Zacarias 1-4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Panawagan upang Manumbalik sa Dios
1 May sinabi ang Panginoon kay Propeta Zacarias noong ikawalong buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia. Si Zacarias ay anak ni Berekia na anak ni Iddo. 2-3 Inutusan ng Panginoong Makapangyarihan si Zacarias na sabihin ito sa mga mamamayan ng Israel:
“Matindi ang galit ko sa inyong mga ninuno. Kaya magbalik-loob na kayo sa akin at manunumbalik[a] ako sa inyo. 4 Huwag ninyong gayahin ang ginawa ng inyong mga ninuno. Inutusan ko noon ang mga propeta na pagsabihan silang talikuran na nila ang kanilang mga ginagawang masama, ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila sumunod sa akin. 5 Ang inyong mga ninuno at ang mga propetang iyon ay namatay na. 6 Ngunit nangyari sa inyong mga ninuno ang aking mga sinabi at mga babala sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta. Kaya nagsisi sila at sinabi, ‘Pinarusahan tayo ng Panginoong Makapangyarihan ayon sa ating ginawa, gaya ng kanyang napagpasyahang gawin sa atin.’ ”
Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo
7-8 May sinabi ang Panginoon kay Zacarias sa pamamagitan ng isang pangitain. Nangyari ito noong gabi ng ika-24, buwan ng Shebat (ika-11 buwan), noong ikalawang taon ng paghahari ni Darius. At ito ang ipinahayag ni Zacarias:
Nakita ko ang isang tao na nakasakay sa kabayong kulay pula na nakatigil sa isang patag na lugar na may mga puno ng mirto. Sa likuran niya ay may nakasakay sa kabayong pula, kayumanggi, at puti. 9 Itinanong ko sa anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ang ibig sabihin ng mga ito?” At sinabi niya sa akin, “Ipapaliwanag ko sa iyo ang ibig sabihin nito.”
10 Ang taong nakatayo malapit sa mga puno ng mirto ang siyang nagpaliwanag sa akin. Sinabi niya, “Ang mga mangangabayong iyon ay ipinadala ng Panginoon upang umikot sa buong mundo.”
11 Sinabi ng mga mangangabayo sa anghel ng Panginoon na nakatayo malapit sa mga puno ng mirto, “Nalibot na namin ang buong mundo at nakita naming tahimik ito.”
12 Sinabi ng anghel ng Panginoon, “Makapangyarihang Panginoon, hanggang kailan nʼyo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang iba pang bayan ng Juda? May 70 taon na po kayong galit sa kanila.” 13 Ang isinagot ng Panginoon sa anghel ay magagandang salita at nakapagbigay ng kaaliwan.
14 At sinabi sa akin ng anghel na sabihin ko itong mga sinabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Totoong nagmamalasakit ako sa Jerusalem na tinatawag ding Zion, 15 pero matindi ang galit ko sa mga bansang nagpapasarap sa buhay. Hindi ako gaanong galit sa kanila noon, ngunit sila na rin ang nagpaningas ng aking galit sa kanila. 16 Kaya babalik[b] akong may awa sa Jerusalem, at itatayo kong muli[c] ang lungsod na ito pati na ang aking templo.”
17 Sinabi ng anghel na sabihin ko pa itong ipinapasabi ng Makapangyarihang Panginoon: “Uunlad muli ang aking mga bayan sa Juda. At aaliwin kong muli ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at muli ko itong ituturing na hinirang kong bayan.”
Ang Pangitain tungkol sa Apat na Sungay at Apat na Panday
18 Pagkatapos, tumingala ako at nakita ko ang apat na sungay. 19 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano ang ibig sabihin ng mga sungay na ito?” Sumagot siya, “Ang mga sungay ay ang mga bansang nagpakalat sa mga mamamayan ng Israel, Juda, at Jerusalem.”
20 Pagkatapos, ipinakita sa akin ng Panginoon ang apat na panday. 21 Itinanong ko, “Ano ang gagawin nila?” Sumagot siya, “Sisindakin nila at wawasakin ang mga sungay. Ang mga sungay na ito ay ang mga bansang lubusang nagwasak sa Juda at nagpangalat sa kanyang mga mamamayan.”
