Tito 3
Ang Salita ng Diyos
Paggawa ng Mabuti
3 Ipaala-ala mo na sila ay magpasakop sa mga pinuno at sa mga may kapamahalaan. Maging masunurin at maging handa sa paggawa ng mabubuti.
2 Ipaala-ala mo rin sa kanila na huwag silang manlait sa kaninuman. Dapat din silang maging mapayapa, mahinahon at nagpapakita ng kababaang-loob sa lahat ng mga tao.
3 Ito ay sapagkat sa nakaraang panahon, tayo rin naman ay mga mangmang, mga masuwayin at mga iniligaw. Naging alipin tayo sa iba’t ibang masasamang pita at kalayawan. Namuhay tayo sa masamang hangarin at inggitan. Kinapootan tayo ng mga tao at napoot tayo sa isa’t isa. 4 Ngunit nahayag ang kabutihan ng Diyos, na ating Tagapagligtas at ang kaniyang pag-ibig samga tao. 5 Nang mahayag ito, iniligtas niya tayo, hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng katuwiran na ating ginawa, kundi ayon sa kaniyang kahabagan. Ito ay sa pamamagitan ng muling kapanganakang naghuhugas sa atin at sa pamamagitan ng Banal na Espiritung bumabago sa atin. 6 Masagana niyang ibinuhos ang Banal na Espiritu sa atin, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Tagapagligtas. 7 Ginawa niya ito upang sa pagpapaging-matuwid sa atin, sa pamamagitan ng biyaya at ayon sa pag-asa, tayo ay maging tagapagmana ng buhay na walang hanggan. 8 Ito ay mapagkakatiwalaang salita. Ibig kong palagi mong bigyan ng diin ang mga bagay na ito upang ang mga mananampalataya sa Diyos ay maging maingat sa pagpapanatili ng mabuting gawa. Ang mga bagay na ito ay mabuti at kapakipakinabang sa mga tao.
9 Iwasan mo ang hangal na pagtatanungan, ang walang katapusang pagsasalaysay ng mga angkan, ang pag-aaway-away at pagtatalo patungkol sa kautusan sapagkat wala itong kapakinabangan at walang itong kabuluhan. 10 Itakwil mo ang taong lumilikha ng pagkakampi-kampi, kung hindi siya nakinig pagkatapos ng una at ikalawang babala. 11 Alam mo na ang ganyang tao ay lihis at nagkakasala, na hinatulan na niya ang kaniyang sarili.
Panghuling Tagubilin
12 Nang isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico, sikapin mong pumunta sa akin sa Nicopolis sapagkat aking ipinasyang doon magpalipas ng taglamig.
13 Sikapin mong matulungan si Zenas na manananggol at si Apollos sa kanilang paglalakbay. 14 Dapat matutunan ng ating mga tao na manatili sa mabubuting gawa sa araw-araw na pangangailangan upang magbunga.
15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga umiibig sa atin sa pananampalataya.
Biyaya ang sumainyong lahat. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International