Add parallel Print Page Options

Ang Pangitain tungkol sa Kasulatang Nakarolyo na Lumilipad

Nakita ko ang isang kasulatang nakarolyo na lumilipad. Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakita mo?” Sinabi ko, “Isang kasulatang nakarolyo na lumilipad, na mga 30 talampakan ang haba at mga 15 talampakan ang lapad.”

Sinabi ng anghel sa akin, “Nakasulat sa kasulatang iyan ang sumpang darating sa buong lupain ng Israel. Sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan na ang lahat ng magnanakaw ay aalisin sa Israel, at sa kabilang bahagi naman ng kasulatan ay sinasabi na ang lahat ng sumusumpa ng may kasinungalingan ay aalisin din. Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, ‘Ipapadala ko ang sumpang ito sa tahanan ng magnanakaw at sa tahanan ng sumusumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan. Mananatili ito sa kanilang mga bahay at lubusang wawasakin ang mga ito.’ ”

Ang Pangitain tungkol sa Babaeng Nasa Loob ng Kaing

Muling nagpakita sa akin ang anghel na nakipag-usap sa akin at sinabi, “Tingnan mo kung ano itong dumarating.” Nagtanong ako, “Ano iyan?” Sinabi niya, “Kaing.” At sinabi pa niya, “Iyan ay sumisimbolo sa kasalanan[a] ng mga tao sa buong lupain ng Israel.”

Ang kaing ay may takip na tingga. At nang alisin ang takip, nakita kong may isang babaeng nakaupo roon sa loob ng kaing. Sinabi ng anghel, “Ang babaeng iyan ay sumisimbolo sa kasamaan.” Itinulak niya ang babae pabalik sa loob ng kaing at isinara ang takip. Pagkatapos, may nakita akong dalawang babaeng lumilipad na tinatangay ng hangin. Ang kanilang mga pakpak ay tulad ng sa tagak.[b] Binuhat nila ang kaing at inilipad paitaas. 10 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Saan nila dadalhin ang kaing?” 11 Sumagot siya, “Sa Babilonia,[c] kung saan gagawa ng templo para sa kaing. At kapag natapos na ang templo, ilalagay ito roon para sambahin.”

Footnotes

  1. 5:6 kasalanan: Ito ang nasa Septuagint at Syriac. Sa Hebreo, mata.
  2. 5:9 tagak: sa Ingles, stork.
  3. 5:11 Babilonia: sa Hebreo, Shinar.