagtagumpayin nʼyo ang hinirang nʼyong hari.
    At sagutin nʼyo kami kapag kami ay tumawag sa inyo.

Pagpupuri sa Pagtatagumpay

21 Panginoon, sobrang galak ng hari
    dahil binigyan nʼyo siya ng kalakasan.
    Siyaʼy tuwang-tuwa dahil binigyan nʼyo siya ng tagumpay.
Ibinigay nʼyo sa kanya ang kanyang hinahangad;
    hindi nʼyo ipinagkait ang kanyang kahilingan.
Tinanggap nʼyo siya, at pinagkalooban ng masaganang pagpapala.
    Pinutungan nʼyo ang ulo niya ng koronang yari sa purong ginto.
Hiniling niya sa inyo na dagdagan ang buhay niya,
    at binigyan nʼyo siya ng mahabang buhay.
Dahil sa pagbibigay nʼyo ng tagumpay sa kanya,
    naging tanyag siya at makapangyarihan.
6-7 Dahil nagtitiwala siya sa inyo, Panginoon,
    pinagpala nʼyo siya ng mga pagpapalang walang katapusan,
    at pinasaya nʼyo siya sa inyong piling.
At dahil minamahal nʼyo siya nang tapat, Kataas-taasang Dios,
    hindi siya mabubuwal.

Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
    matatalo nʼyo ang lahat nʼyong mga kaaway.
At kapag kayo ay dumating Panginoon, lilipulin nʼyo sila.
    Dahil sa galit nʼyo, tutupukin sila na parang dayami sa naglalagablab na apoy.
10 Uubusin nʼyo ang lahat ng mga anak nila sa buong kalupaan,
    upang wala nang magpatuloy ng kanilang lahing masama.
11 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyo,
    ngunit hindi sila magtatagumpay.
12 Tatakas sila kapag nakita nilang nakatutok na sa kanila ang inyong pana.
13 Panginoon, pinupuri namin kayo
    dahil sa inyong kalakasan.
    Aawit kami ng mga papuri
    dahil sa inyong kapangyarihan.

Salmo 110

Ang Panginoon at ang Kanyang Hinirang na Hari

110 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,[a]
    “Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”

Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion,
    at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
Sa panahon ng iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang-loob na tutulong sa iyo ang iyong mga tao.
    Ang mga kabataang iyong nasasakupan ay pupunta sa iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga.
Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya niya,
    na ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melkizedek.
Ang Panginoon ay kasama mo.
    Parurusahan niya ang maraming hari sa oras ng kanyang galit.
Parurusahan niya ang mga bansa,
    at marami ang kanyang papatayin.
    Lilipulin niya ang mga namumuno sa buong mundo.

Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabi ng daan,
    kaya muli kayong lalakas at magtatagumpay.

Salmo 116-117

Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan

116 Mahal ko ang Panginoon,
    dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
Dahil pinakikinggan niya ako,
    patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.

Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
    Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
    Nag-aalala ako at naguguluhan,
kaya tumawag ako sa Panginoon,
    Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”

Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
    Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.

Magpapakatatag ako,
    dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
10 Kahit na sinabi kong, “Sukdulan na ang paghihirap ko,” nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong, “Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.

15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]

16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
    Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
    at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.

    Purihin ang Panginoon!

Papuri sa Panginoon

117 Purihin nʼyo at parangalan ang Panginoon, kayong lahat ng mamamayan ng mga bansa!
Dahil napakadakila ng pag-ibig sa atin ng Panginoon,
    at ang kanyang katapatan ay walang hanggan.

    Purihin ninyo ang Panginoon!

