Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 56-58

Sa(A) Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Kalapati sa Malayong mga Puno ng Roble. Miktam ni David, nang hulihin siya ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka sa akin, O Diyos ko, sapagkat niyuyurakan ako ng mga tao;
    buong araw na pag-aaway, inaapi niya ako,
sa buong araw ay niyuyurakan ako ng mga kaaway,
    sapagkat marami ang may kapalaluang sa akin ay lumalaban.
Kapag natatakot ako,
    aking inilalagak ang tiwala ko sa iyo.
Sa Diyos na pinupuri ko ang salita,
    sa Diyos ay inilagay ko ang aking tiwala,
    ang laman sa akin ay ano ang magagawa?

Buong araw ay sinisikap nilang saktan ang aking kalagayan;
    lahat ng kanilang mga pag-iisip ay laban sa aking ikasasama.
Sila'y nagsama-sama, sila'y nagsisipagkubli,
    binabantayan nila ang aking mga hakbang,
gaya ng kanilang pag-aabang sa aking buhay.
    Kaya't gantihan mo sila sa kanilang kasamaan;
    sa galit ay ilugmok mo, O Diyos, ang mga bayan!

Iyong ibinilang ang aking mga paglalakbay,
    ilagay mo ang aking mga luha sa botelya mo!
    Wala ba sila sa aklat mo?
Kung magkagayo'y tatalikod ang aking mga kaaway
    sa araw na ako'y tumawag.
    Ito'y nalalaman ko, sapagkat ang Diyos ay kakampi ko.
10 Sa Diyos, na ang mga salita ay aking pinupuri,
    sa Panginoon, na ang mga salita ay aking pinupuri,
11 sa Diyos ay walang takot na nagtitiwala ako.
    Anong magagawa sa akin ng tao?
12 Ang iyong mga panata ay sa akin, O Diyos,
    ako'y mag-aalay ng mga handog ng pasasalamat sa iyo.
13 Sapagkat iniligtas mo sa kamatayan ang aking kaluluwa,
    at sa pagkahulog ang aking mga paa,
upang ako'y makalakad sa harapan ng Diyos
    sa liwanag ng buhay.

Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wawasakin. Miktam ni David, nang siya ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Maawa ka sa akin, O Diyos, sa akin ay maawa ka,
    sapagkat nanganganlong sa iyo ang aking kaluluwa,
sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako,
    hanggang sa makaraan ang mga pagkawasak na ito.
Sa Diyos na Kataas-taasan ako'y dumaraing,
    sa Diyos na nagsasagawa ng lahat na mga bagay sa akin.
Siya'y magsusugo mula sa langit at ako'y ililigtas
    ilalagay niya sa kahihiyan ang sa akin ay yumuyurak, (Selah)
Susuguin ng Diyos ang kanyang pag-ibig na tapat at ang kanyang katapatan!

Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon,
    ako'y nahihiga sa gitna ng mga taong bumubuga ng apoy,
sa mga anak ng tao na ang mga ngipin ay sibat at mga pana,
    at matalas na mga tabak ang kanilang dila.
Mabunyi ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit, ikaw naging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Naglagay sila ng silo para sa aking mga hakbang;
    ang aking kaluluwa ay nakayuko.
Sila'y gumawa ng isang hukay sa aking daan,
    ngunit sila mismo ang doon ay nabuwal. (Selah)
Ang aking puso ay tapat, O Diyos,
    ang aking puso ay tapat!
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri!
    Gumising ka, aking kaluwalhatian!
Gumising ka, O lira at alpa!
    Gigisingin ko ang bukang-liwayway!
Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan.
    Ako'y aawit sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.
10 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang sa mga langit,
    ang iyong katapatan hanggang sa mga ulap.

11 O Diyos, sa itaas ng kalangitan, ikaw ay maging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David.

58 Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos?
    Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao?
Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian;
    sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang.

Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata,
    silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak.
Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas,
    gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig,
kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador,
    ni ang tusong manggagayuma.

O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig;
    tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O Panginoon!
Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila,
    kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol.
Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy,
    gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman.
Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag,
    kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas.

10 Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti;
    kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama.
11 Sasabihin ng mga tao, “Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala,
    tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa.”

