Zacarias 1-3
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Panawagan na Manumbalik sa Diyos
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zacarias, anak ni Berequias at apo ni Propeta Iddo. Noong ikawalong buwan, ng ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario ng Persia, nangusap si Yahweh sa kanya. 2 Ipinasabi niya sa mga taga-Juda, “Labis akong napoot sa inyong mga ninuno. 3 Kaya't sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ‘Manumbalik kayo sa akin at kakalingain ko kayo. 4 Huwag kayong tumulad sa inyong mga ninuno. Hindi sila nanumbalik sa akin, hindi nila tinalikuran ang kanilang kasamaan sa kabila ng aking mga panawagan sa pamamagitan ng mga propeta. 5 Nasaan sila ngayon? At ang mga propeta, nanatili ba silang buháy? 6 Ngunit natupad ang lahat ng sinabi ko sa pamamagitan ng mga propeta. Kaya naman sila'y nagsisi at sinabi nilang ginawa ko nga ang aking sinabi tungkol sa kanila na katumbas ng kanilang kasamaan.’”
Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo
7 Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikalabing isang buwan ng ikalawang taon ng pamamahala ni Haring Dario, nagpahayag si Yahweh kay Propeta Zacarias. Ganito ang salaysay ni Zacarias tungkol sa pangyayari, 8 “Kagabi,(B) nagkaroon ako ng pangitain. May nakita akong isang lalaking nakasakay sa kabayong pula. At siya'y huminto sa kalagitnaan ng mga punong mirto sa isang libis. Sa likuran niya ay may mga nakasakay rin sa kabayong pula, sa kabayong puti at sa kabayong batik-batik. 9 Kaya't itinanong ko sa anghel ni Yahweh na nasa tabi ng mirto kung ano ang kahulugan niyon.”
Ang sagot niya, “Halika't ipapaliwanag ko sa iyo. 10 Ang mga ito ay isinugo ni Yahweh upang magmanman sa buong daigdig.”
11 Sinabi ng mga tinutukoy ng anghel ni Yahweh, “Natingnan na po namin ang kalagayan ng buong daigdig; payapa po ang lahat.”
12 Nang magkagayon, sinabi ng anghel, “Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, hanggang kailan mo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda? Pitumpung taon na po silang nagtitiis.”
13 May sinabi si Yahweh sa anghel na kausap ko, mga salitang nakakaaliw at makapagpapalakas ng loob. 14 Pagkatapos, sinabi naman sa akin ng anghel, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Labis ang aking pagmamalasakit sa Jerusalem at sa Zion. 15 At malaki ang galit ko sa mga bansang palalo pagkat labis na ang pahirap nilang ginawa. 16 Kukupkupin kong muli ang Jerusalem at ang aking templo ay muling itatayo. Ibabalik ang dating sukat at kaayusan nito. 17 Muling sasagana ang aking mga lunsod. Ang Zion ay muli kong papatnubayan at hihirangin ang Jerusalem.”
Ang Pangitain tungkol sa mga Sungay at sa Panday
2 Ako'y tumingin at may nakita akong apat na sungay. 2 Tinanong ko ang anghel na kausap ko, “Ano ang kahulugan nito?”
Ang sagot niya sa akin, “Iyan ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel at Jerusalem.”
3 Pagkatapos, apat na panday ang ipinakita ni Yahweh sa akin. 4 Itinanong ko, “Ano ang gagawin nila?” Sumagot siya, “Ang Juda ay lubusang winasak ng mga sungay na nakita mo, anupa't walang makalaban sa kanila. Ipinadala ko ang mga panday na ito upang siyang humarap sa apat na sungay; babaliin nila ang lahat ng sungay na ginamit laban sa Juda.”
Ang Pangitain tungkol sa Lalaking may Panukat
5 Muli akong tumingin at may nakita akong isang lalaking may dalang panukat. 6 Tinanong ko ito, “Saan kayo pupunta?”
“Susukatin ko ang luwang at haba ng Jerusalem,” sagot niya.
