Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 101

Awit ni David.

101 Ako'y aawit tungkol sa katapatan at katarungan,
    sa iyo, O Panginoon, aawit ako.
Aking susundin ang daang matuwid.
    O kailan ka darating sa akin?
Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay
    na may tapat na puso.
Hindi ko ilalagay sa harapan ng aking mga mata
    ang anumang hamak na bagay.
Kinapopootan ko ang gawa ng mga tumalikod;
hindi ito kakapit sa akin.
Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin,
    hindi ako makakaalam ng masamang bagay.

Ang lihim na naninirang-puri sa kanyang kapwa
    ay aking pupuksain.
Ang taong may mapagmataas na tingin at may palalong puso
    ay hindi ko titiisin.

Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain,
    upang sila'y makatirang kasama ko.
Siya na lumalakad sa sakdal na daan
    ay maglilingkod sa akin.

Walang taong gumagawa ng pandaraya
    ang tatahan sa aking bahay;
walang taong nagsasalita ng kasinungalingan
    ang mananatili sa aking harapan.

Tuwing umaga ay aking lilipulin
    ang lahat ng masama sa lupain,
upang itiwalag ang lahat na manggagawa ng kasamaan
    sa lunsod ng Panginoon.

Mga Awit 109:1-30

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

109 Huwag kang manahimik, O Diyos ng aking pagpupuri!
Sapagkat ang masama at mandarayang bibig ay nabuksan laban sa akin,
    na nagsasalita laban sa akin na may dilang sinungaling.
May mga salita ng pagkapoot na ako'y kanilang pinalibutan,
    at lumaban sa akin nang walang kadahilanan.
Kapalit ng aking pag-ibig sila ay mga tagausig ko,
    ngunit ako ay nasa panalangin.
Kaya't ginantihan nila ng masama ang kabutihan ko,
    at pagkapoot sa pag-ibig ko.

“Pumili kayo ng masamang tao laban sa kanya,
    at tumayo nawa ang isang tagausig sa kanyang kanang kamay.
Kapag siya'y nilitis, lumabas nawa siyang nagkasala,
    at ibilang nawang kasalanan ang kanyang dalangin!
Maging(A) kakaunti nawa ang kanyang mga araw,
    kunin nawa ng iba ang kanyang katungkulan.
Ang kanyang mga anak nawa ay maulila,
    at mabalo ang kanyang asawa!
10 Magsilaboy nawa ang kanyang mga anak, at mamalimos;
    at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga guhong tahanan.
11 Samsamin nawa ng nagpapautang ang lahat niyang kayamanan;
    nakawin nawa ang mga bunga ng kanyang paggawa ng mga dayuhan!
12 Wala nawang maging mabait sa kanya;
    ni maawa sa kanyang mga anak na ulila!
13 Maputol nawa ang kanyang susunod na lahi,
    mapawi nawa ang kanyang pangalan sa ikalawang salinlahi!
14 Maalala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kanyang mga magulang,
    huwag nawang mapawi ang kasalanan ng kanyang ina!
15 Malagay nawa silang patuloy sa harapan ng Panginoon,
    at maputol nawa ang kanyang alaala mula sa lupa!
16 Sapagkat hindi niya naalalang magpakita ng kabaitan,
    kundi inusig ang dukha at nangangailangan,
    at ang may bagbag na puso upang patayin.
17 Iniibig niya ang manumpa, kaya't dumating sa kanya!
    At hindi siya nalugod sa pagpapala, kaya't malayo sa kanya!
18 Nagsusuot siya ng sumpa na parang kanyang damit,
    at pumasok sa kanyang katawan na parang tubig,
    sa kanyang mga buto na gaya ng langis!
19 Ito nawa'y maging gaya ng kasuotang kanyang ibinabalabal,
    gaya ng pamigkis na kanyang ipinamimigkis araw-araw!”

20 Ito nawa ang maging ganti sa mga nagbibintang sa akin mula sa Panginoon,
    sa mga nagsasalita ng kasamaan laban sa aking buhay!
21 Ngunit ikaw, O Diyos kong Panginoon,
    gumawa ka para sa akin alang-alang sa iyong pangalan,
    sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti, iligtas mo ako!
22 Sapagkat ako'y dukha at nangangailangan,
    at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23 Ako'y naglalahong gaya ng anino kapag ito'y humahaba,
    ako'y nililiglig na gaya ng balang.
24 Ang aking mga tuhod ay mahina dahil sa pag-aayuno,
    ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25 Ako(B) nama'y naging hamak sa kanila,
    kapag nakikita nila ako, ang ulo nila ay kanilang iniiling.

