Add parallel Print Page Options

Ang Dios ay Higit sa Lahat ng Pinuno

97 Ang Panginoon ay naghahari!
    Kaya magalak ang mundo, pati na ang mga isla.
Napapalibutan siya ng makakapal na ulap
    at naghahari nang may katuwiran at katarungan.
May apoy sa unahan niya at sinusunog nito ang mga kaaway niyang nakapalibot sa kanya.
Ang kanyang mga kidlat ay lumiliwanag sa mundo.
    Nakita ito ng mga tao at nanginig sila sa takot.
Natutunaw na parang kandila ang mga kabundukan sa presensya ng Panginoon, ang Panginoon na naghahari sa buong mundo.
Ipinapahayag ng langit na matuwid siya
    at nakikita ng lahat ng tao ang kanyang kaluwalhatian.
Mapapahiya ang lahat ng sumasamba sa mga dios-diosan at ang mga nagmamalaki sa mga ito.
    Ang lahat ng mga dios ay lumuhod at sambahin ang Dios.
Panginoon, narinig ng mga taga-Zion[a] at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong wastong pamamaraan ng pamamahala,
    kaya tuwang-tuwa sila.
Dahil kayo, Panginoon, ang Kataas-taasang Dios ay naghahari sa buong mundo.
    Higit kayong dakila kaysa sa lahat ng mga dios.
10 Kayong mga umiibig sa Panginoon ay dapat mamuhi sa kasamaan.
    Dahil iniingatan ng Panginoon ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan
    at inililigtas niya sila sa masasama.
11 Ang kabutihan ng Dios ay parang araw na sumisinag sa matutuwid
    at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.
12 Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon.
    Pasalamatan siya at purihin ang kanyang pangalan!

Purihin ang Dios na Hukom

98 Umawit tayo ng bagong awit sa Panginoon,
    dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay!
    Sa kanyang kapangyarihan at kalakasaʼy tinalo niya ang ating mga kaaway.
Ipinakita ng Panginoon sa mga bansa ang kanyang pagliligtas at pagiging makatuwiran.
Hindi niya kinalimutan ang kanyang pag-ibig at katapatan sa atin na taga-Israel.
    Nakita ng lahat ng tao sa buong mundo ang pagliligtas ng ating Dios.
Kayong lahat ng tao sa buong mundo,
    sumigaw kayo sa tuwa sa Panginoon!
    Buong galak kayong umawit ng papuri sa kanya.
5-6 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon habang tinutugtog ang mga alpa at mga trumpeta at tambuli.
    Sumigaw kayo sa galak sa presensya ng Panginoon na ating Hari.
Magalak ang buong mundo at ang lahat ng naninirahan dito,
    pati ang mga dagat at ang lahat ng narito.
Magpalakpakan ang mga ilog at sabay-sabay na magsiawit sa tuwa ang mga kabundukan
Natutuwa sila sa presensya ng Panginoon
    dahil darating siya upang hatulan ang lahat ng tao sa buong mundo.
    Hahatulan niya sila nang matuwid at walang kinikilingan.

Ang Panginoon ay Banal na Hari

99 Naghahari ang Panginoon at nakaupo sa gitna ng mga kerubin.
    Kaya ang mga taoʼy nanginginig sa takot at ang mundoʼy nayayanig.
Makapangyarihan ang Panginoon sa Zion,[b]
    dinadakila siya sa lahat ng bansa.
Magpupuri ang mga tao sa kanya dahil siya ay makapangyarihan at kagalang-galang.
    Siya ay banal!
Siyaʼy haring makapangyarihan at ang nais niyaʼy katarungan.
    Sa kanyang paghatol ay wala siyang kinikilingan,
    at ang ginagawa niya sa Israel[c] ay matuwid at makatarungan.
Purihin ang Panginoon na ating Dios.
    Sambahin siya sa kanyang templo.[d]
    Siya ay banal!
Sina Moises at Aaron ay kanyang mga pari,
    at si Samuel ay isa sa mga nanalangin sa kanya.
    Tumawag sila sa Panginoon at tinugon niya sila.
Nakipag-usap siya sa kanila mula sa ulap na parang haligi;
    sinunod nila ang mga katuruan at tuntunin na kanyang ibinigay.
Panginoon naming Dios, sinagot nʼyo ang dalangin ng inyong mga mamamayan.[e]
    Ipinakita nʼyo sa kanila na kayo ay Dios na mapagpatawad kahit na pinarusahan nʼyo sila sa kanilang mga kasalanan.
Purihin ang Panginoon na ating Dios.
    Sambahin siya sa kanyang banal na Bundok,
    dahil ang Panginoon na ating Dios ay banal.

Footnotes

  1. 97:8 Zion: o, Jerusalem.
  2. 99:2 Zion: o, Jerusalem.
  3. 99:4 Israel: sa Hebreo, Jacob.
  4. 99:5 templo: sa literal, patungan ng paa.
  5. 99:8 ng inyong mga mamamayan: sa Hebreo, nila; Maaari ding sina Moises, Aaron at Samuel ang tinutukoy gaya ng nakasulat sa talatang 6.