Tobit 5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Si Rafael at Tobias ay Naglakbay Patungong Media
5 Si Tobias ay sumagot sa kanyang amang si Tobit, “Susundin ko po ang lahat ng inyong utos. 2 Ngunit paano ko po makukuha ang salaping sinasabi ninyo? Hindi naman ako kilala ng taong sinasabi ninyo at hindi ko rin naman siya kilala! Ano pong katibayan ang ibibigay ko sa kanya upang kilanlin niya ako at ipagkatiwala sa akin ang salaping iyon? Hindi ko rin po alam ang papunta sa Media.”
3 Sumagot si Tobit, “May paraan, anak; lumagda kami ni Gabael sa isang kasulatan, na may dalawang sipi at pagkatapos ay pinagtig-isahan namin iyon. Ang kanya ay kasama ng supot ng salapi. Dalawampung taon na ang nakalipas mula noon! Humanap ka agad ng isang taong mapagkakatiwalaan na makakasama mo. Babayaran natin siya pagbalik ninyo. Kailangang makuha mo ang salaping iyon kay Gabael.”
4 Humanap(A) nga si Tobias ng taong tapat at nakakaalam ng pagpunta sa Media. Paglabas niya'y nakita niya ang anghel na si Rafael na nakatayo sa kanyang harapan, ngunit hindi niya alam na ito'y anghel ng Diyos. 5 Kaya't tinanong niya kung tagasaan ito. “Israelita ako,” sagot ni Rafael. “Malayo mo akong kamag-anak, at pumunta ako rito sa Nineve upang maghanap ng trabaho.”
“Alam po ba ninyo ang patungo sa Media?” tanong ni Tobias.
6 “Aba, Oo,” tugon ng anghel. At sinabi pa nito, “Sanay ako sa pagpunta roon. Alam ko ang lahat ng daang patungo roon. May kamag-anak pa nga akong madalas dalawin doon! Si Gabael na taga-Rages, Media. Ang Rages ay dalawang araw na lakbayin mula sa Ecbatana, sapagkat ang Rages ay nasa kabundukan at ang Ecbatana ay nasa gitna ng kapatagan.”
7 Nang marinig ito ni Tobias, sinabi niya sa kausap, “Maaari bang hintayin mo ako sandali? Ikaw ang taong kailangan kong makasama; babayaran kita. Magsasabi lang ako sa ama ko.”
8 “Payag ako; dalian mo lang,” tugon ni Rafael.
9 Nagbalik si Tobias at sinabi sa kanyang ama ang nangyari. Sabi niya, “Nakakita na po ako ng lalaking makakasama at isa pa nating kamag-anak!”
“Tawagin mo siya,” sabi ni Tobit, “nais kong malaman kung kaninong lahi siya nagmula at kung siya'y mapagkakatiwalaan upang samahan ka.”
Nakausap ni Tobit si Rafael
Nagbalik si Tobias kay Rafael at sinabi rito, “Nais kang makausap ng aking ama.” Nagpunta naman si Rafael, at pagpasok sa bahay, binati agad siya ni Tobit.
“Magandang araw po!” tugon naman ni Rafael.
“Ano ba ang maganda sa buhay ko?” sabi ni Tobit. “Bulag ako, at hindi ko maaninag ang liwanag na kaloob ng Diyos; para na akong patay na nananatili sa kadiliman! Nakakarinig nga ng tinig, ngunit hindi naman makita ang nagsasalita.”
“Huwag po kayong mawalan ng pag-asa,” tugon naman ni Rafael, “pagagalingin kayo ng Diyos.”
Matapos marinig ito'y sinabi ni Tobit, “Si Tobias ay gustong magpunta sa Media ngunit hindi niya alam ang daan. Puwede bang samahan mo siya? Huwag kang mag-alala; babayaran kita, anak!”
Sumagot si Rafael, “Puwede ko po siyang samahan. Lahat po ng daang patungo roo'y alam ko. Madalas po akong magpunta sa Media at natawid ko nang lahat ang mga kapataga't kabundukang papunta roon.”
10 Tinanong siya ni Tobit, “Huwag kang magagalit, anak; tagasaan ka ba at kaninong lahi ka nagmula?”
11 “Bakit po kailangan pa ninyong malaman ang aking pagkatao?” tugon ni Rafael.
Sumagot si Tobit, “Mabuti nang malaman ko kung sino ka at kung sino ang iyong angkan.”
12 “Ako po'y si Azarias,” tugon ni Rafael. “Anak po ako ng matandang Hananias na isa rin ninyong kamag-anak.”
13 “Ganoon ba?” sagot ni Tobit. “Mabuti! Pagpalain ka nawa ng Diyos. Huwag ka sanang maiinis sa aking pag-uusisa. Tingnan mo, magkamag-anak pala tayo! Kilala ko ang iyong ama at ang kapatid nitong si Natamias.[a] Anak sila ng iyong Lolo Semaias at madalas kaming magkasama papuntang Jerusalem para sumamba. Napakabuti nila; mabuti ang iyong angkan! Kaya, tamang-tama ka. Maligayang paglalakbay!”
14 Sabi pa ni Tobit, “Sumama ka lamang sa anak ko, babayaran kita nang araw-araw at babayaran ko ang lahat ng gastusin ninyo. 15 Hindi lamang iyon, bibigyan pa kita ng karagdagang kaloob.”
16 Sumagot(B) naman si Rafael, “Huwag po kayong mag-alala; sasama ako kay Tobias. Makakaasa kayong makakabalik kaming maluwalhati. Wala pong magiging problema sa aming daraanan.”
“Pagpalain kayo ng Diyos,” tugon naman ni Tobit. Tinawag niya si Tobias at sinabi, “Anak, ihanda mo nang lahat ang iyong kailangan, at lumakad na kayo sa mga kamag-anak natin sa Media. Ingatan nawa kayo ng Diyos at ibalik na ligtas. Patnubayan nawa kayo ng kanyang anghel.”
Bago sila umalis, humalik muna si Tobias sa kanyang ama at ina. “Nawa'y ingatan kayo ng Diyos sa inyong paglalakbay,” sabing muli ni Tobit.
17 Ngunit napaiyak ang asawa ni Tobit. Sabi niya, “Bakit ka naman nagpasya nang ganito? Alam mo namang siya lang ang ating inaasahan at tanging gabay sa buhay. 18 Huwag namang ang higit na mahalaga sa iyo ngayon ay ang kayamanan kaysa sa iyong anak! 19 Ang buhay na kaloob ng Diyos sa atin ay sapat na.”
20 “Huwag kang mag-alala,” sagot ni Tobit. “Ang anak nati'y ligtas na aalis at makakabalik. 21 Pumanatag ka; huwag kang mag-alala, mahal ko. Asahan mong papatnubayan siya ng mabuting anghel, at babalik siyang walang kapansanan.” At tumahan na si Ana.
Footnotes
- 13 Natamias: Sa ibang manuskrito'y Natan o kaya'y Jatan .