26 O Panginoon kong Diyos! Tulungan mo ako;
    ayon sa iyong tapat na pag-ibig ako ay iligtas mo.
27 Hayaan mong malaman nila na ito'y iyong kamay;
    ikaw, O Panginoon, ang gumawa nito!
28 Hayaang sumumpa sila, ngunit magpala ka!
    Kapag sila'y bumangon sila'y mapapahiya, ngunit ang iyong lingkod ay magagalak!
29 Ang akin nawang mga kaaway ay masuotan ng kawalang-dangal;
    mabalot nawa sila sa kanilang kahihiyan na gaya ng sa isang balabal!
30 Sa pamamagitan ng aking bibig ay magpapasalamat ako nang napakalaki sa Panginoon,
    pupurihin ko siya sa gitna ng maraming tao.

Mga Awit 119:121-144

AIN.

121 Aking ginawa ang tama at makatuwiran;
    sa mga umaapi sa akin ay huwag mo akong iwan.
122 Maging panagot ka sa ikabubuti ng iyong lingkod,
    huwag mong hayaang apihin ako ng mayabang.
123 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa pagliligtas mo,
    at sa iyong matuwid na pangako.
124 Pakitunguhan mo ang iyong lingkod ng ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
    at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin.
125 Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng kaunawaan,
    upang ang mga patotoo mo ay aking malaman!
126 Panahon na upang kumilos ang Panginoon,
    sapagkat ang kautusan mo ay nilabag.
127 Kaya't aking iniibig ang mga utos mo
    nang higit kaysa ginto, higit kaysa dalisay na ginto.
128 Kaya't aking pinapahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay;
    kinasusuklaman ko ang bawat huwad na daan.

PE.

129 Kahanga-hanga ang mga patotoo mo,
    kaya't sila'y iniingatan ng kaluluwa ko.
130 Ang paghahayag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng kaliwanagan;
    nagbibigay ng unawa sa walang karunungan.
131 Binuksan ko ang aking bibig ng maluwag at humihingal ako,
    sapagkat ako'y nasasabik sa mga utos mo.
132 Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin,
    gaya ng sa umiibig ng iyong pangalan ay kinaugalian mong gawin.
133 Gawin mong matatag ang mga hakbang ko ayon sa iyong pangako,
    at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang kasamaan.
134 Tubusin mo ako sa kalupitan ng tao,
    upang aking matupad ang mga tuntunin mo.
135 Paliwanagin mo ang iyong mukha sa lingkod mo,
    at ituro mo sa akin ang mga alituntunin mo.
136 Inaagusan ng mga luha ang mga mata ko,
    sapagkat hindi nila tinutupad ang kautusan mo.

TZADDI.

137 Matuwid ka, O Panginoon,
    at matuwid ang iyong mga hatol.
138 Itinakda mo ang iyong mga patotoo sa katuwiran
    at sa buong katapatan.
139 Tinunaw ako ng sigasig ko,
    sapagkat kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo.
140 Totoong dalisay ang salita mo,
    kaya't iniibig ito ng lingkod mo.
141 Ako'y maliit at hinahamak,
    gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga batas.
142 Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran,
    at ang kautusan mo'y katotohanan.
143 Dumating sa akin ang dalamhati at kabagabagan,
    at ang mga utos mo'y aking kasiyahan.
144 Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailanman;
    bigyan mo ako ng pang-unawa upang ako'y mabuhay.

Malakias 1:1

Ang Pag-ibig ng Panginoon sa Jacob

Ang pahayag ng salita ng Panginoon sa Israel sa pamamagitan ni Malakias.

Malakias 1:6-14

Pinangaralan ng Panginoon ang mga Pari

“Iginagalang ng anak ang kanyang ama, at ng mga utusan ang kanilang amo. Kung ako nga'y isang ama, nasaan ang karangalang nararapat sa akin? At kung ako'y amo, nasaan ang paggalang na para sa akin? sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo sa inyo, O mga pari, na humahamak sa aking pangalan. Inyong sinasabi, ‘Paano namin hinamak ang iyong pangalan?’

Kayo'y naghahandog ng maruming pagkain sa aking dambana. At inyong sinasabi, ‘Paano ka namin nilapastangan?’ Sa inyong sinasabing ang hapag ng Panginoon ay hamak.