Mga Awit 64-65

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

64 Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan;
    ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama,
    sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan,
na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada,
    na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana,
upang patagong panain nila ang walang sala;
    bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot.
Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin;
    ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim,
sinasabi, “Sinong makakakita sa atin?”
    Sila'y kumakatha ng mga kasamaan.
“Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti.”
    Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim!

Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila,
    sila'y masusugatang bigla.
Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila;
    at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila.
At lahat ng mga tao ay matatakot;
    kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos,
    at bubulayin ang kanyang ginawa.

10 Ang taong matuwid ay magagalak sa Panginoon,
    at sa kanya ay manganganlong,
at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati!

Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.

65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
    at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
    O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
    tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
    upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
    ng iyong templong banal!

Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
    O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
    at ng mga dagat na pinakamalayo.
Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
    palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
    ng ugong ng kanilang mga alon,
    at ng pagkakaingay ng mga bayan.
Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.

Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
    iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
    ang kanilang butil ay inihahanda mo,
    sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
    iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
    at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
    ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
    ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
    ang mga libis ay natatakpan ng butil,
    sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.

Error: 'Ecclesiastico 38:24-34' not found for the version: Ang Biblia, 2001
Apocalipsis 14:1-13

Ang Kordero at ang 144,000

14 Pagkatapos(A) ay tumingin ako, at naroon ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isandaan at apatnapu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kanyang Ama, na nakasulat sa kanilang mga noo.

At narinig ko ang isang tinig mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog; ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa.

At sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit sa harapan ng trono, at sa harapan ng apat na nilalang na buháy at ng matatanda. Walang sinumang natuto ng awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libo lamang, na tinubos mula sa lupa.

Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang sarili sa mga babae; sapagkat sila'y malilinis.[a] Ang mga ito'y ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya magtungo. Ang mga ito'y ang tinubos mula sa mga tao, bilang mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero.

At(B) sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila'y mga walang dungis.

Ang Tatlong Anghel

At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan.

Sinabi niya sa malakas na tinig, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa kanya, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghuhukom, at sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”

At(C) isa pang anghel, ang pangalawa, ay sumunod na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang pakikiapid.”

At isa pang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na sinasabi sa malakas na tinig, “Kung ang sinuman ay sumasamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay,

10 ay(D) iinom din naman ng alak ng poot ng Diyos, na inihahandang walang halo sa kopa ng kanyang poot at pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero.

11 At(E) ang usok ng hirap nila ay papailanglang magpakailanpaman; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng tanda ng kanyang pangalan.

12 Narito ang panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sa mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak ng matatag sa pananampalataya ni Jesus.[b]

13 At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon.” “Oo,” sinasabi ng Espiritu, “sila'y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.”

Lucas 12:49-59

Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(A)

49 “Ako'y naparito upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sana na ito ay nagniningas na!

50 Ako'y(B) mayroong bautismo na ibabautismo sa akin, at ako'y nababagabag hanggang hindi ito nagaganap!

51 Sa palagay ba ninyo ay pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Hindi! Sinasabi ko sa inyo, sa halip ay pagkakabaha-bahagi.

52 Sapagkat mula ngayon ang lima sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi; tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.

53 Sila'y(C) magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki, at ang anak na lalaki laban sa ama; ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa kanyang ina; ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”

Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(D)

54 Sinabi rin niya sa napakaraming tao, “Kapag may nakita kayong ulap na tumataas sa kanluran ay agad ninyong sinasabi na may darating na malakas na ulan, at gayon nga ang nangyayari.

55 At kapag nakikita ninyong humihihip ang hanging habagat ay sinasabi ninyo, na magkakaroon ng matinding init, at ito'y nangyayari.

56 Kayong mga mapagkunwari! Marunong kayong magbigay ng kahulugan sa anyo ng lupa at ng langit, subalit bakit hindi kayo marunong magbigay ng kahulugan sa kasalukuyang panahon?

Makipag-ayos sa Iyong Kalaban(E)

57 At bakit hindi ninyo hatulan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid?

58 Kaya habang patungo ka sa hukom na kasama ang sa iyo'y nagsakdal, sa daan ay sikapin mo nang makipag-ayos sa kanya, kung hindi ay kakaladkarin ka niya sa hukom, at ibibigay ka ng hukom sa punong-tanod, at ipapasok ka ng punong-tanod sa bilangguan.

59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang kusing.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001