7 Walang anu-ano, lumakad ang anghel na kausap ko at sinalubong siya ng isa pang anghel. 8 Sinabi nito sa kanya, “Bilisan mo! Habulin mo ang binatang may dalang panukat at sabihin mo sa kanya na ang Jerusalem ay titirhan ng napakaraming tao at hayop tulad ng bayang walang pader. 9 Si Yahweh mismo ang magiging pader na apoy ng Jerusalem, at ang kaluwalhatian niya'y lulukob sa buong lunsod.”
Tinawagan ang mga Dinalang-bihag
10 “Magmadali kayo!” sabi ni Yahweh. “Umalis kayo sa lupain sa hilaga, kayo na parang ipang inilipad ng hangin sa apat na sulok ng daigdig. 11 Magmadali kayo! Mga taga-Zion na naninirahan sa Babilonia, umuwi na kayo!”
12 Pagkatapos ng pangitaing ito, isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa mga taong nanamsam sa kanyang bayan at ipinasabi ang ganito: “Sinumang lumaban sa aking bayan ay para na ring lumaban sa akin. 13 Bilang parusa ko sa kanila, sila naman ang lulupigin ng mga inalipin nila. Kapag naganap na ito, malalaman nilang isinugo ko ang lalaking ito.”
14 Sinabi pa ni Yahweh, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Zion, sapagkat maninirahan na ako sa inyong kalagitnaan.”
15 Sa araw na iyon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri kay Yahweh at pasasakop sa kanya. Siya'y maninirahan sa inyong kalagitnaan. Sa gayon, malalaman ninyong isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 16 Aangkinin ni Yahweh ang Juda bilang bayang mahal at muli niyang hihirangin ang Jerusalem.
17 Tumahimik kayo sa harapan ni Yahweh, lahat ng nilalang, sapagkat tumayo na siya sa kanyang banal na tahanan.
Ang Pangitain tungkol kay Josue
3 Ipinakita(C) sa akin ni Yahweh ang pinakapunong paring si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ni Yahweh. Siya ay paparatangan ni Satanas na noo'y nasa kanyang kanan. 2 Sinabi(D) ng anghel ni Yahweh kay Satanas,[a] “Hatulan ka nawa ni Yahweh, Satanas. Hatulan ka nawa ni Yahweh na pumili sa Jerusalem. Ang taong ito ay gaya ng isang patpat na inagaw sa apoy.”
3 Nakatayo si Josue sa harapan ng anghel at ang suot ay maruming damit. 4 Sinabi ng anghel sa mga naroon, “Hubarin ang gulanit niyang kasuotan.” Bumaling siya kay Josue at sinabi, “Nilinis na kita sa iyong kasamaan at ngayo'y bibihisan ng magarang kasuotan.”
5 Bumaling muli ang anghel sa kanyang mga inutusan at sinabi, “Suotan ninyo siya ng malinis na turbante.” Gayon nga ang ginawa nila. At binihisan nila si Josue habang nakamasid ang anghel ni Yahweh.
6 Pagkatapos, tinagubilinan si Josue ng anghel ni Yahweh. 7 Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Kung lalakad ka sa aking mga landas at susundin mo ang aking mga utos, pamamahalain kita sa aking templo at sa buong paligid nito. Bukod dito, diringgin ko ang mga dalangin mo tulad ng pagdinig ko sa dalangin ng mga anghel na ito. 8 Makinig(E) ka, Josue na pinakapunong pari! Ikaw at ang iyong mga kasamahang pari ay mabuting palatandaan ng mga mangyayari sa hinaharap. Palilitawin ko ang Sanga na aking lingkod. 9 At ang batong ibibigay ko sa iyo, na may pitong tapyas ay uukitan ko ng aking mga salita, at sa loob ng isang araw ay aalisin ko ang kasamaan sa buong lupain. 10 Sa(F) araw na iyon, sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kaibigan upang magsama-sama sa ubasan ninyo at sa ilalim ng inyong mga punong igos.”
Footnotes
- 2 SATANAS: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “Kaaway” o kaya'y “tagapagparatang”.