Kapag(A) kayo'y naghahandog ng mga bulag na hayop bilang alay, di ba masama iyon? At kapag kayo'y naghahandog ng pilay at may sakit, hindi ba masama iyon? Subukan mong ihandog iyon sa iyong gobernador, masisiyahan kaya siya sa iyo o papakitaan ka kaya niya ng kabutihan? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

‘Ngayo'y maaari bang inyong hingin ang kabutihan ng Diyos upang pagpalain niya tayo.’ May gayong kaloob sa inyong kamay, magpapakita kaya siya ng paglingap sa alinman sa inyo? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

10 O mayroon sana sa inyong magsara ng mga pinto, upang hindi kayo makapagpaningas ng apoy sa aking dambana nang walang kabuluhan! Hindi ko kayo kinalulugdan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at hindi ako tatanggap ng handog mula sa inyong kamay.

11 Sapagkat mula sa sikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyon, dakila ang aking pangalan sa mga bansa; at sa bawat dako ay paghahandugan ng kamanyang ang aking pangalan, at ng dalisay na handog; sapagkat ang aking pangalan ay dakila sa gitna ng mga bansa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

12 Ngunit inyong nilalapastangan iyon kapag inyong sinasabi na ang hapag ng Panginoon ay nadungisan, at bunga nito, ang pagkain niya ay hamak.

13 Sinasabi rin ninyo, ‘Nakakasawa na ito,’ at inaamoy-amoy pa ninyo ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dinadala ninyo ang nakuha sa dahas, ang pilay, at ang may sakit; at ito ang dinadala ninyo bilang handog! Tatanggapin ko ba ito mula sa inyong kamay? sabi ng Panginoon.

14 Ngunit sumpain ang mandaraya na mayroon sa kanyang kawan na isang lalaki, at ipinangako ito, gayunma'y naghahain ng hayop na may kapintasan sa Panginoon; sapagkat ako'y dakilang Hari, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang aking pangalan ay kinatatakutan ng mga bansa.

Santiago 3:13-4:12

Dalawang Uri ng Karunungan

13 Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kanyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.

14 Ngunit kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagiging makasarili sa inyong puso, huwag kayong magmalaki at huwag kayong magsinungaling laban sa katotohanan.

15 Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi makalupa, makalaman, may sa demonyo.

16 Sapagkat kung saan mayroong paninibugho at pagiging makasarili, doon ay mayroong kaguluhan at bawat gawang masama.

17 Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, mapagbigay, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari.

18 At ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan ng mga gumagawa ng kapayapaan.

Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan

Saan nagmumula ang mga digmaan at saan nagmumula ang mga pag-aaway sa inyo? Hindi ba mula sa inyong mga kalayawan na nakikipaglaban sa inyong mga sangkap?

Kayo'y naghahangad, at kayo'y wala; kayo'y pumapatay at kayo'y nag-iimbot at kayo'y hindi nagkakamit. Kayo'y nag-aaway at nagdidigmaan. Kayo'y wala, sapagkat hindi kayo humihingi.

Kayo'y humihingi, at hindi tumatanggap, sapagkat humihingi kayo sa masamang dahilan, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga kalayawan.

Mga(A) mangangalunya! Hindi ba ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya't sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.

O iniisip ba ninyo na walang kabuluhan ang sinasabi ng kasulatan na, “Ang espiritu na pinatira niya sa atin ay nagnanasa na may paninibugho?”

Ngunit siya'y nagbibigay ng higit pang biyaya. Kaya't sinasabi, “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, subalit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”

Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo.

Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip.

Kayo'y managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan.

10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo.

Babala Laban sa Paghatol

11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kanyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi isang hukom.

12 Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, siya na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya, sino ka na humahatol sa iyong kapwa?

Lucas 17:11-19

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin

11 Habang patungo sa Jerusalem, si Jesus[a] ay dumaan sa pagitan ng Samaria at Galilea.

12 At sa pagpasok niya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin, na nakatayo sa malayo.

13 Sila'y nagsisigaw at nagsabi, “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin.”

14 Nang(A) kanyang makita sila ay sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at kayo'y magpakita sa mga pari.” Habang sila'y umaalis, sila ay nagiging malinis.

15 Nang makita ng isa sa kanila na siya'y gumaling na, siya ay bumalik na pinupuri ng malakas na tinig ang Diyos.

16 Siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus[b] na nagpapasalamat sa kanya. Siya'y isang Samaritano.

17 At nagtanong si Jesus, “Hindi ba sampu ang nalinis? Nasaan ang siyam?

18 Wala bang natagpuang bumalik at nagbigay papuri sa Diyos, maliban sa dayuhang ito?”

19 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumindig ka at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001