Book of Common Prayer
Awit ni David.
24 Ang(A) lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito;
ang sanlibutan, at silang naninirahan dito;
2 sapagkat itinatag niya ito sa ibabaw ng mga dagat,
at itinayo sa ibabaw ng mga ilog.
3 Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon?
At sinong tatayo sa kanyang dakong banal?
4 Siyang(B) may malilinis na kamay at may pusong dalisay,
na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo,
at hindi sumusumpa na may panlilinlang.
5 Mula sa Panginoon, pagpapala'y kanyang kakamtan,
at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan.
6 Gayon ang salinlahi ng mga nagsisihanap sa kanya,
na nagsisihanap ng mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah)
7 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
at kayo'y mátaas, kayong matatandang pintuan!
upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoon, malakas at makapangyarihan,
ang Panginoon, makapangyarihan sa pakikipaglaban.
9 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
at itaas kayo, kayong matatandang pintuan!
upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoon ng mga hukbo,
siya ang Hari ng kaluwalhatian! (Selah)
Awit ni David.
29 Mag-ukol(A) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
2 Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.
3 Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.
5 Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
6 Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.
7 Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
8 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.
9 Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
at hinuhubaran ang mga gubat;
at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”
10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.
8 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!
Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
2 mula(A) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.
3 Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
4 ano(B) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?
5 Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
6 Binigyan(C) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
7 lahat ng tupa at baka,
gayundin ang mga hayop sa parang,
8 ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.
9 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.
84 Napakaganda ng tahanan mo,
O Panginoon ng mga hukbo!
2 Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
sa buháy na Diyos.
3 Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
Hari ko, at Diyos ko.
4 Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)
5 Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
6 Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
7 Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
9 Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!
Ang Pang-aapi sa mga Dukha
5 Nagkaroon ng malakas na pagtutol ang taong-bayan at ang kanilang mga asawa laban sa kanilang mga kapatid na mga Judio.
2 Sapagkat may nagsabi, “Kasama ang ating mga anak na lalaki at babae, tayo ay marami; kumuha tayo ng trigo upang tayo'y may makain at manatiling buháy.”
3 May nagsabi rin, “Aming isinasangla ang aming mga bukid, mga ubasan, at mga bahay upang makakuha ng butil dahil sa taggutom.”
4 May nagsabi rin, “Kami'y nanghiram ng salapi para sa buwis ng hari na ipinataw sa aming mga bukid at aming mga ubasan.
5 Ngayon ang aming laman ay gaya rin ng laman ng aming mga kapatid, ang aming mga anak ay gaya ng kanilang mga anak, ngunit aming pinipilit ang aming mga anak na lalaki at babae upang maging mga alipin, at ang ilan sa aming mga anak na babae ay naging alipin na. Ngunit wala kaming kakayahang makatulong, sapagkat nasa ibang mga tao ang aming bukid at mga ubasan.”
6 Ako'y galit na galit nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga pagtutol na ito.
7 Pagkatapos(A) na pag-isipan ito, pinaratangan ko ang mga maharlika at ang mga pinuno, at sinabi ko sa kanila, “Kayo'y nagpapatubo maging sa inyong sariling kapatid.” Ako'y nagpatawag ng malaking pagtitipon laban sa kanila.
8 Sinabi ko sa kanila, “Kami, sa abot ng aming makakaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio na ipinagbili sa mga bansa; ngunit inyo pang ipinagbili ang inyong mga kapatid upang sila'y maipagbili sa amin!” Sila'y tumahimik at walang masabing anuman.
9 Kaya't sinabi ko, “Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti. Hindi ba marapat na kayo'y lumakad na may takot sa ating Diyos, upang maiwasan ang pag-alipusta ng ating mga kaaway na bansa?
10 Gayundin, ako at ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nagpahiram sa kanila ng salapi at butil. Tigilan na natin ang ganitong pagpapatubo.
11 Isauli ninyo sa kanila sa araw ding ito ang kanilang mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, mga bahay, gayundin ang ika-isandaang bahagi ng salapi, trigo, alak, at langis na inyong ipinapataw sa kanila.”
12 Pagkatapos ay sinabi nila, “Isasauli namin ang mga ito at wala kaming hihingin sa kanila. Gagawin namin ang ayon sa iyong sinasabi.” Tinawag ko ang mga pari at pinanumpa ko sila na gawin ang ayon sa ipinangako nila.