Ang Pangitain Tungkol sa Lalaking may Panukat
2 Nang muli akong tumingin, may nakita akong lalaking may dalang panukat. 2 Tinanong ko siya, “Saan ka pupunta?” Sumagot siya, “Sa Jerusalem, susukatin ko ang luwang at haba nito.” 3 Pagkatapos, umalis ang anghel na nakikipag-usap sa akin at sinalubong siya ng isa pang anghel 4 at sinabi sa kanya, “Magmadali ka, sabihin mo sa lalaking iyon na may dalang panukat na ang Jerusalem ay magiging lungsod na walang pader dahil sa sobrang dami ng kanyang mga mamamayan at mga hayop. 5 Sinabi ng Panginoon na siya mismo ang magiging pader na apoy sa paligid ng lungsod ng Jerusalem, at siya rin ang magiging dakila sa bayan na ito.”
Pinababalik ng Dios ang Kanyang mga Mamamayan sa Kanilang Lugar
6-7 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Pinangalat ko kayo sa lahat ng sulok ng mundo. Pero ngayon, tumakas na kayo, pati kayong mga binihag at dinala sa Babilonia, at bumalik na kayo sa Zion.”
8 Pagkatapos kong makita ang pangitaing iyon, sinugo ako ng Panginoon na magsalita laban sa mga bansang sumalakay sa inyo at sumamsam ng inyong mga ari-arian. Sapagkat ang sinumang gumagawa ng masama sa inyo ay para na ring gumagawa ng masama sa mahal ng Panginoon. At ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan laban sa mga bansang iyon: 9 “Parurusahan ko sila; sasalakayin sila ng kanilang mga alipin at sasamsamin ang kanilang mga ari-arian.” At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagpadala sa akin.
10-11 Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo sa kagalakan, kayong mga taga-Zion, dahil darating ako at maninirahang kasama ninyo. At sa panahong iyon, maraming bansa ang magpapasakop sa akin. At sila rin ay magiging aking mga mamamayan.” Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagpadala sa akin dito sa inyo. 12 At muling aangkinin ng Panginoon ang Juda bilang kanyang bahagi sa banal na lupain ng Israel. At ang Jerusalem ay muli niyang ituturing na kanyang piniling lungsod.
13 Tumahimik kayong lahat ng tao sa presensya ng Panginoon, dahil dumarating siya mula sa kanyang banal na tahanan.
Ang Pangitain Tungkol kay Josue na Punong Pari
3 Ipinakita sa akin ng Panginoon ang punong pari na si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon. Nakatayo naman sa gawing kanan niya si Satanas upang paratangan siya.[d] 2 Pero sinabi ng anghel ng Panginoon kay Satanas, “Ayon sa Panginoon na pumili sa Jerusalem, mali ka Satanas. Sapagkat ang taong ito na si Josue ay iniligtas niya sa pagkakabihag katulad ng panggatong na inagaw mula sa apoy.”
3 Marumi ang damit ni Josue habang nakatayo siya sa harapan ng anghel. 4 Kaya sinabi ng anghel sa iba pang mga anghel na nakatayo sa harapan ni Josue, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming damit.” Pagkatapos, sinabi ng anghel kay Josue, “Inalis ko na ang iyong mga kasalanan. Ngayon, bibihisan kita ng bagong damit.”[e] 5 At sinabi ko, “Suotan din ninyo siya ng malinis na turban sa ulo.” Kaya binihisan nila siya ng bagong damit at nilagyan ng malinis na turban habang nakatayo at nakatingin ang anghel ng Panginoon.