Kawikaan 25:15-28

15 Ang mapagpasensya at ang mahinahon magsalita ay makapanghihikayat ng mga pinuno at kahit na ng may matitigas na puso.
16 Huwag kang kakain ng labis na pulot at baka magsuka ka.
17 Huwag kang dadalaw ng madalas sa iyong kapitbahay, baka magalit siya at sa iyo ay magsawa.
18 Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa ay nakakapinsala tulad ng espada, pamalo at pana.
19 Ang pagtitiwala sa taong hindi mapagkakatiwalaan sa oras ng pangangailangan ay walang kwenta tulad ng paang pilay o ngiping umuuga.
20 Kung aawitan mo ng masayang awitin ang taong nasa matinding kapighatian ay para mo na rin siyang hinubaran sa panahon ng taglamig o kayaʼy nilagyan mo ng suka ang kanyang sugat.
21 Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kapag nauuhaw, painumin mo.
22 Kapag ginawa mo ito mahihiya siya sa iyo at ang Panginoon ang magpapala sa iyo.
23 Kung paanong ang hanging habagat ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang naninira ng kapwa.
24 Mas mabuting tumira ng mag-isa sa bubungan ng bahay[a] kaysa sa loob ng bahay na kasama ang asawang palaaway.
25 Ang magandang balita mula sa malayong lugar ay parang malamig na tubig sa taong nauuhaw.
26 Ang matuwid na umaayon sa gawain ng masamang tao ay parang maruming balon at malabong bukal.
27 Kung paanong masama ang pagkain ng labis na pulot, ganoon din ang paghahangad ng sariling kapurihan.
28 Ang taong walang pagpipigil sa sarili ay madaling bumagsak gaya ng isang bayan na walang pader.

Filipos 1:1-11

Pagbati mula kay Pablo

Mula kay Pablo, kasama si Timoteo na kapwa ko lingkod[a] ni Jesu-Cristo.

Mahal kong mga banal[b] na nakay Cristo Jesus diyan sa Filipos, kasama ng mga namumuno sa inyo at ng mga tumutulong sa kanila:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Tuwing naaalala ko kayo, nagpapasalamat ako sa Dios, at palagi akong masaya sa tuwing nananalangin ako para sa inyong lahat; dahil mula pa nang sumampalataya kayo hanggang ngayon ay katulong ko na kayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita. Natitiyak kong ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus. Dapat lang na ganito ang maramdaman ko dahil mahal ko kayo. Naging kabahagi kayo sa gawaing ibinigay ng Dios sa akin, kahit na nakabilanggo ako ngayong nagtatanggol at nagpapatunay sa Magandang Balita. Alam ng Dios na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Cristo Jesus sa inyo.

Ipinapanalangin ko na lalo pang lumago ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa, 10 para mapili nʼyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo. 11 Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios.

Juan 18:1-14

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

18 Pagkatapos manalangin ni Jesus, umalis siya kasama ang mga tagasunod niya at tumawid sila sa Lambak ng Kidron. Pumunta sila sa isang lugar na may taniman ng mga olibo. Alam ng traydor na si Judas ang lugar na iyon, dahil madalas magtipon doon si Jesus at ang mga tagasunod niya. Kaya pumunta roon si Judas kasama ang isang pangkat ng mga Romanong sundalo at ilang mga guwardya sa templo na isinugo ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo. May dala-dala silang mga sulo at mga sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya sinalubong niya sila at tinanong, “Sino ang hinahanap nʼyo?” Sumagot sila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako iyon.”

Naroon din ang traydor na si Judas na nakatayong kasama ng mga taong naghahanap kay Jesus. Nang sabihin ni Jesus na siya ang hinahanap nila, napaurong sila at natumba sa lupa. Kaya muling nagtanong si Jesus, “Sino ang hinahanap nʼyo?” Sumagot silang muli, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi baʼt sinabi ko na sa inyo na ako iyon? Kung ako nga ang hinahanap nʼyo, hayaan nʼyong makaalis ang mga kasama ko.” (Sinabi niya ito para matupad ang sinabi niya sa Ama, “Wala ni isa mang napahamak sa mga ibinigay mo sa akin.”) 10 Sa pagkakataong iyon, bumunot ng espada si Simon Pedro at tinaga ang alipin ng punong pari. Naputol ang kanang tainga ng alipin na ang pangalan ay Malcus. 11 Pero sinaway ni Jesus si Pedro, “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito. Sa palagay mo baʼy hindi ko titiisin ang paghihirap na ibinigay sa akin[a] ng Ama?”

Dinala si Jesus kay Anas

12 Dinakip si Jesus ng mga Romanong sundalo sa pangunguna ng kanilang kapitan, kasama ng mga guwardyang Judio. Siyaʼy iginapos nila at 13 dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas. Si Caifas ang punong pari nang taon na iyon, 14 at siya ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na mabuting mamatay ang isang tao kaysa sa mapahamak ang buong bansa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®