Add parallel Print Page Options

Ang Salapi ni Tobit

Naalala ni Tobias ang salaping sinabi ng kanyang ama. Kaya't tinawag niya si Rafael at sinabi, “Azarias, ihanda mo ang dalawang kamelyo at kumuha ka ng apat na alipin. Dalhin mo ang kasulatang ito at pumunta kayo sa Rages, sa bahay ni Gabael. Ibigay mo sa kanya ang kasulatan, kunin mo ang salapi at pasamahin mo siya rito. Sabihin mong kailangan ko siya sa pagdiriwang ng aming kasal. Tiyak na naghihintay na ang aking ama. Kahit na isang araw lang akong maantala ay kanyang ikakabalisa. Alam mong hinihiling ni Raguel na huwag muna akong umalis, at hindi ko siya matatanggihan.” Kaya si Rafael at ang apat na alipin ay nagpunta sa Rages, Media kasama ang dalawang kamelyo. Doon nga sila nagtuloy sa bahay ni Gabael. Iniabot ni Rafael kay Gabael ang kasulatan, at ibinalita niya ang tungkol kay Tobias na anak ni Tobit. Sinabi niyang ito'y nag-asawa na at inaanyayahan siya sa pagdiriwang ng kasal. Inayos agad ni Gabael ang mga supot ng salapi at ikinarga sa mga kamelyo.[a]

Kinabukasan, maaga silang umalis at nagtungo sa kasalan. Nang pumasok sila sa bahay ni Raguel, nakita nila si Tobias na nakadulog sa hapag. Agad itong tumayo at binati si Gabael. Lumuluha si Gabael na bumati rin, at sinabi, “Ikaw ay dakila at mabuting bata, anak ng dakila at mabuting tao, tapat at mapagkawanggawa. Pagpalain ka nawa ng Panginoon, gayundin ang asawa mo't mga biyenan. Salamat sa Diyos at niloob niyang makita ko ang aking pinsan na si Tobias. Kamukhang-kamukha ka ng iyong ama.”

Footnotes

  1. 5 ikinarga sa mga kamelyo: Sa ibang manuskrito'y pinagpatung-patong ang mga iyon .