Tito 1:7-2:8
Magandang Balita Biblia
7 Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa[a] ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, 8 bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. 9 Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.
10 Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang suwail at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. 11 Kailangang pigilan sila sa kanilang mga ginagawa sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya at nagtuturo ng mga bagay na hindi dapat ituro, kumita lamang sila ng salapi. 12 Isa na ring taga-Creta na kinikilala nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya, 14 at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di-sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinapasinungalingan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi nababagay sa gawang mabuti.
Ang Wastong Pamumuhay
2 Kaya naman ituro mo ang mga bagay na angkop sa wastong aral. 2 Sabihin mo sa mga nakatatandang lalaki na sila'y maging mapagpigil sa sarili, marangal, makatuwiran, at matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig at pagtitiis. 3 Sabihin mo sa mga nakatatandang babae na sila'y mamuhay nang may kabanalan, huwag maninirang-puri, at huwag malululong sa alak, kundi magturo ng mabuti, 4 upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. 5 Ang mga kabataang ito'y kailangan ding turuan na maging makatuwiran, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila.
6 Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. 7 Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. 8 Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Sa gayon, mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin.
Footnotes
- Tito 1:7 tagapangasiwa: o kaya'y obispo .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.