6 Pagkatapos, ibinilin ng anghel ng Panginoon kay Josue ang sinabi 7 ng Makapangyarihang Panginoon: “Kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at susundin ang aking mga iniuutos, ikaw ang mamamahala sa aking templo at sa mga bakuran nito. At papayagan kitang makalapit sa aking presensya katulad ng mga anghel na ito na nakatayo rito. 8 Ngayon, makinig ka, Josue na punong pari: Ikaw at ang mga kapwa mo pari ay larawan ng mga pangyayaring darating. Ihahayag ko ang aking lingkod na tinatawag na Sanga.[f] 9 Josue, tingnan mo ang batong inilagay ko sa iyong harapan, mayroon itong pitong mata.[g] Uukitan ko ito, at aalisin ang kasalanan ng lupain ng Israel sa loob lamang ng isang araw.[h] 10 Sa araw na iyon, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang inyong mga kapitbahay upang mapayapang umupo sa ilalim ng inyong mga ubasan at puno ng igos. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
Ang Pangitain tungkol sa Gintong Patungan ng Ilawan at sa Dalawang Puno ng Olibo
4 Bumalik ang anghel na nakipag-usap sa akin at ginising ako dahil tila nakatulog ako. 2 Tinanong niya ako, “Ano ang nakita mo?” Sumagot ako, “Nakita ko ang isang gintong patungan ng ilawan. Sa itaas nito ay may mangkok na lalagyan ng langis. Sa paligid ng mangkok ay may pitong ilawan na ang bawat isa ay may pitong tubo na dinadaluyan ng langis. 3 May dalawang puno ng olibo sa magkabila nito, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”
4 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ba ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot siya, 5 “Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot ako, “Hindi po.” 6 Sinabi niya sa akin, “Bago ko sagutin iyan, pakinggan mo muna itong mensahe ng Panginoong Makapangyarihan na sasabihin mo kay Zerubabel:[i]
“Zerubabel, matatapos mo ang pagtatayo ng templo hindi sa pamamagitan ng lakas o kakayahan ng tao kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu.[j] 7 Maging kasinlaki man ng bundok ang hadlang na iyong haharapin, papatagin iyan. Matatapos ang templo, at habang inilalagay ang kahuli-hulihang bato nito, isisigaw ng mga tao, ‘Panginoon, pagpalain nʼyo po ito.’[k]”
8 Kaya sa pamamagitan ng anghel, sinabi sa akin ng Panginoon 9 na matatapos ang templo sa pamamahala ni Zerubabel, gaya ng pamamahala niya sa pagtatayo ng pundasyon nito. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagsugo sa akin sa inyo. 10 May mga taong kumukutya dahil kakaunti pa lamang ang nagagawa sa pagpapatayo ng templo. Pero matutuwa sila kapag nakita na nilang inilalagay ni Zerubabel ang pinakahuli at natatanging bato sa templo.[l]
Pagkatapos, sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong ilawang iyan ay ang mata ng Panginoon na nagmamasid sa buong mundo.”
11 Nagtanong ako sa anghel, “Ano ang ibig sabihin ng dalawang puno ng olibo – isa sa kanan at isa sa kaliwa ng lalagyan ng ilaw? 12 At ano ang ibig sabihin ng dalawang sanga ng punong olibo sa tabi ng dalawang gintong tubo na dinadaluyan ng langis na kulay ginto?” 13 Sinabi niya sa akin, “Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot ako, “Hindi po.” 14 Kaya sinabi niya sa akin, “Ang mga iyan ay kumakatawan sa dalawang taong pinili na maglilingkod sa Panginoon na naghahari sa buong mundo.”
Footnotes
- 1:2-3 manunumbalik: o, tutulong.
- 1:16 babalik: o, tutulong.
- 1:16 itatayo kong muli: sa literal, susukatin kita gamit ang taling panukat.
- 3:1 Pinaratangan ni Satanas ang punong pari na si Josue pati ang mga kapwa nito Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan, at inaakala ni Satanas na hindi na kaaawaan ng Panginoon ang mga ito.
- 3:4 bagong damit: o, damit ng pari; o, damit na mamahalin.
- 3:8 Sanga: Isang tawag ito sa Mesias (ang hari na hinihintay ng mga Israelita).
- 3:9 mata: o, bukal.
- 3:9 sa loob … araw: o, isang beses lang.
- 4:6 Zerubabel: Gobernador ng Juda nang panahong ipinatayong muli ang templo.
- 4:6 Espiritu: o, espiritu; o, kapangyarihan.
- 4:7 Panginoon … ito: o, Talagang napakaganda.
- 4:10 kapag nakita … templo: o, kapag nakita nila sa kamay ni Zerubabel ang taling panukat. Ang ibig sabihin, nagpapatuloy sa pagpapatayo ng templo sina Zerubabel.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®