Add parallel Print Page Options

Lilipulin ang mga Kalaban ng Jerusalem

12 Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Ako ang Panginoon na gumawa ng langit at ng lupa. At ako ang nagbibigay ng buhay sa tao. Ang Jerusalem ay gagawin kong parang alak na magpapalasing sa mga bansang nakapalibot dito. At kapag sinalakay nila ang Jerusalem, sasalakayin din nila ang ibang lungsod ng Juda. Sa araw na iyon, gagawin kong parang mabigat na bato ang Jerusalem, at ang alinmang bansa na gagalaw dito ay masasaktan. Ang lahat ng bansa sa buong mundo ay magtitipon para salakayin ang Jerusalem. Ngunit tatakutin ko ang lahat ng kanilang mga kabayo at lilituhin ang mga sakay nito. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing babantayan ko ang mga mamamayan ng Juda, ngunit bubulagin ko ang mga kabayo ng mga bansa. At sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Matatag ang mga mamamayan ng Jerusalem dahil ang Panginoong Makapangyarihan ang kanilang Dios.’

“Sa araw na iyon, ang mga pinuno ng Juda ay gagawin kong tulad ng naglalagablab na baga sa nakabuntong mga kahoy o tulad ng naglalagablab na sulo sa nakabigkis na mga uhay. Lilipulin nila ang mga bansa sa palibot nila. Pero ang mga taga-Jerusalem ay hindi mapapahamak. Una kong pagtatagumpayin ang ibang mga lungsod ng Juda upang ang karangalan ng mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi hihigit sa ibang mga lungsod ng Juda. Sa araw na iyon, iingatan ng Panginoon ang mga nakatira sa Jerusalem upang kahit na ang pinakamahina sa kanila ay magiging kasinlakas ni David. Ang mga angkan ni David ay magiging parang Dios,[a] parang anghel ng Panginoon na nangunguna sa kanila. Sa araw na iyon, lilipulin ko ang lahat ng bansang sasalakay sa Jerusalem.

10 “Bibigyan ko ang mga angkan ni David at ang mga taga-Jerusalem ng espiritung maawain at mapanalanginin. Pagmamasdan nila ako[b] na kanilang sinibat, at iiyak sila katulad ng magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay magiging kasintindi ng iyakan para kay Hadad Rimon sa kapatagan ng Megido. 12-14 Iiyak ang bawat pamilya sa lupain ng Israel: ang mga pamilya ng angkan nina David, Natan, Levi, Shimei, at ang iba pang mga pamilya. Magkahiwalay na mag-iiyakan ang mga lalaki at mga babae.”

Footnotes

  1. 12:8 Dios: o, dios.
  2. 12:10 ako: o, siya.

Ang Darating na Pagliligtas sa Jerusalem

12 Ang salita ng Panginoon laban sa Israel. Ganito ang sabi ng Panginoon, na naglatag ng langit at nagtatag ng lupa at lumikha ng espiritu ng tao sa loob niya:

“Narito, malapit ko nang gawin ang Jerusalem na isang tasang pampasuray sa lahat ng bayan sa palibot, at ito ay magiging laban din sa Juda sa pagkubkob laban sa Jerusalem.

Sa araw na iyon ay aking gagawin ang Jerusalem na isang batong mabigat sa lahat ng bayan; lahat ng magbubuhat nito ay malubhang masusugatan. At ang lahat ng bansa sa lupa ay magtitipun-tipon laban sa kanya.

Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, aking sasaktan ng sindak ang bawat kabayo, at ang kanyang sakay ay mababaliw. Ngunit aking imumulat ang aking mga mata sa sambahayan ni Juda, at aking bubulagin ang bawat kabayo ng mga bayan.

Sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay aking kalakasan sa Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Diyos.’

“Sa araw na iyo'y gagawin ko ang mga pinuno ni Juda na parang nag-aapoy na palayok sa nakabuntong panggatong, parang nag-aapoy na sulo sa gitna ng mga bigkis; at kanilang sasakmalin ang buong bayan sa palibot, sa kanan at sa kaliwa; samantalang ang Jerusalem ay muling titirhan sa sarili nitong dako, sa Jerusalem.

“Unang ililigtas ng Panginoon ang mga tolda ng Juda, upang ang karangalan ng sambahayan ni David at ng mga naninirahan sa Jerusalem ay huwag magmalaki sa Juda.

Sa araw na iyon ay ipagsasanggalang ng Panginoon ang mga naninirahan sa Jerusalem, at siyang pinakamahina sa kanila sa araw na iyon ay maging gaya ni David, at ang sambahayan ni David ay magiging parang Diyos, parang anghel ng Panginoon sa unahan nila.

At mangyayari sa araw na iyon, aking pagsisikapang gibain ang lahat ng bansa na dumarating laban sa Jerusalem.

10 “Ibubuhos ko(A) (B) sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem ang espiritu ng biyaya at pananalangin, at kapag sila'y tumingin sa akin na kanilang inulos, at kanilang tatangisan siya, na gaya ng pagtangis sa kaisa-isang anak, at umiyak ng may kapaitan gaya ng pag-iyak na may kapaitan sa panganay.

11 Sa araw na iyon ang pagtangis sa Jerusalem ay magiging kasinlaki ng pagtangis para kay Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido.

12 Ang lupain ay tatangis, bawat angkan ay bukod, ang angkan ng sambahayan ni David ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod; ang sambahayan ni Natan ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod;

13 ang angkan ng sambahayan ni Levi ay bukod, ang kanilang mga asawa ay bukod, ang angkan ni Simei ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod;

14 ang lahat ng angkang nalabi, bukod ang bawat angkan, at ang kanilang mga asawa ay bukod.