Santiago 2
Ang Salita ng Diyos
Huwag Magtatangi ng Isang Tao nang Higit sa Iba
2 Mga kapatid ko, kayo ay may pananampalataya na nasa Panginoong Jesucristo na Panginoon ng kaluwalhatian at kayo na may pananampalatayang ito ay huwag magkaroon ng pagtatangi ng mga tao.
2 Maaaring may pumasok sa inyong sinagoga na isang taong may gintong singsing at marangyang kasuotan. Maaari ding may pumasok na isang taong dukha na napakarumi ng damit. 3 At higit ninyong binigyan ng pansin ang may marangyang kasuotan at sinasabi mo sa kaniya: Maupo po kayo rito sa magandang dako. Sa taong dukha ay sinasabi mo: Tumayo ka na lang dito o di kaya ay maupo ka sa tabi ng patungan ng aking paa. 4 Hindi ba kayo rin ay may mga pagtatangi-tangi sa inyong mga sarili? Hindi ba kayo ay naging mga tagahatol na may masasamang isipan?
5 Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito na mayayaman sa pananampalataya? Hindi ba pinili silang tagapagmana ng paghaharing ipinangako niya sa mga umiibig sa kaniya? 6 Hinamak ninyo ang taong dukha. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa harap ng mga hukuman? 7 Hindi ba sila ang lumalait sa mabuting pangalan na itinatawag sa inyo?
8 Kung tinutupad ninyo ang maharlikang kautusan ayon sa kasulatan, mabuti ang inyong ginagawa. Ito ay nagsasabi: Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 9 Kaya kung kayo ay nagtatangi ng tao, kayo ay nagkakasala at sinusuway ang kautusan bilang mga lumalabag. 10 Ang sinumang tumutupad sa buong kautusan ngunit natitisod sa isang bahagi ay nagkakasala sa buong kautusan. 11 Ito ay sapagkat sinabi ng Diyos: Huwag kang makiapid. Sinabi rin niyang huwag kang papatay. Kung hindi ka man nakiapid ngunit ikaw naman ay pumatay, ikaw ay lumabag din sa kautusan.
12 Kaya magsalita ka at gumawa tulad ng mga hahatulan na ng kautusan ng kalayaan. 13 Ito ay sapagkat walang kahabagang hahatulan ng Diyos ang sinumang nagkait ng habag. Ang kahabagan ay nananaig sa kahatulan.
Pananampalataya at mga Gawa
14 Mga kapatid ko, kung sabihin ng isang tao na siya ay may pananampalataya subalit wala siyang mga gawa, ano ang pakinabang noon? Maililigtas ba siya ng pananampalataya?
15 Maaaring ang isang kapatid na lalaki o babae ay walang damit o kinukulang sa pang-araw-araw na pagkain. 16 At ang isa sa inyo ay nagsabi sa kanila: Humayo kayo nang mapayapa. Magpainit kayo at magpakabusog. Ngunit hindi mo naman ibinigay sa kanila ang mga kailangan ng katawan, ano ang kapakinabangan noon? 17 Ganiyan din ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ito ay patay sa kaniyang sarili.
18 Maaaring may magsabi: Ikaw ay may pananampalataya, ako ay may mga gawa. Ipakita mo ang iyong pananampalataya na wala ang iyong mga gawa at ipapakita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Nananampalataya kang iisa ang Diyos. Mabuti ang iyong ginagawa. Maging ang mga demonyo ay nananampalataya at nanginginig.
20 Ikaw na taong walang kabuluhan, ibig mo bang malaman na ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay? 21 Hindi ba ang ating amang si Abraham ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa? Ito ay nang ihandog niya sa dambana ang kaniyang anak na si Isaac. 22 Iyong nakita na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa. 23 At naganap ang kautusan na sinabi: Sinampalatayanan ni Abraham ang Diyos at ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran at tinawag siyang kaibigan ng Diyos. 24 Nakikita ninyong ang tao ay pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.
25 Hindi ba sa gayunding paraan si Rahab na isang patutot ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng mga gawa? Matapos niyang tanggapin ang mga sugo, sila ay pinaalis niya at pinadaan sa ibang landas. 26 Kung paanong ang katawang walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa.
Copyright © 1998 by Bibles International