13 Ipinagpag ko rin ang laylayan ng aking damit at sinabi, “Ganito nawa pagpagin ng Diyos ang bawat tao mula sa kanyang bahay at mula sa kanyang gawain na hindi tumupad ng pangakong ito. Ganito nawa siya maipagpag at mahubaran.” At ang buong kapulungan ay nagsabi, “Amen” at pinuri ang Panginoon. At ginawa ng taong-bayan ang ayon sa kanilang ipinangako.
Ang Pagiging Di-makasarili ni Nehemias
14 Bukod dito, mula nang panahong ako'y hirangin na maging tagapamahala nila sa lupain ng Juda, mula sa ikadalawampung taon hanggang sa ikatatlumpu't dalawang taon ni Haring Artaxerxes, samakatuwid ay labindalawang taon, ako at ang aking mga kapatid ay hindi kumain ng pagkaing panustos para sa tagapamahala.
15 Ang mga dating tagapamahalang nauna sa akin ay nagpataw ng mabigat na pasanin sa taong-bayan, at kumuha sa kanila ng pagkain at alak, bukod sa apatnapung siklong pilak. Maging ang kanilang mga lingkod ay nagmalupit sa taong-bayan. Ngunit iyon ay hindi ko ginawa, dahil sa takot sa Diyos.
16 Itinalaga ko ang aking sarili sa gawain sa pader na ito, at hindi bumili ng lupain; at ang lahat ng aking mga lingkod ay nagtipun-tipon doon para sa gawain.
17 Bukod dito'y nagkaroon sa aking hapag ng isandaan at limampung katao, mga Judio at mga pinuno, bukod sa pumunta sa amin mula sa mga bansang nasa palibot namin.
18 Ang inihahanda sa bawat araw ay isang baka at anim na tupang pinili; ang mga manok ay inihanda rin para sa akin, at bawat sampung araw ay maraming sari-saring alak. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito ay hindi ako humingi ng pagkaing panustos para sa tagapamahala, dahil sa mabigat na pasanin ng paggawa na nasa taong-bayan.
19 O aking Diyos, alalahanin mo para sa aking ikabubuti, ang lahat ng aking ginawa para sa bayang ito.
Ang Huling Dalaw ni Pablo sa Troas
7 Nang unang araw ng sanlinggo, nang kami ay nagtitipon upang magputul-putol ng tinapay, si Pablo ay nagsalita sa kanila; yamang nagbabalak siya na umalis kinabukasan, nagpatuloy siya sa pagsasalita hanggang hatinggabi.
8 Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin.
9 At may isang binata na ang pangalan ay Eutico na nakaupo sa bintana. Nakatulog siya nang mahimbing samantalang si Pablo ay nagsasalita nang mahaba; at dahil natalo ng antok ay nahulog siya mula sa ikatlong palapag, at siya'y patay na binuhat.
10 Ngunit nanaog si Pablo, dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, “Huwag kayong mabahala sapagkat nasa kanya ang kanyang buhay.”
11 Nang si Pablo ay makapanhik na at makapagputul-putol na ng tinapay at makakain na, nakipag-usap siya sa kanila nang matagal hanggang sa sumikat ang araw, pagkatapos siya'y umalis na.
12 Kanilang dinalang buháy ang binata, at lubusan silang naaliw.
Pagtitiwala sa Diyos(A)
22 At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin; o sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot.
23 Sapagkat ang buhay ay higit kaysa pagkain at ang katawan ay higit kaysa damit.
24 Pansinin ninyo ang mga uwak. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas man. Sila'y walang imbakan ni kamalig man, subalit sila'y pinapakain ng Diyos. Gaano pang higit kayong mahalaga kaysa mga ibon!
25 At sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras sa haba ng kanyang buhay?[a]
26 Kung hindi nga ninyo magawa ang ganoong kaliit na bagay, bakit mag-aalala kayo tungkol sa mga ibang bagay?
27 Pansinin(B) ninyo ang mga liryo, kung paano silang tumutubo. Hindi sila nagpapagal o humahabi man, subalit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagbihis na gaya ng isa sa mga ito.
28 Ngunit kung dinadamitan ng Diyos nang ganito ang damo sa parang na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa pugon, gaano pa kaya kayo na kanyang dadamitan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
29 At huwag ninyong laging hanapin kung ano ang inyong kakainin, kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabalisa.
30 Sapagkat ang mga bagay na ito ang siyang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa sanlibutan, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.
31 Subalit, hanapin ninyo ang kanyang kaharian at lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001