Santiago 1
Ang Salita ng Diyos
1 Akong si Santiago ay isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo. Binabati ko ang labindalawang lipi ni Israel na nakakalat sa iba’t ibang bansa.
Mga Pagsubok at mga Tukso
2 Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang uri ng pagsubok.
3 Nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ngunit hayaan ninyong ang pagtitiis ay magkaroon ng kaniyang ganap na gawa upang kayo ay maging ganap at buo. Sa gayon, kayo ay maging ganap at lubos na walang anumang kakulangan. 5 Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at iyon ay ibibigay sa kaniya. Ang Diyos ay nagbibigay nang masagana sa lahat at hindi nagagalit. 6 Ngunit kapag siya ay humingi, humingi siyang may pananampalataya at walang pag-aalinlangan sapagkat ang taong nag-aalinlangan ay katulad ng isang alon sa dagat na tinatangay at ipinapadpad ng hangin. 7 Ang taong nag-aalinlangan ay hindi dapat mag-isip na siyaay tatanggap ng anuman mula sa Panginoon. 8 Ang taong nagdadalawang-isip ay hindi matatag sa lahat ng kaniyang mga lakad.
9 Magmapuri ang kapatid na may mababang kalagayan dahil sa kaniyang pagkakataas. 10 Magmapuri din naman ang mayaman dahil sa kaniyang pagkakababa sapagkat tulad ng bulaklak ng damo, siya ay lilipas. 11 Ito ay sapagkat ang araw ay sumisikat na may matinding init at tinutuyo ang damo. Ang bulaklak ng damo ay nalalagas at sinisira ng araw ang kaakit-akit na anyo nito. Gayundin naman ang mayaman, siya ay lumilipas sa kaniyang mga lakad.
12 Pinagpala ang taong nagtitiis ng pagsubok dahil kapag siya ay nasubok na, tatanggap siya ng putong ng buhay na ipinangako ng Panginoon sa kanila na umiibig sa kaniya.
13 Huwag sabihin ng sinumang tinutukso: Ako ay tinutukso ng Diyos. Ito ay sapagkat ang Diyos ay hindi maaaringmatukso ng mga kasamaan at hindi niya tinutukso ang sinuman. 14 Ang bawat tao ay natutukso kapag siya ay nahihila ng kaniyang masidhing pita at siya ay nasisilo nito. 15 Kapag ang masidhing pita ay naglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan. Kung ang kasalanan ay naganap, ito ay nagbubunga ng kamatayan.
16 Minamahal kong mga kapatid, huwag kayong padaya kaninuman. 17 Ang bawat mabuting pagbibigay at bawat ganap na kaloob ay mula sa itaas at nagbubuhat sa Ama ng mga liwanag na walang pagbabago, ni anino man ng pagtalikod. 18 Sa kaniyang sariling kalooban ay ipinanganak niya tayo sa pamamagitan ng salita ng katotohanan upang maging isang uri tayo ng mga unang-bunga ng kaniyang mga nilikha.
Pakikinig at Pagsasagawa
19 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, ang bawat tao ay dapat maging maagap sa pakikinig at maging mahinahon sa pagsasalita at hindi madaling mapoot.
20 Ito ay sapagkat ang poot ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya nga, hubarin ninyo ang lahat ng karumihan at ang pag-uumapaw ng kasamaan. Tanggapin ninyo nang may kababaan ng loob ang salitang ihinugpong sa inyo na makakapagligtas sa inyong mga kaluluwa.
22 Maging tagatupad kayo ng salita at huwag maging tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili. 23 Ang sinumang tagapakinig ng salita ngunit hindi tagatupad nito ay natutulad sa isang taong minamasdan ang kaniyang likas na mukha sa salamin. 24 Pagkatapos niyang masdan ang kaniyang sarili, siya ay lumisan at kinalimutan niya kaagad kung ano ang uri ng kaniyang pagkatao. 25 Ngunit ang sinumang tumitingin sa ganap na kautusan ng kalayaan at nananatili rito ay tagapakinig na hindi nakakalimot sa halip siya ay tagatupad ng salita. Ang taong ito ay pagpapalain sa kaniyang ginagawa.
26 Kung ang sinuman sa inyo ay waring relihiyoso at hindi niya pinipigil ang kaniyang dila, subalit dinadaya niya ang kaniyang puso, ang kaniyang relihiyon ay walang kabuluhan. 27 Ang dalisay at walang dungis na relihiyon sa harapan ng Diyos Ama ay ang pagdalaw sa mga ulila at sa mga babaeng balo sa kanilang paghihirap. Ito ay upang maingatan ang kaniyang sarili na hindi mabahiran ng sanlibutan.
Copyright © 1998 by Bibles International